Nagsalita Sila sa Atin
Pananatiling Sumasampalataya sa Mundong Puno ng Pagkalito
Para mapalakas ang ating patotoo at maiwasan nating magkamali, dapat nating pangalagaan at patatagin palagi ang ating pananampalataya.
Ipinanganak ako sa timog-kanlurang France “sa butihing mga magulang” (1 Nephi 1:1) na bata pa ako ay tinulungan na akong magkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo at ng patotoo sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Sa kabilang banda, sa paaralan, marami sa mga guro ko ang nagpahayag ng pag-aalinlangan tungkol sa anumang paniniwala sa relihiyon at kinalaban pa ang mga ito. Sa maraming pagkakataon narinig ko ang mga turo ni Korihor mula sa mga humahamak sa aking mga paniniwala:
“Masdan, ang mga ito ay hangal na kaugalian ng inyong mga ama. Paano ninyo nalalaman ang katiyakan ng mga ito?
“… Masdan, hindi ninyo maaaring malaman ang mga bagay na hindi ninyo nakikita” (Alma 30:14–15).
Noong edad 17 ako, kumuha ako ng mga philosophy class sa high school. Isang araw sinabi ng guro sa klase, “Siguro naman wala ritong naniniwala na talagang may nabuhay na Adan!” Pagkatapos ay iginala niya ang kanyang tingin sa silid na parang nagtatanong, at handang sunggaban ang sinumang magtangkang umamin sa paniniwalang iyon. Natakot ako! Gayunman, mas malakas ang hangarin kong maging tapat sa aking pananampalataya. Luminga-linga ako at nakita ko na sa 40 estudyante ay ako lang ang nagtaas ng kamay. Binago ng nagulat na guro ang paksa.
Dumarating sa buhay ng lahat ng miyembro ng Simbahan ang mga sandali na sinusubok ang katapatan at lakas ng kanilang patotoo. Ang paglagpas sa mga pagsubok na ito ng ating pananampalataya ay tinutulungan tayong maging matatag sa isang mundong patindi nang patindi ang pagkalito. Ang pagkalitong ito ay malinaw na makikita sa mga mensaheng nakapaligid sa atin. Sa pagsisimula ng Internet, halimbawa, walang-tigil ang pagdagsa ng magkakasalungat na opinyon at impormasyon sa ating pang-araw-araw na buhay. Ang mga salungatang ito ay maaaring makataranta at makaparalisa.
Paano natin matutukoy ang katotohanan sa kasinungalingan? Paano natin maiiwasang maging katulad ng mga taong “napagkakaitan lamang ng katotohanan sapagkat hindi nila alam kung saan ito matatagpuan”? (D at T 123:12).
Nasa atin na kung mananatili tayong matatag sa ating patotoo. Kapag iniisip ko ang aking nakaraan, natatanto ko na ang tagumpay ng aking personal na paglalakbay ay nakasalalay sa ilang simpleng alituntuning nagpanatili sa akin sa tamang landas. Ang mga alituntuning ito ay nagtulot sa akin na maging mas espirituwal sa kabila ng “abu-abo ng kadiliman” (1 Nephi 12:17) at mga bitag sa paligid nating lahat.
Patuloy na Hanapin ang Katotohanan
Sa mga nagsasabing “hindi ninyo maaaring malaman” (Alma 30:15), sumagot ang Panginoon, “Magsihingi kayo, at kayo’y bibigyan; magsihanap kayo, at kayo’y mangakasusumpong; magsituktok kayo, at kayo’y bubuksan” (Mateo 7:7). Kagila-gilalas na pangako iyan.
Ang mga disipulo ni Cristo ay gutom at uhaw sa espirituwal na kaalaman araw-araw. Ang personal na kagawiang ito ay nakasalig sa pag-aaral, pagbubulay-bulay, at araw-araw na panalangin. Tinutulutan tayo nitong sundan ang halimbawa ni Joseph Smith, na “nakarating sa pagpapasiya na alin sa dalawa, ako ay mananatili sa kadiliman at kaguluhan, o kaya’y … humingi [ako] sa Diyos” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:13).
Ang pag-aaral ng salita ng Diyos ay pinoprotektahan tayo sa impluwensya ng mga maling doktrina. Sabi ng Panginoon, “Siya na tumatanggap ay bibigyan ko pa ng karagdagan; at mula sa kanila na nagsasabing mayroon na kaming sapat, mula sa kanila ay kukunin maging ang mga yaong mayroon sila” (2 Nephi 28:30).
Tumanggap ng mga Tanong na Hindi Masasagot
Sa paghahanap natin sa katotohanan, matutukso tayong naisin na unawain kaagad ang lahat. Gayunman, ang katalinuhan ng Diyos ay lubhang walang katapusan kaya “hindi maaaring malaman ng tao ang lahat ng kanyang pamamaraan” (Jacob 4:8). Dapat nating tanggapin na nabubuhay tayo sa isang panahon na hindi lahat ng tanong natin ay masasagot. Gaya ni Nephi, tapat nating kinikilala na “mahal [ng Diyos] ang kanyang mga anak; gayon pa man, hindi [natin] nalalaman ang ibig sabihin ng lahat ng bagay” (1 Nephi 11:17).
Magkagayunman, binibigyan tayo ng Panginoon ng kaalamang kailangan para sa ating kaligtasan at kadakilaan. Ipinangako Niya, “Anuman ang inyong hingin sa Ama sa aking pangalan ito ay ibibigay sa inyo, na kapaki-pakinabang sa inyo” (D at T 88:64). Unti-unti nating natatanggap ang mga sagot na ito, nang “taludtod sa taludtod, [na] ng tuntunin sa tuntunin, kaunti rito at kaunti roon” (2 Nephi 28:30), depende sa mga pangangailangan at kakayahan nating umunawa.
Tayo na ang tutukoy sa mga tanong na talagang mahalaga sa ating walang-hanggang pag-unlad at sa mga tanong na nag-uusisa lamang, nangangailangan ng katibayan, o para lamang masiyahan.
Maghangad ng Patotoo ng Espiritu
Bawat isa sa atin ay maaaring dumanas ng mga sandali ng pag-aalinlangan. Ang mga pag-aalinlangang ito ay bihirang mapawi ng paghahanap ng makatwirang mga paliwanag. Halimbawa, may ilang tuklas ang agham o arkeolohiya na maaaring magpatibay sa ating patotoo tungkol sa banal na kasulatan, ngunit hindi mapapatunayan ng lohika o pisikal na ebidensya ang espirituwal na kaalaman.
Ang kaalaman tungkol sa katotohanan ay batay sa patotoo ng Espiritu. Tulad ng sabi ni Apostol Pablo, “Ang mga bagay ng Dios ay hindi nakikilala ng sinoman, maliban [sa] Espiritu ng Dios” (I Mga Taga Corinto 2:11).
Natitiyak natin na “ang Espiritu ay nagsasabi ng katotohanan at hindi nagsisinungaling” (Jacob 4:13). Maaaring mas malakas pa ang epekto ng Espiritu sa atin kaysa ating tamang isipan. Kay Apostol Pedro, na kasasabi pa lang na sumasampalataya siya, sumagot si Jesus, “Mapalad ka, Simon Bar-jonas: sapagka’t hindi ipinahayag sa iyo ito ng laman at ng dugo, kundi ng aking Ama na nasa langit” (Mateo 16:17). Kunsabagay, napakaraming kasamahan ni Cristo na hindi Siya nakilala kahit nakita Siya ng sarili nilang mga mata!
Hangarin ang mga Salita ng mga Propeta at Apostol
Kamakailan ay nakausap ko ang isang mataas na pinuno ng ibang simbahan. Sa kagustuhang malaman kung Kristiyano ang ating simbahan, iminungkahi niyang pagdebatihin ang mga eksperto sa doktrina ng ating relihiyon at ng kanilang relihiyon.
Gayunman, ang lakas at katotohanan ng doktrina ni Cristo ay hindi nakasalalay sa debate ng mga eksperto kundi sa sagradong mga patotoo ng Kanyang hinirang na mga disipulo. Ipinahayag ni Propetang Joseph Smith, “Ang mga pangunahing alituntunin ng ating relihiyon ay ang patotoo ng mga Apostol at Propeta, tungkol kay Jesucristo, na Siya’y namatay, inilibing, at muling nagbangon sa ikatlong araw, at umakyat sa langit.”1
Sa loob ng maraming mahahabang siglo ng Apostasiya, hindi nawalan ng mga eksperto ang mundo, ngunit nawalan ng mga saksi ni Cristo. Dahil dito, napalitan ng katwiran ng tao ang lakas ng banal na paghahayag.
Kapag naliligalig tayo, ang una nating dapat gawin ay saliksikin ang mga banal na kasulatan at mga salita ng buhay na mga propeta. Ang kanilang mga isinulat ay mga gabay na liwanag na hindi tayo maaaring linlangin: “Anupa’t aming sinasaliksik ang mga propeta, at marami kaming mga paghahayag at diwa ng propesiya; at taglay ang lahat ng patotoong ito kami ay nagtamo ng pag-asa, at ang aming pananampalataya ay naging matatag” (Jacob 4:6).
Pangalagaan ang Inyong Pananampalataya
Hindi tayo tumatanggap ng “patunay hangga’t hindi natatapos ang pagsubok sa [ating] pananampalataya” (Eter 12:6). Ang pananampalataya ay may kapangyarihang buksan ang kaalaman tungkol sa mga walang-hanggang katotohanan. Kung lubos na gagamitin, ang kaalaman ay nauuwi sa buo at lubos na katiyakan. Tungkol sa kapatid ni Jared, isinulat ni Moroni na “dahil sa kaalaman ng taong ito ay hindi siya maaaring pagbawalang makakita sa loob ng tabing; … at hindi na siya nagkaroon pa ng pananampalataya, sapagkat nalalaman niya, nang walang pag-aalinlangan” (Eter 3:19).
Para mapalakas ang ating patotoo at maiwasan nating magkamali, dapat nating pangalagaan at patatagin palagi ang ating pananampalataya. Ang una nating dapat gawin ay magkaroon ng dalisay na puso at labis na kapakumbabaan. Binalaan ni Jacob ang mga tao ni Nephi tungkol sa kapalaluan ng mga tao na “kapag sila ay marurunong, inaakala nila na sila ay matatalino, at sila ay hindi nakikinig sa payo ng Diyos, sapagkat isinasaisang-tabi nila ito, inaakala nilang alam nila sa kanilang sarili,” (2 Nephi 9:28).
Sumunod, dapat tayong kumilos. Itinuro ni Apostol Santiago na “ang pananampalataya ay gumagawang kalakip ng … mga gawa, at sa pamamagitan ng mga gawa ay naging sakdal ang pananampalataya” (Santiago 2:22). Hindi natin maaasahang tumanggap ng personal na paghahayag maliban kung kumilos tayong tulad ng matatapat na disipulo ni Cristo. Ang paggalang sa mga tipang ginawa natin sa Diyos ay nagpapagindapat sa atin na makapiling ang Espiritu Santo, na nagpapalinaw sa ating isipan at nagpapaunlad sa ating espiritu.
Pinatototohanan ko ang katotohanan ng mga alituntuning ito. Alam ko sa pamamagitan ng karanasan na kapag ipinamuhay natin ang mga ito, titiyakin nito ang ating proteksyon sa isang lito at magulong mundo. May kagila-gilalas na pangako sa mga ito: “At dahil sa inyong pagsisikap at inyong pananampalataya at inyong pagtitiyaga sa salita sa pag-aalaga nito upang ito’y mapapag-ugat ninyo, masdan, di maglalaon, kayo ay pipitas ng bunga niyon, na pinakamahalaga, … at kayo ay magpapakabusog sa bungang ito hanggang sa kayo ay mapuno, upang hindi na kayo magutom pa, ni hindi na kayo mauuhaw” (Alma 32:42).