2012
Pagsagot sa mga Tanong tungkol sa Ating Relihiyon
Agosto 2012


Pagsagot sa mga Tanong tungkol sa Ating Relihiyon

Iilang araw pa lang akong miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw nang mapunta ang pag-uusap namin ng mga kaibigan ko sa pagkakabinyag ko.

May ilan na talagang gustong magsiyasat, at may mga natutuwa pa nga. Ang ilan naman ay walang kainte-interes. May isang babae roon na kaedad ko na talagang ayaw maniwalang Kristiyano ako.

Unang pagkakataon ko iyon na magpaliwanag ng aking mga paniniwala sa mga taong hindi naniniwala sa mga iyon. Naaalala kong talagang nalungkot ako dahil kahit anong pilit ko, sarado ang kanilang isipan sa kahit anong paliwanag ko.

Sa paglaki ng Simbahan madaragdagan din ang mga nagsisiyasat dito, katulad rin sa anumang malalaking relihiyon, at nauuwi iyan sa pag-uusap nang harap-harapan o nang online ng ating mga miyembro at ng kanilang mga pamilya, kaibigan, at kasamahan na iba ang relihiyon.

Ang pagbibigay-pansin sa ilang mga alituntunin ay makatutulong sa mga miyembro sa pagsagot sa mga tanong o puna nang may kumpiyansa.

Ipamuhay ang Inyong Relihiyon

Isa sa pinakamalalaking biyaya ng matatapat na miyembro ng Simbahan ay nahihikayat tayo ng pananampalatayang iyan na “ipamuhay ang ating relihiyon.” Nagkakaroon ng kredibilidad kapag nakita ng ating mga kaibigan at kasamahan na ginagawa natin ang sinasabi natin.

Kung ang buhay ng isang Banal sa mga Huling Araw ang kanyang pinakamagandang ipinangangaral, ang ating mga pag-uusap ay dapat ding maging hayagan, tunay, at may kabaitan, kahit pa nagtatanong ang mga tao nang hindi angkop o may pagbabatikos. Nagiging kapani-paniwala lamang ang pagsasabi natin na tayo ay mga disipulo ni Jesucristo kapag nakaayon ang mga ikinikilos natin sa ating mga paniniwala. Kapag sumasagot tayo sa mga tanong o pamumuna, may mga pagkakataong kakailanganin nating maging matatag. Baka kailanganin din nating magpatawa nang kaunti.

Noong 2007 sa seremonya ng pagtatapos sa BYU–Hawaii, sinabi ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Kung ipamumuhay ninyo ang mga alituntunin ng ebanghelyo [sa halip na] pag-aralan lang ang mga ito, ang natatanging kumbinasyong iyan ng kaalaman ang tutulong sa inyo na mapanatag at maging handa sa pagtuturo ng alam ninyong totoo—sa anupamang sitwasyon.”

Bumuo ng Konteksto

Kapag sumasagot tayo sa mga tanong o komento tungkol sa ating pananampalataya, mahalagang bumuo muna tayo ng konteksto.

Sa halip na sumagot lang nang sumagot sa mga tanong, mas magandang mag-ukol ng 30 segundo na ilahad ang batayan ng ating paniniwala. Maaaring iyan ay simpleng pagpapaliwanag lang na tinatanggap natin si Jesucristo bilang ating Tagapagligtas at naniniwala sa mga itinuturo ng Biblia tungkol sa Kanyang pagsilang, buhay, minsteryo, Pagkakapako sa Krus, at Pagkabuhay na mag-uli. Naniniwala rin tayo na lumihis ang mga Kristiyano mula sa mga katotohanang itinuro ni Jesus sa Biblia at ang Simbahang itinatag Niya ay dapat ipanumbalik.

Sa paglalahad sa mga pangunahing paniniwala ng Simbahan sa ganitong paraan, nagkakaroon ng pagbabatayan kapag napunta na ang talakayan sa iba pang mga alituntunin ng ebanghelyo.

Tipunin ang Impormasyon

Kapag pinakinggan ng mga miyembro ang mga tanong, mahihiwatigan nila ang alituntunin ng ebanghelyo na tinutukoy sa tanong at maiiugnay muli sa Tagapagligtas ang sagot.

Halimbawa, bakit tayo nagpapadala ng mga misyonero sa mga bansang Kristiyano? Dahil noong Kanyang panahon ipinadala ni Jesus nang dala-dalawa ang Kanyang mga mangangaral “sa buong sanglibutan.” At ganyan din ang ginagawa natin ngayon. Bakit hindi tayo sang-ayon na magsama ang magkasintahan nang hindi kasal? Dahil itinuro ni Jesus at Kanyang mga Apostol ang kasagraduhan ng kasal at lahat ng kaakibat nito.

Hindi natin kailangan ang kumplikado, sopistikado at sekular na mga argumento kapag ang mga alituntuning sinisikap nating ipamuhay ay mula sa Anak ng Diyos.

Magbahagi ng Sariling mga Karanasan

Ang pagsagot sa mga tanong ng mga kaibigan ay hindi pagsasabi ng mga isinaulong sagot. Ang pagbabahagi ng totoo at sariling karanasan ay nakapag-aanyaya sa Espiritu na magpatotoo at dalhin ang mensahe sa puso ng nakikinig.

Isa sa pinakamalalaking hadlang sa pagbabahagi ng ating mga paniniwala ay ang takot na wala tayong maisagot. May mga tao sa ibang simbahan na eksperto sa kanilang sariling kasaysayan o doktrina, at nakita sa mga pag-aaral na ang mga Banal sa Huling Araw, kung ikukumpara, ay marami ding nalalaman tungkol sa kanilang relihiyon.

Kapag may nagtanong tungkol sa doktrina o kasaysayan ng Simbahan na hindi natin alam, okey lang na sabihing, “hindi ko alam.” Pero lahat tayo ay maaaring magbahagi ng sariling mga karanasan upang ipaliwanag ang nararamdaman natin sa ating relihiyon.

Kung ikukuwento natin ang mga naranasan natin sa panalangin o pag-aayuno o sa mabuting samahan ng ating pamilya, hindi maaaring salungatin ang mga karanasang iyan. Atin ang mga iyon, at walang mas nakauunawang mabuti niyon kaysa sa atin.

Kilalanin ang mga Kinakausap Ninyo

May mga tao na ayaw magtanong sa miyembro dahil ayaw nilang mapilitang makinig ng kalahating-oras na lektyur. Kung may mga simpleng tanong sila, maging sensitibo sa kanilang interes, siguruhing hindi sila maaasiwa, at kaya nilang umunawa. Kung ipakikita natin sa simula pa lang na sensitibo tayo, magiging komportable ang mga nagtatanong sa atin.

Unawain na hindi dapat pare-pareho ang pakikipag-usap natin sa lahat ng tao dahil iba-iba ang pinagmulan nila—sa espirituwal, sekular, at iba pang bagay.

Ibahagi ang Pinaniniwalaan Natin

Ang mga miyembro ng Simbahan ay may pambihirang pagkakataon na makatulong nang malaki sa ikalilinaw ng maling mga akala tungkol sa atin at maipaunawa pa lalo kung sino tayo at ano ang mga paniniwala natin.

Kapag mas marami pang nalaman ang mga tao tungkol sa mga paniniwala ng mga Banal sa mga Huling Araw, maaaring makita nila na malaki ang pagkakaiba natin pero maaari din nilang makita na may pagkakatulad tayo na siyang pagsisimulan ng mas magandang samahan.

Maaaring maging mas mabisa ang pagbabahagi ng mga personal na karanasan sa pagsagot sa mga tanong kaysa sa mga sagot na isinaulo lamang.

Kapag sumasagot ng mga tanong ng mga kaibigan, magpakatotoo ka lamang sa iyong sarili. Madalas ang dahilan kung bakit ka tinanong ay dahil kung sino ka.