2012
Hindi Ka Pa Nakapag-ayuno
Agosto 2012


Hindi Ka Pa Nakapag-ayuno

Ketty Constant, Guadeloupe

Noong 1998 masaya akong maging bata pang ina. Ngunit nag-alala ako isang araw nang malaman ko na ang anim-na-buwang anak kong lalaki ay parang sumisipol kapag humihinga at hindi makalulon. Agad nasuri ng doktor na bronchiolitis ito, isang pamamaga ng pinakamaliit na pasukan ng hangin sa baga na kadalasan ay dahil sa impeksyon. Nagreseta siya ng gamot at physical therapy.

Ang mga pagbisita sa physical therapist ay isang pagsubok sa amin ng aking anak. Hindi maginhawa ang anak ko kapag ipinipihit-pihit siya, at nag-alala ako na nasasaktan siya sa therapy. Gayunman, lumakas ang loob ko nang ipaliwanag ng therapist ang mga pakinabang ng therapy.

Sa kabila ng panggagamot at therapy, hindi bumuti ang kalagayan ng anak ko. Halos hindi siya makakain, at patuloy ang pagsipol. Iminungkahi ng doktor na magpa-5 sesyon pa ito sa physical therapist bukod pa sa 10 natapos na namin.

Habang hinihintay kong matapos ang ika-13 sesyon, binasa ko ang isang artikulong nakapaskil sa opisina ng doktor na may pamagat na “Bronchiolitis Kills.” Habang nagbabasa ako, natanto ko na maaaring mamatay ang anak ko. Pakiramdam ko ay parang pinipiga ang puso ko. Pagkatapos ng sesyon, sinabi sa akin ng therapist na hindi bumubuti ang kalagayan ng anak ko. Hindi ko alam kung paano ako nakauwi nang ligtas dahil lumabo sa luha ang paningin ko.

Tinawag ko ang asawa ko at nagsimula kaming magdasal. Sinabi ko sa aking Ama sa Langit na kung kalooban Niyang kunin ang anak ko, kailangan Niya akong bigyan ng lakas na tanggapin ito.

Pagkatapos kong magdasal itinanong ko sa sarili kung ano pa ang magagawa namin bukod sa mga panalanging inusal namin at sa mga basbas ng priesthood na natanggap ng aming anak. Sumulyap ako sa aparador ng mga aklat at nakita ko ang isang Liahona (ang L’Étoile noon). Binuklat-buklat ko ito, na naghahanap ng tulong, at nakita ko ang isang artikulong pinamagatang “I Fasted for My Baby [Nag-ayuno Ako para sa Aking Anak].” Pagkatapos ay malinaw kong narinig ang isang tinig na nagsasabing, “Hindi ka pa nakapag-ayuno para sa anak mo.”

Hindi pa nga, kaya agad akong nag-ayuno para sa kanya. Sa therapy session kinabukasan, nag-aayuno pa rin ako. Matapos masuri ang anak ko, mukhang nagulat ang therapist.

“Misis,” sabi niya sa akin, “magaling na ang anak ninyo. Hindi ko maintindihan, pero hindi na niya kailangan pang magpa-therapy.”

Hindi ko mapigil ang mga luha ng kagalakan. Nang makauwi kami, lumuhod ako para pasalamatan ang Diyos sa Kanyang awa at pagmamahal. Tinawagan ko ang aking asawa para sabihin sa kanya ang magandang balita. Pagkatapos ay payapa kong tinapos ang aking pag-aayuno, na hindi nag-aalinlangan sa tulong ng Panginoon.

Gumaling ang anak ko dahil sa pananampalataya, panalangin, mga basbas ng priesthood, at pag-aayuno. Natitiyak ko na mahal ako ng Ama sa Langit at mahal din Niya ang anak ko. Tiwala ako na patuloy Niya kaming tutulungang makaraos sa aming mga paghihirap.