Isang Sakripisyo ngunit Isa Ring Kagalakan
Muntik nang maglaho ang hangarin kong magmisyon dahil masaya ako sa kita ko noon.
Noong anim na taong gulang ako, nakilala ng nanay ko ang mga misyonero at sumapi siya sa Simbahan sa Ghana, Africa. Iniwan ng tatay ko si Inay at kaming limang anak niya, ngunit nakatulong ang mga turo ng Simbahan para manatiling matatag ang aming pamilya. Mahal namin ang isa’t isa at payapa ang aming tahanan. Gustung-gusto kong magsimba kasama si Inay at dumalo sa mga klase sa Primary at pagkatapos ay sa seminary.
Noong binatilyo na ako tinawag ako bilang ward missionary at nagustuhan kong mag-proselyte na kasama ng mga misyonero. Nakita ko ring magmisyon ang ilan sa mga binata sa aming ward. Pagbalik nila, iba na sila. Mas marami silang alam at mas husto ang kanilang pag-iisip, kapwa sa pisikal at sa espirituwal. Nagmisyon din ang kuya ko. Pagbalik niya, marami akong nakitang pagbabago sa kanyang ugali. Lagi kong itinatanong sa sarili, “Ano ba ang mayroon sa misyon na nagpapabago at labis na nagpapaunlad sa lahat ng taong ito?” Naging masigasig akong makapagmisyon.
Nang makatapos ako ng high school, nagtrabaho ako upang makaipon para sa misyon. Hindi naglaon at naglaho ang hangarin kong magmisyon dahil masaya ako sa kita ko noon. Magiging sakripisyo ang magmisyon dahil nakatulong ang kita ko sa pagsuporta sa aking pamilya. Tuwing sisimulan kong sulatan ang mga mission form, naiisip ko ang perang isasakripisyo ko, at kinalilimutan ko ang mga form at patuloy akong nagtatrabaho.
Nang magsipagmisyon ang mga kaibigan ko, nalungkot ako dahil alam ko na dapat din akong maghandang magmisyon. Dahil dito sinuri ko ang aking sarili. Naisip ko, “Ang pagsang-ayon sa propeta at mga lider ko ay hindi lang ipinapakita sa pagtaas ng kanang kamay. Iyon ay sa paggawa ng sinasabi nila at pagsunod sa mga utos ng ating Ama sa Langit.”
Ngayon ang panahon para magmisyon, kaya isinumite ko sa bishop ang papeles ko sa misyon. Iyon ang pangalawang pinakamasayang araw sa buhay ko. Ang pinakamasaya ay noong araw na tawagin ako ng bishop ko sa kanyang opisina at ibigay sa akin ang puting sobreng naglalaman ng mission call ko sa Nigeria Ibadan Mission. Puspos ng kagalakan ang puso ko.
Sa missionary training center, lalo kong naunawaan ang mga doktrina ng ebanghelyo at natutuhan ang kagila-gilalas na mga bagay. Natanggap ko rin ang aking endowment sa templo. Labis akong nagpapasalamat sa desisyon kong magmisyon, at hindi ko ito pinagsisihan kailanman. Lumakas din ang espirituwalidad ko sa misyon. Naniniwala ako na dahil iyon sa pagtulong ko sa mga tao na matanggap ang mga pagpapala ng ebanghelyo na siyang nagdulot ng malaking kaligayahan sa amin ng aking pamilya.