2012
Pag-aralan ang Inyong Tungkulin
Agosto 2012


Mga Klasikong Ebanghelyo

Pag-aralan ang Inyong Tungkulin

Si Joseph B. Wirthlin ay isinilang noong Hunyo 11, 1917, sa Salt Lake City, Utah. Sinang-ayunan siya sa Korum ng Labindalawang Apostol noong 1986. Ang sumusunod ay hinango sa mensahe niya sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 5, 1980, bilang miyembro ng Unang Korum ng Pitumpu. Para sa buong teksto sa Ingles, tingnan sa Ensign, Nob. 1980, sa ensign.lds.org.

Elder Joseph B. Wirthlin

Ang tungkulin ay nagpapaalala sa atin na tayo ay mga katiwala sa lahat ng ipinagkatiwala sa atin ng ating Lumikha.

Hindi pinoproblema ng karamihan sa atin na gawin ang dapat nating gawin kapag hindi ito sagabal sa gusto nating gawin, ngunit kailangan ng disiplina at kahustuhan ng isip para gawin ang dapat nating gawin gustuhin man natin ito o hindi. Ang tungkulin kadalasan ay ang inaasahan ng isang tao sa iba at hindi ang ginagawa niya. Ang iniisip at pinaniniwalaan at ipinaplano ng mga tao ay pawang napakahalaga, ngunit ang kanilang ginagawa ang pinakamahalaga. Isang tungkulin ang iwaksi ang kasakiman at isipin ang ikabubuti ng lahat.

Lagi nating alalahanin na ang tungkulin ay nagpapaalala sa atin na tayo ay mga katiwala sa lahat ng ipinagkatiwala sa atin ng ating Lumikha. Kapag tumatanggap tayo ng mga tungkulin nang may pagkukusa at katapatan, lumiligaya tayo. Yaong ginagawang pangunahing adhikain sa buhay ang lumigaya ay malamang na mabigo, sapagkat ang kaligayahan ay isang resulta sa halip na isang layunin mismo. Lumiligaya ang isang tao sa paggawa ng kanyang tungkulin at pagkaalam na ang buhay niya ay nakaayon sa Diyos at sa Kanyang mga utos. …

Bawat matagumpay na lalaki at babae sa kasaysayan ng mundo ay alam ang kanyang tungkulin at matibay ang hangaring gampanan ito. Alam na alam ng Tagapagligtas ang Kanyang tungkulin. Kahit ang ipinagawa sa Kanya ay higit pa sa kayang gawin ng tao, nagpailalim Siya sa kalooban ng Kanyang Ama at ginampanan Niya ang Kanyang banal na tungkulin na magbayad-sala para sa mga kasalanan ng sangkatauhan.

Si Joseph Smith ay tapat at gumanap sa kanyang tungkulin kahit sa harap ng labis na pang-uusig at malaking personal na sakripisyo. Siya ay nagtiyaga, nagtiis, at isinakatuparan niya ang Pagpapanumbalik ng tunay na ebanghelyo ni Jesucristo. …

Tinanggap ni Pangulong Spencer W. Kimball [1895–1985] ang utos na dalhin ang ebanghelyo sa mga dulo ng daigdig. Tapat niyang ginampanan ang kanyang tungkulin at isa siyang magandang halimbawa sa atin sa lahat ng kanyang ginawa para ipangaral ang ebanghelyo ng pagmamahal. Ang resulta ay isang pandaigdigang Simbahan at katuparan ng propesiya sa mga huling araw.

Maaari sanang piliin ng mga dakilang lalaking ito … na sundan ang mas madaling landas kaysa sa tatahakin nila sa pagtupad ng tungkulin. Ngunit hindi nila ginawa ito. Tiyak na hindi laging maginhawa o madali ang kanilang tungkulin. Kadalasan ay malaking sakripisyo at personal na paghihirap ang kahulugan ng kanilang tungkulin; ngunit magkagayunman, tungkulin ang kanilang pinili, at ginampanan nila ito.

Marami tayong tungkuling kailangang gampanan sa buhay—ang ilan ay pangkaraniwan, ang iba ay mas makabuluhan at mahalaga. Mahalagang bahagi ng tungkulin ang magpakita ng wastong halimbawa at samantalahin ang bawat pagkakataong palakasin ang iba sa mahirap na landas na ito ng buhay. Magagawa ito sa mapanghikayat na kataga, papuri, pakikipagkamay—anumang pahiwatig ng pagmamalasakit. At kailangan nating tandaan na habang natututuhan nating mabuti ang ating mga tungkulin dito, naghahanda rin tayong gumanap ng mga walang-hanggang tungkulin. …

Ang napakahalagang pangangailangang gawin ang ating mga tungkulin sa tahanan, sa Simbahan, sa ating pang-araw-araw na trabaho, at maging para sa ating pinakamamahal na bansa … ay inilarawan ng Panginoong Gurong si Jesucristo nang malinaw at maganda. Ipinahayag Niya:

“Sapagka’t walang mabuting punong kahoy na nagbubunga ng masama; at wala rin naman[g] masamang punong kahoy na nagbubunga ng mabuti.

“Sapagka’t bawa’t punong kahoy ay nakikilala sa kaniyang sariling bunga. Sapagka’t ang mga tao ay di nangakapuputi ng mga igos sa mga dawag, at di nangakapuputi ng ubas sa mga tinikan.

“Ang mabuting tao ay kumukuha ng kagalingan sa mabubuting kayamanan ng kaniyang puso; at ang masamang tao’y kumukuha ng kasamaan sa masamang kayamanan: sapagka’t sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang kaniyang bibig.

“At bakit tinatawag ninyo ako, Panginoon, Panginoon, at di ninyo ginagawa ang mga bagay na aking sinasabi?

“Ang bawa’t lumalapit sa akin, at pinakikinggan ang aking mga salita, at ginagawa, ituturo ko sa inyo kung sino ang katulad:

“Siya’y tulad sa isang taong nagtatayo ng bahay, na humukay at pinakalalim, at inilagay ang patibayan sa bato: at nang dumating ang isang baha, ay hinampas ng agos ang bahay na yaon, at hindi nakilos; sapagka’t natitirik na mabuti.

“Datapuwa’t ang dumirinig, at hindi ginagawa, ay tulad sa isang tao na nagtayo ng bahay sa lupa, na walang patibayan; laban sa yaon ay hinampas ng agos, at pagdaka’y nagiba; at malaki ang naging kasiraan ng bahay na yaon” (Lucas 6:43–49).

“Huwag mapagod sa paggawa ng mabuti” (D at T 64:33), mga kapatid ko. Ang pagiging tapat ng isang tao sa tungkulin ay tanda ng tunay na mga disipulo ng Panginoon at mga anak ng Diyos. Maging magiting sa inyong tungkulin. Maging masunurin. Huwag magpabaya sa inyong pinakamahalagang gawain, na manatili sa inyong ikalawang kalagayan. Maging tapat sa inyong tungkulin, dahil ihahatid kayo nito sa Diyos.

Taos-puso kong ibinabahagi sa inyo ang aking malalim na patotoo na ito lamang ang tanging paraan para lumigaya at tumulong na mapalago at mapasagana ang kaharian.

Paglalarawan ni Craig Dimond