2012
Ang Tamang Banal na Kasulatan sa Tamang Panahon
Agosto 2012


Ang Tamang Banal na Kasulatan sa Tamang Panahon

Allen Hunsaker, Arizona, USA

Noong naglilingkod ako bilang assistant chaplain sa Maricopa County Jail system sa Arizona, USA, binibisita ko at binabahaginan ng isang talata sa banal na kasulatan at panalangin ang mga bilanggong humiling ng isang Latter-day Saint chaplain. Minsan ay may isang dalagang humiling niyon.

Pinuntahan ko ang kinabibilangguan niya, na nasa likod ng ilang pintuang nakakandado. May dalawang mesang kainan sa reception area na may isang bangko sa magkabilang panig at isang desk na may guwardiya. Ibinigay ko sa guwardiya ang request slip, umupo ako sa isa sa mga bangko, at hinintay ko ang dalaga.

Tumayo ako pagpasok niya sa reception area, binati ko siya, at pinaupo ko siya sa may mesa. Mukha siyang malungkot at magulo ang buhok at malapit nang umiyak. Nang ikuwento niya ang kanyang sitwasyon, inisip ko kung anong talata ang ibabahagi ko. Pinakinggan kong mabuti ang kanyang mga problema, at nang ipagtapat niya ang dinanas niyang mga paghihirap sa iba’t ibang pag-uugali at mga maling pasiya, naisip ko ang perpektong talatang makatutulong sa kanya: Mosias 3:19.

Binuklat ko ang Aklat ni Mormon sa Mosias 3:19, inilapit ito sa kanya, at ipinabasa ito sa kanya. Tila hindi siya natuwa sa una at nagsimulang magbasa nang mabilis at parang kumakanta na tila baga nagpaparamdam ng pagkayamot na pinabasa siya sa banal na kasulatan. Nang matapos niya ang mga unang kataga, “Sapagkat ang likas na tao ay kaaway ng Diyos,” pinatigil ko siya para ipaliwanag ang kahulugan ng “likas na tao.” Nang maunawaan niya ang reperensya, patuloy siyang nagbasa. Unti-unting nagbago ang tono ng boses niya, at binagalan niya ang pagbasa nang maunawaan na niya ang kahulugan ng mga salita.

Nang simulan niyang basahin ang listahan ng mga katangian ng pagiging parang bata ng “banal,” lalo pa niyang binagalan ang pagbasa. Naramdaman kong inuunawa niya ang kahulugan ng bawat katangiang nakalista sa talata. Nang basahin niya ang “masunurin, maamo, mapagpakumbaba, mapagtiis,” nadama ko ang Espiritu sa buong paligid namin. Nang basahin niya ang mga salitang “puno ng pag-ibig, nakahandang pasakop,” nakita kong may nagbago sa kanya. Umaliwalas ang kanyang mukha at ang kanyang pag-uugali, tono ng boses, at pangkalahatang kilos ay tila naantig ng Espiritu. Nakakikita ako ng pag-asa habang itinuturo sa kanya ng Espiritu ang kahulugan ng mga salitang ito sa kanya at kung paano niya dapat gawin ang mga pagbabagong inilarawan sa talata.

Nagdasal ako at pagkatapos ay mahigpit kong kinamayan ang dalaga. Nilisan ko ang bilangguan na espirituwal na napasigla. Noon ko lang nakita ang gayon kabilis, kabisa, at kalaking epekto ng mga banal na kasulatan. Pamilyar ako sa Mosias 3:19 dahil madalas ko itong mapasadahan habang nagbabasa ng mga banal na kasulatan, ngunit noon ko lang naunawaan ang laki ng epekto nito sa isang tao.