Sundin ang Propeta
Pagkatutong Maglingkod sa Iba
Ang pangalan ni Thomas Spencer Monson ay isinunod sa kanyang lolong si Thomas Condie. Maraming natutuhan ang batang si Tommy sa kanyang lolo, na ilang bahay lang ang layo ng tirahan sa kanila. Ang aral na hinding-hindi niya malilimutan ay kung paano maglingkod sa iba.
Isang araw noong mga walong taong gulang si Tommy, nakaupo silang mag-lolo sa duyan sa harapang balkonahe. May isang matandang lalaking taga-England na nakatira sa kalye ring iyon. Ang pangalan niya ay Robert Dicks, pero “Mang Bob” lang ang tawag sa kanya ng karamihan sa mga kapitbahay. Biyudo na siya at mahirap.
Lumapit si Mang Bob at naupo sa duyan sa balkonahe kasama si Tommy at ang lolo niya. Sinabi nito na gigibain na ang maliit na bahay na adobe na tinitirhan niya. Wala siyang pamilya, walang pera, at walang mapuntahan.
Inisip ni Tommy kung paano sasagot ang lolo niya sa malungkot na kuwentong iyon. Dumukot sa bulsa ang kanyang lolo at kinuha ang isang maliit na pitaka na yari sa balat. Kinuha niya roon ang isang susi at inilagay sa kamay ni Mang Bob. “Mr. Dicks,” magiliw niyang sabi, “maaari mong ilipat ang mga gamit mo sa bakanteng bahay ko diyan sa kabila. Wala kang babayaran ni isang kusing, at makakatira ka roon hangga’t gusto mo. At tandaan mo, wala nang magpapaalis sa iyo kahit kailan.” Napuno ng luha ang mga mata ni Mang Bob.
Tinuruan din si Tommy ng kanyang ina kung paano magmahal at maglingkod sa iba. Tuwing Linggo bago maghapunan ang pamilya Monson, naghahanda ng isang pinggang inihaw na karneng baka, patatas, at sarsa ang ina ni Tommy para kay Mang Bob. Kung minsan ay may kasama pa itong masarap na ribbon cake na gawa ng ina ni Tommy na may patung-patong na kulay-rosas, berde, at puting cake at chocolate frosting. Ang trabaho ni Tommy ay maghatid ng hapunan kay Mang Bob.
Noong una ay hindi maunawaan ni Tommy kung bakit hindi muna siya maaaring kumain bago niya dalhin doon ang pagkain. Pero hindi siya nagreklamo kahit kailan. Mabilis niyang tatakbuhin ang bahay ni Mang Bob, dala-dala ang pinggan na puno ng pagkain. Pagkatapos ay sabik niyang hihintaying makarating sa pinto si Mang Bob.
Pagkatapos ay magpapalitan ng pinggan ang dalawa—ang malinis na pinggan ni Bob noong nakaraang Linggo at ang pinggang dala ni Tommy na puno ng pagkain. Pagkatapos ay mag-aabot ng barya si Bob bilang kabayaran sa kanyang kabaitan.
Iisa palagi ang sagot ni Tommy: “Hindi ko po matatanggap ang pera. Papaluin po ako ni Inay.”
Marahang hahaplusin ng matandang ginoo ang blond na buhok ni Tommy at sasabihing, “Anak, napakabait ng nanay mo. Sabihin mo sa kanya salamat.” Nang iparating ni Tommy ang sinabi ni Mang Bob sa kanyang ina, napaluha ito.
Ang pagpapakita ng pag-ibig sa kapwa, di-makasariling pagbibigay sa iba, pag-una sa iba, at pagiging mabuting kaibigan at kapitbahay ay mahalaga sa tahanan ng mga Monson. Naging sagisag ng buhay ni Pangulong Monson ang mga ito.