Ano ang Kasunod ng Seminary?
Ang pagtatapos sa seminary ay hindi katapusan ng pag-aaral ninyo sa Simbahan. May napakaganda pang bagay na inihanda para sa inyo.
Sa seminary pinag-aaralan ninyo ang mga banal na kasulatan at marahil nakakasama ninyo roon nang regular ang ibang mga kaedad ninyo. Nadarama ninyong kabilang kayo, at nadarama ninyo ang Espiritu. Kaya’t kung tapos na kayo sa seminary, tapos na rin ba ang mga karanasang ito? Hindi pa.
Ang institute program ng Simbahan ang susunod, at magugustuhan ninyo ito. Mag-aaral man kayo sa kolehiyo o hindi, maipagpapatuloy ninyo ang pag-aaral tungkol sa ebanghelyo, makapaghahanda sa misyon at kasal sa templo, at maibabahagi ang inyong mga karanasan sa ibang mga kaedad ninyo.
Narito ang ilang kasagutan sa mga simpleng tanong tungkol sa institute. Marami pa kayong malalaman tungkol dito sa institute.lds.org.
Ano ang institute?
Ang institute ay binubuo ng mga klaseng tumatalakay sa ebanghelyo, kabilang ang klase tungkol sa mga banal na kasulatan, mga turo ng mga propeta, at paghahanda para sa misyon o kasal sa templo. May mga institute na marami kang klaseng puwedeng pagpilian.
Sino ang maaaring dumalo?
Lahat ng young single adult ay lubos na hinihikayat na dumalo sa mga klase ng institute. Kahit sino—may-asawa o wala—nasa edad 18 hanggang 30 ay maaaring dumalo sa institute.
Saan ko makikita ang institute?
Ang ilang lugar ay may mga gusali ng institute na malapit sa mga kolehiyo at unibersidad. Sa ibang lugar idinaraos ang mga klase sa mga gusali ng Simbahan o sa ibang lugar. Kontakin ang inyong bishop o branch president para malaman ang tungkol sa institute program sa inyong lugar, o pumunta sa institute.lds.org para makahanap ng institute na malapit sa inyo.
Bakit kailangan akong dumalo sa institute?
Sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson: “Gawing priyoridad ang partisipasyon sa institute. … Isipin ninyo. Mabubuo ang mga pagkakaibigan, madarama ang Espiritu, at mapalalakas ang pananampalataya. Ipinapangako ko sa inyo na kapag nakibahagi kayo sa institute at masigasig na pinag-aralan ang mga banal na kasulatan, ang kakayahan ninyong iwasan ang tukso at tumanggap ng patnubay mula sa Espiritu Santo sa lahat ng inyong ginagawa ay mag-iibayo” (institute.lds.org, Abr. 21, 2009).