Tingnan ang Huling Pahina
Natalia Shcherbakova, Ukraine, ayon sa kuwento kay Pavlyna Ubyiko
Nang sumapi ako sa Simbahan, gustung-gusto kong gumawa ng family history. Sinimulan kong bisitahin ang mga archive sa lugar para magsaliksik ng impormasyon tungkol sa aking mga ninuno sa mga pampublikong talaan.
Nalaman ko na nakasisiya ang gawain, ngunit hindi ito laging madali. Madalas ay mahirap basahin ang makalumang sulat-kamay, at inaamag na ang ilan sa mga aklat, na nagpalala sa hika ko. Gayunpaman, patuloy akong nagsaliksik hangga’t kaya ko.
Isang araw nagsaliksik ako tungkol sa lolo ko, at hinanap ko ang petsa ng kanyang kapanganakan. Nakakita ako ng isang 1,500-pahinang aklat na maaaring makatulong. Ngunit paano kung wala roon ang sagot na kailangan ko? Natakot akong tingnan ang mas malaki at maalikabok na mga aklat.
Sinimulan kong pasadahan ang mga nilalaman ng aklat, sa pag-asang may mapansin akong pamilyar na pangalan. Bigla, parang narinig ko na may nagsabing, “Sa huling pahina.” Luminga-linga ako, pero parang wala namang kumausap sa akin. Nagpatuloy ako at nagbasa ng ilan pang pahina. Pagkatapos ay muli kong narinig na may nagsabing: “Sa huling pahina.” Medyo nag-aalangan, nagpasiya akong tingnan ang huling pahina. Nakita ko ang tekstong karaniwang nakasulat doon: isang buod ng mga batang isinilang at ang kabuuang bilang ng mga pahina. Nagbakasakali akong tingnan ang pahinang sinundan ng huli pero wala akong nakitang makatutulong doon, kaya binalikan ko ang pahinang binabasa ko.
Hindi nagtagal at ang aking isipan ay muling ginambala ng isang mahina ngunit mapilit na tinig: “Sa huling pahina!” Nagpasiya akong muling subukan ang huling pahina at basahin nang ilang beses ang pamilyar nang teksto.
At saka ko napansin ang isang bagay na nalagpasan ko noong una: isang ekstrang pahinang nakadikit sa loob ng pabalat sa likuran. Nang mabasa ko ang sulat-kamay na naroon sa pahina, nakita ko ang mga pangalan ng mga batang isinilang bago nagkatapusan ng Disyembre. Doon ko nabasa ang pangalan ng lolo ko at nakita kong nakasulat doon kung saan at kailan siya ipinanganak at bininyagan. Namangha ako ngunit napuspos ng pasasalamat na nagabayan ako sa impormasyong kailangan ko.
Maaaring mahirap ang family history kung minsan, ngunit alam ko na ginagabayan at tinutulungan tayo ng Diyos sa ating mga pagsisikap.