Ang Ating Paniniwala
Ang Sakramento Pag-alaala sa Tagapagligtas
Ang sakramento ay isang sagradong ordenansa ng priesthood na isinasagawa bawat Linggo. Pinasimulan ni Jesucristo ang ordenansang ito noong narito Siya sa lupa at ipinanumbalik ito sa ating panahon sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. “Ang ordenansa ng sakrament[o],” sabi ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol, “ang nagpapabanal at nagpapahalaga nang lubos sa [sacrament meeting] sa Simbahan.”1
Inutusan tayo ng Panginoon na magtipon at makibahagi sa sakramento sa bawat Linggo (tingnan sa D at T 20:75). Binabasbasan at ipinapasa ng mga mayhawak ng Aaronic Priesthood ang tinapay at tubig sa mga miyembro ng kongregasyon, na nakikibahagi sa sakramento bilang pag-alaala sa katawan at dugo ni Jesucristo. Sa paggawa nito, muli silang nangangakong sundin ang mga tipang ginawa nila sa Diyos nang binyagan sila. Lalo’t higit, ipinangako nila na laging alalahanin si Jesucristo, taglayin sa kanilang sarili ang Kanyang pangalan, at sundin ang Kanyang mga utos (tingnan sa D at T 20:77).
Kasama sa wastong paghahandang makibahagi sa sakramento ang pagsisisi, paghahangad na sundin ang Tagapagligtas, at pagkakaroon ng “bagbag na puso at nagsisising espiritu” (3 Nephi 9:20). Ang pakikibahagi ng sakramento ay isang lingguhang pagkakataong magnilay-nilay at muling mangako. Ang pagpipitagan at panalangin ay nagpapaganda sa karanasan. Ang mga taong nakagawa ng mabibigat na kasalanan ay hindi dapat makibahagi sa sakramento hanggang sa makapagsisi sila, kabilang na ang pagtatapat sa kanilang bishop o branch president (tingnan sa 3 Nephi 18:28–30).
Ang marapat na pakikibahagi sa sakramento ay naghahatid ng malalaking pagpapala, tulad ng kapatawaran ng mga kasalanan, patnubay ng Espiritu Santo, at pagpapabanal—ginagawang banal—sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala.
-
Pinasimulan ni Jesucristo ang sakramento sa Kanyang Labindalawang Apostol noong gabi bago Siya ipinako sa Krus (tingnan sa Lucas 22:19–20).
-
Matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, pinasimulan ng Tagapagligtas ang sakramento sa mga lupain ng Amerika (tingnan sa 3 Nephi 18:1–11).
-
Ang mga mayhawak ng Aaronic Priesthood ang naghahanda, nagbabasbas, at nagpapasa ng sakramento sa ilalim ng pamamahala ng bishop o branch president.
-
Sa sacrament meeting, nagtutuon tayo sa pagsamba at umiiwas tayong gumawa ng anumang makagagambala sa iba.
-
Inaalala natin ang buhay, halimbawa, mga turo, at Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas habang mapitagan tayong nakikibahagi sa sakramento.