Pagdiriwang ng Isang Araw ng Paglilingkod
Paglilinis ng mga gusali, paglalampaso ng mga sahig, pagtuturo sa mga estudyante, pangongolekta ng pagkain, pagtulong sa mga dayuhan, pagbisita sa mga balo, pagdadamo sa bakuran, at pagpipintura ng mga paaralan. Ilan lang ang mga ito sa maraming proyektong pangserbisyong isinagawa ng mga miyembro ng Simbahan noong isang taon sa pagtugon sa imbitasyon ng Unang Panguluhan na magsagawa ng isang araw ng paglilingkod sa paggunita ng ika-75 anibersaryo ng programang pangkapakanan. Ang mga proyektong ito ay lubhang nakaapekto sa mga naglingkod at sa mga pinaglingkuran. Maraming komunidad sa lahat ng dako ng mundo ang nagbago.
London England
Ipinagdiwang ng mga miyembro ng Simbahan sa London ang anibersaryo sa pamamagitan ng pagtulong sa paglilinis ng Tottenham, isang lungsod na dumanas ng mga kaguluhan noong 2011. Sa isang parke sa lugar, ang mga boluntaryo ay nagbunot ng damo, gumawa ng mga flower bed, at namulot ng kalat.
Naglingkod din ang mga miyembro sa isang ospital na pambata, kung saan nilinis nila ang mga nilalakaran sa hardin at pinaganda ang bakuran ng ospital para sa mga bata at kanilang pamilya. Tumulong si Charlotte Illera sa pagbubuo ng proyekto. “Talagang mahirap na trabaho, pero talaga rin namang masaya itong gawin,” wika niya. “Kahit ang maliit na bagay na tulad ng pagwawalis ay malaking tulong na rin. Hindi mo kailangang maging magaling sa anuman. Ang maliliit na bagay ay makagagawa ng kaibhan sa ibang tao.”
Ibinahagi ni Rudi Champagnie ang kanyang pananaw sa inspirasyong dulot ng imbitasyon ng Unang Panguluhan na maglingkod: “Palagay ko pinaglalapit-lapit kami ng pahayag na ito—para tumulong kami sa komunidad, para magkaroon kami ng mga bagong kakilala.” Pagpapatuloy niya, “Magandang makita na abala ang Simbahan sa pagtulong sa komunidad. Mas espesyal pa ngang maging bahagi nito. Napalakas nito ang aking patotoo, at nagkaroon ako ng hangaring gumawa ng higit pa rito.”
Hong Kong, China
Pinapili ng mga adult leader ng mga kabataan sa Hong Kong China Stake ang youth council ng sarili nilang proyektong pangserbisyo. Matapos pag-aralan ng mga kabataan ang mga pangangailangan ng kanilang komunidad, ipinasiya nilang magturo sa mga batang nagmula sa mga pamilyang maliit ang kita sa isang paaralang lokal. Mga 125 kabataan ang nagturo sa mahigit 80 estudyante tungkol sa pagkakaroon ng mga talento, pagluluto ng pagkaing nakalulusog, pagdaraos ng pagtitipon ng pamilya, at pagkakaroon ng mga tunay na kaibigan.
“Hindi ito isang impluwensyang pang-minsanan lang,” sabi ni Anita Shum, stake Young Women president. “Ang nagawa ng mga kabataan sa mga bata ay maaaring magkaroon ng matagalang epekto.” Idinagdag pa niya na may magagandang alaala at karanasan ang mga kabataan ngayon na magpapala sa kanila magpakailanman.
Accra, Ghana
Lumahok ang mga miyembro sa Accra, Ghana, sa isang araw ng paglilingkod sa pagpipintura ng mga paaralan, pagwawalis ng mga kalsada at kanal, at paglilinis ng bakuran sa paligid ng mga ospital at klinika.
Kasali si Emma Owusu Ansah ng Accra Ghana Christiansborg Stake sa pagpaplano ng kanilang araw ng paglilingkod. “Ang pagsasama-sama bilang mga miyembro ng Simbahan ay pinagkakaisa kami kaya nagiging mas madaling sundin ang isang alituntuning katulad ng paglilingkod,” wika niya. Pagkatapos magawa ang proyekto, nagtipon ang mga miyembro upang magbahagi ng kanilang patotoo. Sabi ni Sister Ansah, “Matapos makinig sa kani-kanyang patotoo, natanto ko kung gaano kalaki ang nawawala sa amin kapag hindi kami naglingkod sa iba.”
Nang mag-imbita si Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, na makilahok sa isang araw ng paglilingkod, binanggit niya na pagkakaisahin ng mga proyekto ang mga miyembro: “Ang … alituntunin ng ebanghelyo na gumabay sa akin sa gawaing pangkapakanan ay ang bisa at pagpapala ng pagkakaisa. Kapag nagtulungan tayo sa paglilingkod sa mga taong nangangailangan, pinagkakaisa ng Panginoon ang ating mga puso.”1
Córdoba, Argentina
Kahit umuulan noong isang araw ng Oktubre, 1,601 Banal sa mga Huling Araw mula sa limang stake sa Córdoba, Argentina, ang nagbigay ng may kabuuang 10,234 na oras ng paglilingkod sa isang nursing home. Nauna nang naihatid ng mga miyembro ang nakolekta nilang mga damit, pagkain, at hygiene kit. Nagtanim din sila, nagpintura ng mga pader at bangko, at nagtanghal ng kanilang mga talento. Isang grupo rin ng mga sister ang nagboluntaryong pagandahin ang buhok at linisin ang mga kuko sa daliri ng mga paa at kamay ng iba.
“Alam ko na ang proyekto ay isang tulong hindi lamang para sa kanila kundi para din sa akin,” sabi ng 14-na-taong-gulang na si Rocío B. pagkatapos ng proyekto. “Alam ko na ginagawa ko ang tama at ang Ama sa Langit ay nasisiyahan sa akin.”
São Paulo, Brazil
Nagkaroon ng inspirasyon ang mga miyembro ng São Paulo Brazil Stake na mangolekta ng asukal, mantika, bigas, at beans at ibigay ang pagkain sa dalawang kawanggawa. Pagkatapos ay tinuruan nila ang mga kinatawan ng mga kawanggawa ng mahahalagang bagay tungkol sa pag-iimbak ng pagkain. Nagboluntaryo rin ang mga miyembro na magbigay ng education, finance, at employment training sa stake at mga mamamayan para tulungan silang magkaroon ng mga kasanayang kailangan para makakuha ng trabaho.
“Natuwa ang komunidad na inimbitahan namin sa ginagawa ng Simbahan. Maraming hindi nakakakilala sa atin, pero lumilisan sila na nasisiyahan,” sabi ng miyembro ng stake na si Kátia Ribeiro. “Sa mga miyembro, may diwa ng pagkakaisa at paglilingkod, at sa mga pinaglingkuran, may diwa ng malaking pasasalamat.”
Falls Church, Virginia, USA
Nagalak ang mga miyembro sa Falls Church, Virginia, USA, na maglingkod nang sama-sama sa dalawang homeless shelter. Habang nagkukuskos ng pader, sinabi ni Adeana Alvarez sa isang ka-ward niya, “Malungkot ang buong linggo ko, at maganda sa pakiramdam na ibuhos na lang ang sama ng loob ko sa pader na ito! Lahat tayo ay nangangailangan ng paglilingkod kung magkaminsan sa ating buhay, at mabuting gawin ito para sa ibang tao.”
Sinabi ng isa pa niyang ka-ward na si Anne Sorensen, “Napakasarap makihalubilo sa komunidad ninyo. Pakiramdam ko ay mas marami akong alam ngayon sa nangyayari sa organisasyong iyon. Tuwing daraan ako rito, iisipin ko ang mga taong dumadalo sa mga klase rito at umaasa ako na ang ginawa namin ay nagbigay sa kanila ng magandang paraan para madama nila na hindi sila nag-iisa sa ginagawa nila para mapabuti ang kanilang buhay.”
Tokorozawa, Japan
Sa isang paaralang elementarya sa Tokorozawa, nagbigay ng seminar ang mga miyembro ng Simbahan sa 50 magulang at guro tungkol sa pag-iimbak ng pagkain. Dahil sa lindol noong Marso 2011, naging masigasig ang mga mamamayan na matuto kung paano maghanda para sa mga kalamidad, lalo na kung paano mag-imbak ng pang-matagalang suplay ng pagkain.
“Kahit nagkaroon na ng malakas na lindol sa silangang Japan, wala pa rin akong nagagawa para maghanda,” sabi ng isang kalahok. “Natutuwa ako at natutuhan ko ito. Gusto kong magkaroon ng lugar na pag-iimbakan ng pagkain, at gusto kong gawin ito para protektahan ang mahal kong pamilya.”
Naobserbahan ng miyembro ng Musashino Japan Stake na si Akihito Suda na ang Liwanag ni Cristo ay umantig sa komunidad nang ipamalas ng mga miyembro ang mga paghahandang ginawa nila kung sakaling magkaroon ng krisis. “Si Cristo ang Ilaw ng Sanlibutan,” wika niya. “Ang Kanyang mga turo ay tumatanglaw sa komunidad.”
Tallinn, Estonia
Gumugol ng isang araw ang mga miyembro ng Simbahan sa Tallinn sa pagtulong sa nangangailangang mga mamamayan na mapanatiling maayos ang kanilang tahanan. Ang ilang kalahok ay nagsibak ng kahoy at nagpala ng mga uling, samantalang ang iba naman ay naglinis ng mga karpet, nagpalit ng mga kurtina, at naghugas ng mga bintana at pader.
Sumama si Maila Chan sa kanyang pamilya para bumisita sa isang mas matandang babae at magsibak ng kahoy para sa kanya. “Bilang ina masayang-masaya ako na nagkaroon ng napakagandang karanasan ang aming pamilya,” wika niya. “Napakaganda na habang naglilingkod ka sa iba, lubos mong nalilimutan ang sarili mong mga problema. Alam ko na habang naglilingkod tayo sa iba, naglilingkod lamang tayo sa ating Diyos.”
Sinabi rin ni Margit Timakov, “Sa pagsasantabi ng sarili kong mga tungkulin at paglalaan ng aking buong sarili sa pagtulong sa iba, naunawaan ko ang tunay na kapangyarihan ng sakripisyo. Hindi natin kailangang itanong kung bakit o kung may iba pa tayong magagawa. Basta tumutulong na lang tayo. Tumutulong tayo dahil nagmamalasakit tayo. Tumutulong tayo dahil nais nating sundan ang halimbawa ni Cristo.”
Ang Bunga ng Inyong mga Pagsisikap
Itinuturo sa atin ng mga patotoo ng mga naglingkod sa kanilang komunidad sa buong mundo na sa paglilingkod, lumalakas ang ating patotoo at gumaganda ang pakiramdam natin sa ating sarili. Pinagtibay ni Pangulong Eyring na tayo ay pinagpapala dahil sa ating paglilingkod: “Para sa Panginoon pinasasalamatan ko ang inyong paglilingkod sa mga anak ng ating Ama sa Langit. Kilala Niya kayo, at nakikita Niya ang inyong pagsisikap, kasigasigan, at sakripisyo. Dalangin ko na pagpalain Niya kayong makita ang bunga ng inyong mga pagsisikap sa kasiyahan ng mga yaong natulungan ninyo at ng mga nakatulong ninyo para sa Panginoon.”2