2012
Thomas S. Monson: Pagsagot sa Tawag ng Tungkulin
Agosto 2012


Thomas S. Monson

Pagsagot sa Tawag ng Tungkulin

Noong araw nangako si Pangulong Thomas S. Monson na gagampanan ang kanyang tungkuling gawin ang gawain ng Panginoon at sundan ang halimbawa ni Jesucristo

Maraming ulit na sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson, “Gusto ko ang salitang tungkulin.” Itinuturing niya itong “isang bagay na sagrado.”1 Tungkol sa pagganap sa kanyang tungkulin bilang ika-16 na Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, sinabi niya, “[Inilalaan] ko ang aking buhay, ang aking lakas—lahat ng maiaalay ko—sa paglilingkod [sa Panginoon] at sa pangangasiwa sa mga gawain ng Kanyang Simbahan ayon sa Kanyang kalooban at sa Kanyang inspirasyon.”2

Kilala sa paglilingkod niya sa iba, ipinamigay ni Pangulong Monson ang kanyang amerikana at sapatos noong magpunta siya sa ibang bansa at umuwi na naka-slacks at tsinelas. Naging ugali niyang bumisita sa mga kaibigan at kakilala na nangangailangang mabigyan ng lakas at pag-asa. Napakaraming tao na ang nabasbasan niya sa mga ospital at care center, sinunod niya ang paramdam na tumawag sa telepono, at nagsalita sa mga lamay na mahirap bilangin dahil napakarami. Nakapaghatid na siya ng mga hapunan at pananghalian, manok na iihawin, at aklat na may nakasulat na mapagmahal na mensahe. Ang pang-araw-araw niyang iskedyul bilang Pangulo ng Simbahan ay puno ng mga pulong at appointment, ngunit lagi siyang nagbibigay ng oras para sa mga tao—na kadalasan ay paisa-isa. Sa mga talaan ng kasaysayan ng Simbahan, kikilalanin siya dahil sa kanyang pagmamahal sa mga tao at sa pagpapahayag niya ng pagmamahal na iyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng oras sa kanila.

Halimbawa ng Tungkulin ni Jesucristo

Ang mga kilos ni Pangulong Monson ay bunga ng kanyang patotoo tungkol sa Panginoong Jesucristo. Sabi niya: “Kahit na Siya’y isinilang sa mundo bilang Anak ng Diyos, mapagpakumbaba Siyang naglingkod sa mga taong nakapaligid sa Kanya. Bumaba Siya mula sa langit para mamuhay na mortal dito sa lupa at para itayo ang kaharian ng Diyos. Binago ng Kanyang maluwalhating ebanghelyo ang pananaw ng sanlibutan.”3 Ipinahayag ng Tagapagligtas ang diwa ng Kanyang tungkulin nang sabihin Niya, “Ako ay pumarito sa daigdig upang gawin ang kalooban ng aking Ama” (3 Nephi 27:13). May determinasyon at kabaitang isinilang na may walang-hanggang pananaw, Siya ay “naglilibot na gumagawa ng mabuti, … sapagka’t sumasa kaniya ang Dios” (Mga Gawa 10:38).

Binigyang-diin ni Pangulong Monson na nang dumating ang tawag kay Jesucristo sa Halamanan ng Getsemani, sumagot Siya, “Ama ko, kung baga maaari, ay lumampas sa akin ang sarong ito: gayon ma’y huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo” (Mateo 26:39). Batid at paulit-ulit na ginampanan ng Tagapagligtas ang Kanyang tungkuling gabayan, pasiglahin, at hikayatin ang lahat ng anak ng Kanyang Ama. Sinabi ni Pangulong Monson tungkol dito: “Ang Tagapagligtas ay laging abala—sa pagtuturo, pagpapatotoo, at pagliligtas sa iba. Iyon ang ating indibiduwal na tungkulin bilang mga miyembro.”4

Pagkatutong Gumanap sa Kanyang Tungkulin

Lumaki si Pangulong Monson sa Sixth-Seventh Ward sa Temple View Utah Stake. Doon ay natutuhan niya ang kanyang tungkuling gampanan ang kanyang mga atas sa priesthood sa patnubay ng matatalinong lider ng priesthood, at nagtamo siya ng kaalaman at patotoo tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo mula sa mga inspiradong guro.

Noong 1950 sa edad na 22, sinang-ayunan si Thomas Spencer Monson bilang bishop ng Sixth-Seventh Ward. Ginamit niya ang natutuhan niya tungkol sa tungkulin sa mga nagturo sa kanya ng kahulugan nito. Siya ang ama ng ward, ang pangulo ng Aaronic Priesthood, ang naglalaan para sa mga maralita at nangangailangan, ang nagtatago ng mga wastong talaan, at ang pangkalahatang hukom sa Israel. Marami siyang tungkulin, ngunit ginampanan niya ang mga ito na may likas na positibong pananaw.

Isa sa mga tungkulin ng bishop ang padalhan ang bawat serviceman ng suskrisyon sa Church News at sa Improvement Era at padalhan ito ng personal na liham bawat buwan. Dahil nakapaglingkod na si Pangulong Monson sa navy noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kinilala niya ang kahalagahan ng liham mula sa pamilya. Nagkaroon siya ng 23 miyembro ng ward na naglilingkod sa militar, kaya tumawag siya ng isang sister sa ward para mamahala sa mga detalye ng pagpapadala ng mga liham na ito. Isang gabi iniabot niya rito ang buwanang bunton ng 23 liham.

“Bishop, hindi ba kayo nawawalan ng pag-asa kahit kailan?” tanong nito. “Narito ang isa pang liham kay Brother Bryson. Ito ang ika-17 liham na naipadala ninyo sa kanya na walang sagot.”

“Baka naman sakaling sumagot siya ngayong buwan,” wika niya. Sumagot nga siya. Ganito ang sagot ni Brother Bryson: “Dear Bishop, hindi ako talaga mahilig lumiham. Salamat sa Church News at mga magasin, pero higit sa lahat salamat sa mga personal na liham ninyo. Nagbagong-buhay na ako. Naorden na akong priest sa Aaronic Priesthood. Nag-uumapaw sa galak ang puso ko. Masayang-masaya ako.”

Nakita ni Pangulong Monson sa liham na iyon ang praktikal na aplikasyon ng kasabihang “Gawin mo ang iyong tungkulin, iyan ang pinakamainam. Panginoon na ang bahala sa iba.” Ilang taon kalaunan, habang nasa isang stake conference, ikinuwento niya ang kanyang karanasan sa pagliham sa mga servicemen. Pagkatapos ng pulong, isang binata ang lumapit sa kanya at nagtanong, “Bishop, naaalala ba ninyo ako?”

Walang pag-aalinlangang sumagot si Pangulong Monson, “Brother Bryson! Kumusta ka na? Ano ang ginagawa mo sa Simbahan?”

Sumagot ang dating serviceman nang buong kasiyahan na mabuti ang kanyang kalagayan at naglilingkod siya sa kanilang elders quorum presidency. “Salamat ulit sa inyong pagmamalasakit sa akin at sa mga personal na liham na ipinadala ninyo na itinatangi ko.”5

Sa mga kaganapang tulad ito, sinabi ni Pangulong Monson: “Kadalasan ang mumunting gawa ng paglilingkod ang tanging kailangan upang mapasigla at mapagpala ang iba: pagtatanong tungkol sa pamilya ng isang tao; mga salita ng panghihikayat; tapat na papuri; munting liham ng pasasalamat; maikling tawag sa telepono. Kung mapagmasid tayo, at kung kumikilos tayo ayon sa mga paramdam na dumarating sa atin, marami tayong magagawang kabutihan.”6

Pagkatutong Gumanap sa Ating Tungkulin

“Sa pagsunod natin ngayon sa mga halimbawa [ni Jesucristo], mapagpapala din natin ang buhay ng iba,” sabi ni Pangulong Monson. “Inaanyayahan tayo ni Jesus na ilaan ang ating sarili: ‘Masdan, hinihingi ng Panginoon ang puso at may pagkukusang isipan.’”7

Sa pananaw ng ating propeta, ang tungkulin ay dapat ituring na higit pa sa personal na ambisyon, tagumpay, kaginhawahan, o kasiyahang matiyak at matugunan ang mas mabuti. “Upang mahanap ang tunay na kaligayahan,” sabi ni Pangulong Monson, “kailangan natin itong hanapin nang nakatuon ang ating pansin sa ibang bagay at hindi sa ating sarili. Hindi natutuhan ng sinuman ang kahulugan ng mabuhay hangga’t hindi siya nagpapakumbaba sa paglilingkod sa kanyang kapwa. Ang paglilingkod sa iba ay tulad ng tungkulin— ang pagsasagawa nito ay nagdudulot ng tunay na kagalakan.”8

Naniniwala siya na pinadadali ng pagkakaibigan ang paglilingkod sa iba. “Ang isang kaibigan ay mas nagmamalasakit na makatulong sa mga tao kaysa tumanggap ng papuri,” wika niya. “Ang kaibigan ay kumakalinga. Ang kaibigan ay nagmamahal. Ang kaibigan ay nakikinig. At ang isang kaibigan ay dumadamay.”9

Ilang taon na ang nakararaan dumalo si Pangulong Monson sa isang stake conference sa Star Valley, Wyoming, USA, na may atas na muling organisahin ang stake presidency. Ngunit higit pa sa tungkuling iyon ang kanyang ginampanan. Inantig niya ang buhay ng lahat ng dumalo sa isang simpleng pagpapakita ng pagmamahal nang i-release niya ang stake president na si E. Francis Winters, na 23 taon nang nakapaglingkod.

Sa araw ng stake conference, napuno ng mga miyembro ang gusali. Parang sinasabi ng bawat isa ang “isang tahimik na salamat sa marangal na pinunong ito,” na kitang-kitang nagampanan ang kanyang tungkulin nang buong kaluluwa. Nang tumayo si Pangulong Monson para magsalita, sinabi niya kung gaano katagal na nangulo si President Winters sa stake at “patuloy na naging matatag na sandigan sa lahat ng nasa lambak.” Pagkatapos ay nahikayat siyang gumawa ng isang bagay na hindi pa niya nagagawa noon. Pinatayo niya ang lahat ng naantig ng buhay ni President Winters. Nakagugulat ang nangyari. Bawat taong naroon ay tumindig.

Sinabi ni Pangulong Monson sa kongregasyon, na karamihan ay luhaan ang mga mata, “Ang malaking pangkat na ito ay nagpapakita hindi lamang ng nadarama ng bawat isa [kundi] gayundin ng pasasalamat ng Diyos sa buhay na pinabuti.”10

Ang Patotoo ng Ating Propeta tungkol sa Tungkulin

Ibinigay sa atin ni Pangulong Monson ang nakahihikayat na mga turong ito hinggil sa tungkulin:

“Anuman ang ating katungkulan, anuman ang ating kinatatakutan o ikinababalisa, magdasal tayo at pagkatapos ay humayo at gumawa, na tinatandaan ang mga salita ng Guro, maging ng Panginoong Jesucristo, na nangakong, ‘Ako’y sumasa inyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanglibutan.’”11

“Mapalalakas natin ang bawat isa; may kakayahan tayong pansinin ang mga napabayaan. Kapag may mata tayong nakakakita, taingang nakakarinig, at pusong nakababatid at nakadarama, kaya nating abutin at iligtas ang mga taong nasa pananagutan natin.”12

“Wala ni isa sa atin na nabubuhay nang mag-isa—sa ating lungsod, ating bansa, o sa ating mundo. Walang humahati sa pagitan ng ating kaunlaran at ng kahirapan ng ating kapwa.”13

“[May] mga paang patatatagin, mga kamay na aabutin, mga isipang hihikayatin, mga pusong bibigyan ng inspirasyon, at mga kaluluwang ililigtas.”14

“Marahil kapag nakaharap natin ang ating Lumikha, hindi tayo tatanungin ng, ‘Ilang katungkulan ang hinawakan mo,’ bagkus ay, ‘Ilang tao ang tinulungan mo?’”15

“Sa ating pang-araw-araw na buhay, nakatutuklas tayo ng napakaraming pagkakataong sundan ang halimbawa ng Tagapagligtas. Kapag ang ating puso ay umaayon sa Kanyang mga turo, natutuklasan natin na hindi maipagkakamali na malapit ang Kanyang banal na tulong. Halos parang tayo ay nasa paglilingkod sa Panginoon; at natutuklasan natin pagkatapos na, kapag tayo ay nasa paglilingkod sa Panginoon, may karapatan tayo sa tulong ng Panginoon.”16

“Sa pag-aaral sa Kanya, sa paniniwala sa Kanya, sa pagsunod sa Kanya, maaari tayong maging katulad Niya. Maaaring mabago ang [ating] anyo; lumambot ang [ating] puso; gumaan ang [ating] hakbang; mabago ang [ating] pananaw. Ang buhay ay magiging gaya ng dapat mangyari.”17

Gaya ng ating propetang si Pangulong Thomas S. Monson, maaari tayong mangakong gampanan ang ating tungkuling gawin ang gawain ng Panginoon at sundan ang halimbawa ni Jesucristo.

Mga Tala

  1. Thomas S. Monson, “Stumbling Blocks, Faith, and Miracles,” Liahona, Hunyo 1996, 20; “Happy Birthday,” Ensign, Mar. 1995, 59.

  2. Thomas S. Monson, “Paglingon at Pagsulong,” Liahona, Mayo 2008, 90.

  3. Thomas S. Monson, “Ang Tagapagtayo ng Tulay,” Liahona, Nob. 2003, 68.

  4. Thomas S. Monson, “Sabik sa Paggawa,” Liahona, Nob. 2004, 56.

  5. Tingnan sa Thomas S. Monson, “The Call of Duty,” Ensign, Mayo 1986, 39.

  6. Thomas S. Monson, “Tatlong Mithiin na Gagabay sa Inyo,” Liahona, Nob. 2007, 120.

  7. Thomas S. Monson, “Ang mga Regalo ng Pasko,” Liahona, Dis. 2003, 2.

  8. Thomas S. Monson, “The Lord’s Way,” Ensign, Mayo 1990, 93.

  9. Thomas S. Monson, “Sa Pagsaklolo,” Liahona, Hulyo 2001, 59.

  10. Thomas S. Monson, “Ang Inyong Walang Hanggang Tahanan,” Liahona, Hulyo 2000, 70.

  11. Thomas S. Monson, “Nagdarasal Sila at Humahayo,” Liahona, Hulyo 2002, 57.

  12. Thomas S. Monson, “Ang Tawag na Maglingkod,” Liahona, Ene. 2001, 58.

  13. Thomas S. Monson, “In Search of the Abundant Life,” Tambuli, Ago. 1988, 4.

  14. Thomas S. Monson, “Saligang Kaytibay,” Liahona, Nob. 2006, 68.

  15. Thomas S. Monson, “Faces and Attitudes,” New Era, Set. 1977, 50.

  16. Thomas S. Monson, “Windows,” Ensign, Nob. 1989, 69.

  17. Thomas S. Monson, “Ang Paraan ng Guro,” Liahona, Ene. 2003, 4.

Mula itaas: Ipinadarama ni Pangulong Monson ang pagmamahal sa mga tao habang kinakamayan niya ang mga Boy Scout, tinatanggap ang isang regalo (kasama ang kanyang asawang si Frances), ginagabayan ang isang dalagita sa isang groundbreaking, at kumakaway sa kongregasyon sa pangkalahatang kumperensya (kasama ang kanyang asawa).

Nagturo si Jesucristo sa sinagoga at sa balon. Binasbasan niya ang mga batang paslit at ibinangon ang anak na babae ni Jairo mula sa patay.

Nang patayuin ni Pangulong Monson ang lahat na ang buhay ay naantig ng stake president, nagsimulang magsitayo ang kongregasyon hanggang sa makatayo ang lahat.

Kaliwa: larawang kuha ni Craig Dimond; kanan, mula itaas: mga larawang kuha nina Jed A. Clark © IRI, Jeffrey Allred © Deseret News, © Deseret News, at Christina Smith

Kaliwa, mula itaas: Liwanag at Katotohanan, ni Simon Dewey; Tubig na Buhay, ni Simon Dewey; Magtindig Ka at Lumakad, ni Simon Dewey; larawang ipininta ni Dan Burr; kanan: paglalarawan ni Paul Mann