2012
Paglilingkod sa Isang Tao
Agosto 2012


Paglilingkod sa Simbahan

Paglilingkod sa Isang Tao

Nang magsimula ako sa kolehiyo bilang freshman, mabilis kong kinaibigan ang dalawang iba pang freshmen, ang isa ay rantsero at ang isa pa ay magbubukid. Hindi kami bagay na magkakasama—dalawang praktikal na kanluraning magbubukid na Amerikano at isang mabilis-magsalitang tagalungsod ng East Coast. Nang makatapos kami sa kolehiyo, umuwi sila sa rantso at sa bukid, at nagsimula akong magnegosyo.

Nagpalitan kami ng mga Christmas card taun-taon at nagtawagan kami sa telepono paminsan-minsan habang tumatanda kami. Noong mahigit 30 anyos na ako, dalawang beses akong naglingkod bilang Scoutmaster. Kalaunan, nang makatapos ako sa ikalawang “paglilingkod” bilang assistant nursery leader, naglilingkod na sa bishopric ang dalawang kaibigan ko. Nang lumaon, natukso akong ihambing ang mga katungkulan ko sa mga katungkulan ng mga kaibigan ko, at nadama ko na hindi ako gusto ni pinapansin ng mga tao.

Noong mahigit 40 anyos na ako, ilang araw na nagambala ang aking isipan sa mga katungkulang mamuno na ibinigay sa iba. Tuwing tatawagin ang isang tao sa isang katungkulang mamuno sa ward o stake, bumubulong sa akin si Satanas na hindi ako karapat-dapat o hindi sapat ang pananampalataya ko para sa gayong mga katungkulan. Nilabanan ko ang gayong mga ideya sa pamamagitan ng panalangin at pag-aaral, pero inisip ko pa rin kung karapat-dapat nga ba ako o hindi. Hindi ko pinangarap na maging “isang elder lamang” at referee sa mga larong basketball ng mga kabataan sa edad na 50 samantalang naglilingkod ang mga kaibigan ko sa mga stake presidency.

Pagkatapos ay dumating ang isang karanasang nagpabago sa pang-unawa ko sa ebanghelyo. Tinutulungan ko noon ang asawa ko isang araw ng Linggo sa Primary class niya na puno ng malilikot na batang pitong taong gulang. Nang magsimula ang oras ng pagbabahagi sa Primary, napansin ko ang isa sa mga miyembro ng klase na nakasiksik sa kanyang silya at halatang masama ang pakiramdam. Ibinulong sa akin ng Espiritu na kailangan niyang guminhawa, kaya umupo ako sa tabi niya at tinanong ko siya nang mahina kung ano ang problema. Hindi siya sumagot pero mukhang talagang hirap siya, kaya sinimulan ko siyang kantahan nang mahina.

Pinag-aaralan ng Primary ang isang bagong awitin noon, at nang kumanta kami ng, “Kung makikinig nang taos, Siya’y aking maririnig,”1 pinuspos ng di-kapani-paniwalang liwanag at init ang aking kaluluwa. Pakiramdam ko ay niyakap ako ng walang-hanggang mga bisig ng pagmamahal. Naunawaan ko na dininig ng Ama sa Langit ang panalangin ng batang ito at naroon ako para ibigay ang ginhawang nais Niyang ibigay rito. Nabuksan ang aking espirituwal na pang-unawa, at tumanggap ako ng personal na patotoo sa pagmamahal ng ating Tagapagligtas sa kanya, sa bawat isa sa Kanyang mga anak, at sa akin. Alam ko na pinagkatiwalaan Niya akong maglingkod sa isang taong nangangailangan, at naroon ako sa nais Niyang lugaran ko. Natutuhan ko na tayo ang Kanyang mga kamay kapag naglilingkod tayo sa isang tao.

Nagagalak ako sa anumang pagkakataong maglingkod, at sinisikap kong manatiling karapat-dapat na madama ang mga panghihikayat ng Espiritu at maparoon sa nais ng Ama sa Langit na lugaran ko kapag kailangang paglingkuran ang isa sa Kanyang mga anak.

Tala

  1. Sally DeFord, “Kung Makikinig nang Taos,” 2011 Outline para sa Oras ng Pagbabahagi, 28.

Paglalarawan ni Cody Bell