Pagkakaroon ng Pananampalataya sa mga Dulo ng Daigdig
Ang Ushuaia, Argentina, ay maaaring nasa dulo ng daigdig, ngunit para sa mga tumanggap ng ebanghelyo rito, simula ito ng isang bagong buhay.
Nakatindig ang Les Éclaireurs Lighthouse na parang tanod mula sa kinaroroonan nito sa maliit na pulo sa maginaw na Beagle Channel. Siyang tawag sa “mga Scout” o “mga Tagatanglaw” sa French, ang Les Éclaireurs ay nagpapasulpot ng liwanag kada 10 segundo mula sa tagong kinaroroonan nito.
Limang nautical miles (9 km) patungong hilaga ay naroon ang pinakatimog na lungsod ng Argentina, ang Ushuaia, na nasa tungki ng kapuluan ng Tierra del Fuego. Siyamnapung milya (145 km) patungong timog ay naroon ang Cape Horn at sa banda pa roon, ang nagyeyelong Antarctic.
Para sa mga sumapi sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw dito sa tinatawag ng mga tagarito na “dulo ng daigdig,” ang Les Éclaireurs ay nagsisilbing simbolo ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Tulad sa isang parola, ang ebanghelyo ay isang gabay na liwanag na naglabas sa kanila mula sa espirituwal na kadiliman ng mundo at ligtas silang inilagak sa landas ng pananampalataya at kapatiran.
Natagpuan Ko ang mga Sagot
Naaalala ni Guillermo Javier Leiva ang sakit na nadama niya sa pakikipagdiborsyo noong 2007. Kinailangan niyang maghanap ng sarili niyang apartment at hindi na makauwi tuwing gabi sa bata pa niyang anak na lalaking si Julian. Nakadama siya ng kahungkagan at lumbay.
“Lungkot na lungkot ako,” wika niya, “at sa mga sandali ng dalamhati, hinanap ko ang Diyos.”
Nagsimulang ipagdasal ni Guillermo na sagutin siya at tulungan. “Sabi ko, ‘Ama, hindi ako karapat-dapat para pumasok Kayo sa bahay ko, ngunit ang isang salita Ninyo ay sapat na para mapanatag ako.’”
Dumating ang sagot sa panalanging iyon pagkaraan ng ilang sandali nang tumigil ang dalawang binatang nakaputing polo at kurbata para kausapin siya habang nilalaro niya ang kanyang anak sa labas ng bago niyang apartment.
“Binati ako ng isa sa kanila at tinanong kung may pananampalataya ako,” paggunita niya. “Sabi ko, oo, pero hindi ako naging mabuting Kristiyano. Pagkatapos ay itinanong niya kung babasahin ko ang isang aklat kung iiwanan niya iyon sa akin. Sabi ko, oo.”
Nang simulang basahin ni Guillermo ang mga talata sa Alma 32 na minarkahan ng mga misyonero para sa kanya, sinabi niya, “Agad kong nadama ang malaking kagalakan sa aking kaluluwa na matagal ko nang hindi nadarama. Inantig ng aklat ang puso ko. Hindi ko maitigil ang pagbabasa.”
Hindi na dumalo si Guillermo sa dati niyang simbahan, ngunit sinabi niya sa mga misyonero na wala siyang balak na mabinyagang muli. Magkagayunman, pumayag siyang pabisita at binasa niya ang mga ipinabasa nila sa Aklat ni Mormon.
Habang nagbabasa, nakidalamhati siya kay Nephi nang malaman niya kung paano nalungkot ang propeta “dahil sa mga tukso at kasalanang madaling bumibihag sa akin” (2 Nephi 4:18). “Alam ko na nagkasala rin ako,” sabi ni Guillermo, “at nalungkot ako dahil doon.”
Habang nagbabasa, nadama niya na sinasagip siya mula sa kadiliman at kawalang-pag-asa at dinadala siya sa “liwanag ng kaluwalhatian ng Diyos” (Alma 19:6).
At habang nagbabasa siya tungkol sa tipan ng binyag na inilarawan sa Mga Tubig ng Mormon, natanto niya ang kahalagahang magpabinyag sa angkop na awtoridad ng priesthood. “Kung malaman ko na mabuti ang binhi, ano ang ‘mayroon [ako] laban sa pagpapabinyag sa pangalan ng Panginoon’?” (Mosias 18:10), tanong niya sa sarili.
“Tuwing magbabasa ako, napapayapa ako at natatagpuan ko ang mga sagot,” sabi ni Guillermo. “Natanto ko na ang Aklat ni Mormon ang salita ng Diyos na hiniling ko sa aking mga dalangin.”
Nang mabinyagan siya noong Marso 2009, dumanas siya ng espirituwal na muling pagsilang at nakadama ng isang panibagong pag-asa para sa hinaharap. “Ang binyag ay isang pagkakataong magsimulang muli,” sabi ni Guillermo. “Nagbagong-buhay na ako. Maligaya na ako ngayon. Alam ko na ito ang tunay na Simbahan ni Jesucristo at na sinasagot ng Diyos ang mga dalangin dahil sinagot Niya ang pinakamahalagang panalanging inusal ko.”
Kailangan Namin ng Isang Simbahan
Noong bata pa si Amanda Robledo, walang espirituwal na remedyo ang sakit ng katawang dinanas niya nang mamatay ang kanyang ina. At walang makitang sagot ang kanyang asawang si Ricardo sa taos-pusong mga tanong nito tungkol sa relihiyon kasunod ng pagkamatay ng kapatid nito.
Ang isa sa mga tanong na iyon ay, May simbahan ba sa mundo na sumusunod sa mga turo ni Jesucristo? Ang paghahanap nila sa simbahang iyon at ng mga sagot sa kanilang mga tanong ay inihanda sila sa huli na tanggapin ang ipinanumbalik na ebanghelyo.
Sa kanilang paghahanap, dumalo sila sa iba’t ibang sekta at inimbestigahan ang iba’t ibang paniniwala sa relihiyon. Hinanap nila ang simbahang hindi lamang umaayon sa mga turo ni Cristo kundi patatatagin din ang kanilang pamilya.
“Napakahirap na panahon niyon para sa pamilya namin,” paggunita ni Amanda, “at alam namin na kailangan namin ng isang simbahang tutulong sa amin.”
Noong mga unang taon ng 1990s lumipat sa Ushuaia ang mga Robledo kasama ang apat nilang anak mula sa Mendoza, sa hilagang-kanlurang Argentina. Nang ipakilala sila sa Simbahan dalawang taon pagkaraan, nadama nila kaagad na kakaiba ang diwa at mga turo ng mga full-time missionary.
Kakaunti ang alam ni Amanda tungkol sa mga Banal sa mga Huling Araw. “At hindi maganda ang mga narinig ko,” wika niya. Ngunit sumunod siya, si Ricardo, at ang kanilang mga anak sa kanilang natutuhan.
“Nadama ko ang Espiritu nang turuan kami ng mga misyonero,” sabi ng anak nilang si Bárbara, na noon ay 11 taon. “At nagustuhan ko iyon nang ituro nila sa amin na makapagdarasal kami bilang pamilya.”
Ang pakikinig sa mga talakayan ng mga misyonero, pagbabasa ng Aklat ni Mormon, at pagsisimba, sabi ni Ricardo, “ang nagbigay sa amin ng lahat ng sagot na aming hinahanap—mga sagot tungkol sa binyag, buhay bago tayo isinilang, kabanalan ni Cristo, imortalidad ng tao, mga ordenansa ng ebanghelyo, kasal, at kawalang-hanggan ng pamilya.”
Para sa mga Robledo, ang pagkaalam na maaaring magkasama-sama ang kanilang pamilya magpakailanman ang pinakamahalagang doktrina ng ipinanumbalik na ebanghelyo.
“Nagbalik-loob ako sa sandaling iyon,” sabi ni Ricardo, na nabinyagan nang wala pang tatlong linggo matapos ang unang talakayan at ngayon ay naglilingkod bilang pangalawang tagapayo sa district presidency. “Nahirapan ako nang mamatay ang kapatid ko sa edad na 49, pero alam ko na makakasama ko siyang muli sa paggawa ko ng kanyang gawain sa templo. Napayapa ako at lumigaya sa katiyakang ito.”
Sabi ni Amanda, na nabinyagan kasama ang isa sa kanilang mga anak na lalaki pagkaraan ng maikling panahon, “Batang-bata pa ako ay wala na akong nanay. Akala ko noon ay nawala na siya sa akin, at napakasakit niyon sa akin. Pero nang sabihin sa amin ng mga misyonero na maaaring magkasama-sama ang pamilya magpakailanman, talagang naantig ang puso ko. Napakasarap isipin na makikita ko siyang muli.”
Nang ikasal sina Ricardo at Amanda para sa kawalang-hanggan sa Buenos Aires Argentina Temple, ibinuklod ang kanilang mga anak sa kanila. Ang mabuklod bilang pamilya, makumpleto ang mga ordenansa para sa maraming kapamilyang pumanaw na, at maipadala ang tatlo sa kanilang mga anak sa full-time mission ay lubos na nagpasaya kina Ricardo at Amanda.
“Ang isa sa pinakamalalaking pagpapalang natanggap namin bilang mga miyembro ng Simbahan,” sabi ni Amanda, “ay na sinusunod ng aming mga anak ang Diyos.”
Ang Simula ng Lahat
Naniwala si Marcelino Tossen sa Diyos, nagbasa ng Biblia, at mahilig makipag-usap tungkol sa relihiyon, kaya nang kumatok ang mga full-time missionary sa pintuan ng kanyang apartment isang mainit na araw ng Enero noong 1992, pinapasok niya sila. Binago ng desisyong iyon ang kanyang buhay.
“Nagturo sina Elder Zanni at Elder Halls ayon sa mga paramdam ng Espiritu,” paggunita ni Marcelino. Bago pa man natapos ang unang talakayan, sinabi sa kanya ng mga elder na bibinyagan siya sa Simbahan, at sinabi pa sa kanya ang mismong araw ng binyag niya.
“Hindi ako magpapabinyag,” pagtutol ni Marcelino. “Gusto ko lang kayong makausap.”
Binigyan siya ng mga misyonero ng Aklat ni Mormon at ipinabasa sa kanya ang ilang talata at sinabi sa kanya na ipagdasal sa gabing iyon ang kanilang mensahe. Ginawa nga niya pero wala siyang naramdaman.
Gayunman, sa sumunod na talakayan, tinanong siya ni Elder Zanni, “Okey lang ba kung magdasal tayo para maitanong mo sa Ama sa Langit kung totoo ang itinuturo namin sa iyo?”
Nang magdasal siya, sinabi ni Marcelino, “nagsimulang mag-alab ang puso ko. Noon lang nangyari iyon sa akin. Ni hindi ko matapus-tapos ang pagdarasal ko, at tumindig ako mula sa pagkakaluhod.”
Tinanong ni Elder Zanni si Marcelino kung may nadama siya habang nagdarasal. Nang sabihin sa kanya ni Marcelino na wala, sinabi ng misyonero, “Napakatindi ng nadama kong Espiritu. Nakapagtataka na wala kang nadama.”
Nang aminin niya ang kanyang nadama, sinabi ni Marcelino, “nagbasa ang mga elder mula sa Doktrina at mga Tipan, at sinabi sa akin na kapag nais ipaalam sa atin ng Panginoon ang isang bagay na tama, ipadarama Niya ang Kanyang kapayapaan o pag-aalabin ang ating puso [tingnan sa D at T 6:23; 9:8]. Sa araw na iyon ako nagbagong-buhay.”
Mula noon, ang Espiritu ay sumakanya at nagpatotoo tungkol sa katotohanan sa pamamagitan ng maraming espirituwal na karanasan. “Muli kong nadarama ang pag-aalab habang nag-iisa ako sa aking apartment,” sabi ni Marcelino. “Kapag binubuksan ko ang bintana, nakikita ko na nasa isang sulok sa malapit ang mga elder at tinuturuan ang mga tao tungkol sa Simbahan. Nararamdaman ko kapag malapit sila, at nagsimula akong maging seryoso sa itinuturo nila sa akin.”
Mainit na tinanggap si Marcelino nang magsimula siyang magsimba. Hindi naglaon at nabinyagan siya noong Abril 22—ang mismong araw na sinabi ng mga misyonero tatlong buwan bago iyon. Matapos maglingkod nang siyam na taon bilang pangulo ng Ushuaia district, naglilingkod siya ngayon bilang pangalawang tagapayo sa panguluhan ng Buenos Aires north mission.
“Nang mabasa namin na ‘ipapadala [ng Panginoon] ang [Kanyang] salita sa mga dulo ng daigdig’ [D at T 112:4], sa Ushuaia iyon,” sabi ni President Tossen. “Ushuaia ang dulo ng daigdig. Ngunit para sa mga taong kagaya ko na natagpuan ang ebanghelyo rito, doon nagsimula ang lahat. Dito ay makikita ninyo ang parola sa dulo ng daigdig. Ngunit dito ko natagpuan ang pananampalataya at parola ng Panginoon.”