Mga Kuwento mula sa Kumperensya
Pagtatayo ng Matitibay na Pundasyon
Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Mga Bundok na Aakyatin,” Liahona, Mayo 2012, 24.
Noong binata ako nagtrabaho ako sa isang kontratista sa paglalagay ng mga footing [tuntungan] at pundasyon para sa mga bagong bahay. Sa init ng araw mahirap ihanda ang lupa sa porma o hugis na pagbubuhusan namin ng semento para sa footing. Wala pang mga makinarya. Gumamit kami ng piko at pala. Mahirap gumawa ng matitibay na pundasyon para sa mga gusali sa mga panahong iyon.
Nangailangan din ito ng pagtitiyaga. Pagkatapos naming buhusan ng semento ang footing, hinintay namin itong matuyo. Gustuhin man naming mapabilis ang trabaho, naghintay rin kaming matapos ang pagbuhos ng semento para sa pundasyon bago namin inalis ang mga porma.
At ang mas kahanga-hanga sa isang bagong karpintero ay ang tila mahirap at matagal na paglalagay ng mga bakal nang buong ingat sa loob ng mga porma para tumibay ang pundasyon.
Sa gayon ding paraan, kailangang ihandang mabuti ang lupa para sa pundasyon ng ating pananampalataya upang makayanan ang mga unos na darating sa buhay ng bawat isa. Ang matibay na batayan ng pundasyon ng pananampalataya ay integridad ng sarili.
Kapag lagi nating pinipili ang tama tuwing pumipili tayo, tumitibay ang pundasyon ng ating pananampalataya. Maaari itong magsimula sa pagkabata dahil bawat kaluluwa ay isinilang na may kaloob na Espiritu ni Cristo. Sa pamamagitan ng Espiritung iyan malalaman natin kapag nagawa natin ang tama sa harap ng Diyos at kapag mali ang ating nagawa sa paningin Niya.
Ang mga pagpiling iyon, na karaniwan ay daan-daan, ay inihahanda ang pundasyong kinasasaligan ng ating pananampalataya. Ang bakal sa paligid na pinagbuhusan ng ating pananampalataya ay ang ebanghelyo ni Jesucristo, kasama ang lahat ng tipan, ordenansa, at alituntunin nito.
Ang isa sa mga susi sa di-matitinag na pananampalataya ay ang tamang pagtantiya kung sapat na ba ang lakas nito. …
Hindi kaagad-agad tumitibay ang pananampalataya sa paglipas ng panahon, kundi nangangailangan ito ng sapat na panahon. Ang pagtanda ay hindi sapat. Masigasig na paglilingkod sa Diyos at sa kapwa nang buong puso at kaluluwa ang nagbubunga ng patotoo na nagiging matibay na espirituwal na lakas.
Mga Tanong na Pag-iisipan
-
Naaalala ba ninyo ang isang pagkakataon na sinubukan ang inyong personal na integridad? Paano kayo tumugon?
-
Paano pinalalakas ng paglilingkod sa Diyos at sa kapwa ang inyong espirituwal na pundasyon?
Isiping isulat ang inyong mga ideya sa inyong journal o talakayin ang mga ito sa iba.