Bagama’t magkaiba ang wika ng dalawang batang babaeng ito at mahigit 6,000 milya (9,600 km) ang layo ng tirahan nila sa isa’t isa, may natatanging bagay na karaniwan sa kanila: kapwa sila nakahanap ng paraan na mapanatiling positibo ang kanilang pananaw nang tamaan ng kalamidad ang kanilang bayan. Basahin ang mga kuwentong hango sa tunay na buhay nina Honoka O. mula sa Japan at Maggie W. mula sa Missouri, USA. Sa malulungkot at nakakatakot na panahon, ano ang nakatulong sa kanila na manatiling tapat at maganda ang pananaw?
Ang pangalan ko po ay Honoka, at nakatira ako sa Chiba Prefecture, Japan. Mahilig akong maglaro, magluksong-lubid, at magdrowing. Pangarap kong maging ilustrador balang araw.
Ang paborito kong kuwento sa banal na kasulatan ay tungkol sa pangitain ni Lehi (tingnan sa 1 Nephi 8 ). Sa palagay ko napakahalaga ng Primary dahil marami akong matututuhan tungkol sa Diyos at kay Jesus. Gustung-gusto ko ang sacrament meeting dahil nadarama ko na nagiging malinis ako kapag nakikibahagi ako ng sakramento, at nagpapasaya iyan sa akin.
Nasa paaralan ako nang mangyari ang malakas na lindol. Ang una kong naisip ay, “Nakakatakot!” at “OK kaya ang pamilya ko?” Idinalangin ko sa puso ko na maging ligtas sila at ang buhay ng mga tao. Kalaunan nalaman ko na walang nasaktan sa mga kaibigan ko. Sa panahong iyan, nadama ko na naprotektahan kami ng Diyos. Alam ko na ang Diyos at si Jesus ay buhay.
Hello! Ako po si Maggie mula sa Joplin, Missouri. Isang gabi napanood ni Inay sa balita ang babalang may unos, at bumaba kaming lahat sa basement. Natakot ako sa malakas at maugong na hangin. Nag-alala ako sa mga kaibigan ko at mga alaga naming hayop. Pagkatapos ng bagyo, nagpasalamat ako na ligtas ang pamilya ko at di-gaanong nasira ang bahay namin.
Marami pang ibang kabahayan at negosyo ang winasak ng buhawing nagdaan sa bayan. Nalungkot ako para sa mga taong namatayan ng mga mahal sa buhay. Nagpasiya ang mga magulang at kuya at ate ko na tumulong sa paglilinis ng bayan. Naisip ko tuloy ang talata sa banal na kasulatan, “Kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos” (Mosias 2:17 ).
Gusto ko ring tumulong sa paglilinis, pero sabi ni Inay hindi ito ligtas para sa bata. Pagkatapos ay nadama ko na nagbahagi ng magandang ideya ang Espiritu Santo para sumaya ang mga tao. Gumawa ako ng 20 maiikling sulat ng pasasalamat para ibigay sa mga boluntaryo. Gumugol ako ng maraming oras upang maging espesyal ang bawat card para madama ng mga tao ang Espiritu at malaman nila na napakahalaga nila sa aming bayan.
Natutuhan ko na kahit hindi ka makagawa ng ilang bagay para makapaglingkod, lagi kang makakaisip ng ibang mga paraan para makapaglingkod. Pagpapalain ka ng Ama sa Langit sa paglilingkod sa Kanya at sa iyong kapwa.