2012
Mga Kapinsalaang Dulot ng Kalikasan: Hindi Tayo Kailangang Matakot
Agosto 2012


Ating mga Tahanan, Ating mga Pamilya

Mga Kapinsalaang Dulot ng Kalikasan

Hindi Tayo Kailangang Matakot

Elder Stanley G. Ellis

Kapag hinangad natin ang patnubay ng Ama sa Langit, tutulungan tayo ng Espiritu Santo na maghanda, magtiis, at makabangong muli sa mga kapinsalaang dulot ng kalikasan.

Ang mga huling araw ay tadtad ng maraming kalamidad at pagtindi ng kasamaan sa mundo. Pinayuhan tayo ng Panginoon at ng Kanyang mga propeta laban sa mga panganib na ito kung paano maging matwid at makaiwas sa mga espirituwal na patibong at kasamaan. Gayunman, ang mga kalamidad—tulad ng mga buhawi, lindol, at tsunami—ay tila dumarating nang walang babala at pinipinsala ang makatarungan at maging ang di-makatarungan. Tinatakot ng mga kalamidad na ito ang marami sa atin. Ngunit natutuhan ko na hindi tayo kailangang matakot sa mga kapinsalaan. Kapag nakasalig tayo sa ebanghelyo at tayo ay handa, malalagpasan natin ang unos.

Bago Bumagyo: Gawing Prayoridad ng Pamilya ang Paghahanda

Noong Setyembre 2005, isa akong Area Seventy na naglilingkod sa North America Southwest Area, kung saan kabilang ang mga bahagi ng Estados Unidos na tulad ng Houston, Texas. Nalaman ko na ang Bagyong Rita—ang pinakamalakas na bagyo sa buong kasaysayan na naobserbahan sa Gulf of Mexico—ay padiretso sa amin. Hinilingan akong mangulo sa emergency response ng Simbahan sa lugar. Araw-araw naming tinawagan sa telepono ang mga lider ng priesthood, stake president, mission president, welfare at humanitarian aid representative ng Simbahan, at mga emergency response leader. Pinag-usapan namin ang lahat ng bagay—kung nasa ayos ang bishops’ storehouse, saan makalilikas ang mga tao, at paano matutulungang makabangong muli ang mga nasalanta pagkaraan ng bagyo. Napakaayos ng pagtugon ng Simbahan at isang karanasan iyon na nagbigay-inspirasyon.

Nadama ng isa sa mga stake president sa lugar walo o siyam na buwan bago bumagyo na hikayatin ang mga miyembro ng stake na maghanda. Sinabi niya na hindi niya sinasabing isa siyang propeta kundi na malinaw ang mga paramdam ng Espiritu. Sinunod ng mga miyembro ng stake ang mga pangunahing paraan sa paghahanda na iminungkahi ng Simbahan. Paghampas ng bagyo, walang miyembro ng stake na namatay. Bukod pa rito, dahil nagtipon ang mga miyembro ng kailangang mga suplay at nakapagplano nang maayos, mas maganda ang naging kalagayan nila kaysa kung hindi sila naghanda. Pinakinggan nila ang babalang iyon ng Espiritu.

Gayon din ang nangyari sa amin ng pamilya ko. Mga tatlong buwan bago bumagyo, naisipan naming patingnan ang generator namin. Maraming tao sa lugar ang may maliliit na generator kaya kapag bumabagyo at nawawalan ng kuryente, may kuryente sila para hindi masira ang pagkain sa kanilang mga refrigerator at freezer. Nang patingnan namin ang aming generator, natuklasan namin na hindi ito gumagana. Naipaayos namin ito bago pa man bumagyo. Ang aming pamilya, mga miyembro ng aming ward, at mga kapitbahay ay pawang nakigamit ng aming generator nang bumagyo. Naging malaking pagpapala ang pagpapaayos niyon.

Ang alituntuning ito ng paghahanda ay angkop sa mga indibiduwal at maging sa mga pamilya. Mga magulang, magkakaroon kayo ng malaking epekto sa inyong pamilya kung isasama ninyo ang inyong mga anak sa paghahanda at pagdarasal ng pamilya para sa patnubay ng Panginoon. Sa madaling salita, kapag pinag-isipan ng inyong pamilya ang inyong kahandaan, ang tanong na, ano ang dapat nating gawin? ang dapat maging pinakamahalagang bahagi ng panalangin ng inyong pamilya. Maaari din ninyong pag-usapan ang mga paksang ito at magpalitan kayo ng mga ideya sa family home evening. Pagkatapos ay isakatuparan ang mga planong iyon.

Higit pa riyan, ang pinakamagandang bagay na magagawa ng mga magulang ay ang mamuhay ayon sa mga turong ito. Minsan ay may nagsabi na ang mga pagpapahalaga ay hindi “napag-aaralan” kundi “nasusumpungan.” Napatunayan ko iyan. Kapag nakita ng mga bata na hinahangad at sinusunod ng kanilang mga magulang ang patnubay ng Espiritu, malalaman nila kung paano gumagana ang proseso ng paghahayag.

Habang Bumabagyo: Sundin ang Paghahayag na Natatanggap Ninyo para sa Inyong Pamilya

Habang palapit ang bagyo, ang isang mahalagang tanong namin ay kung dapat bang lumikas ang mga tao sa lugar o hindi. Inutusan ako ng Espiritu na huwag gumawa ng pangkalahatang rekomendasyon para sa buong lugar bagkus ay hilingin sa bawat stake leader, bawat bishopric, at bawat pamilya na mapanalanging pag-isipan ang sitwasyon at tumanggap ng sarili nilang inspirasyon kung ano ang dapat gawin. Habang nangyayari ang mga kaganapan, naging malinaw na alam ng Espiritu ang pinakamainam para sa bawat pamilya.

Halimbawa, alam ng mga lider sa isang stake na daraanan sila ng bagyo at pinalikas nila ang mga miyembro. Lumikas ang stake president at kanyang asawa sa bahay ng kanyang kapatid. Pagkatapos, nagbago ng direksyon ang bagyo, at papunta itong muli sa kanila. Lumikas sila sa mismong daraanan ng bagyo!

Maaari ninyong itanong sa inyong sarili, “Anong klaseng inspirasyon iyan?” Pero isipin ninyo ang nangyari. Alam ng stake president na ito at ng kanyang asawa kung paano ihanda ang isang tahanan para sa bagyo, samantalang ang kapatid niya ay hindi. Natulungan nila ang kanilang mga kamag-anak na maghanda para sa bagyo, at nang humampas ito, hindi sila gaanong napinsala kumpara sa pinsalang matatamo kung wala sila roon. Ginabayan sila ng Panginoon na gawin ang pinakamainam.

Sa pamilya naman namin, nadama namin na hindi kami dapat lumikas. Kaya hindi kami umalis. Hindi lang namin nalagpasan ang bagyo, kundi natulungan pa namin ang ibang mga tao sa lugar. Nadama ng ilan sa mga anak naming may-asawa na lumikas, kaya umalis sila. Pinagpala ang bawat pamilya, ward, at stake sa pagsunod sa panghihikayat ng Espiritu.

Pagkaraan ng Bagyo: Hayaang Pawiin ng Ebanghelyo ang Sakit

Kung minsan ay talagang nagdurusa ang mabubuting tao sa mga oras ng kalamidad. Hindi inaalis ng Panginoon ang pagdurusa—bahagi ito ng plano. Halimbawa, isang stake center sa gitna ng Estados Unidos ang sinira ng buhawi kamakailan. Sinira din ng buhawing iyon ang bahay ng stake president. Nawalang lahat ang ari-arian nila ng kanyang pamilya. Gayunman, iyon lang ang nawala sa kanila: mga ari-arian. Malungkot ang mawalan, ngunit hindi walang hanggan ang pagkasirang dulot ng kapinsalaang ito. Kung minsan ang iniisip nating mahalaga ay hindi naman talaga mahalaga. Ang pagkatantong ito ay hindi naman madaling tanggapin, ngunit totoo, at ang pag-unawa rito ay nagbibigay ng kapanatagan.

Ang pinakamalubhang idudulot ng isa sa mga kalamidad na ito ay na baka may mamatay. Napakalungkot niyan. Ngunit dahil alam natin ang katotohanan, alam natin na maging ang gayong kawalan ay bahagi ng plano ng Ama sa Langit. Alam natin kung ano talaga ang kahulugan ng buhay; alam natin kung bakit tayo narito at saan tayo pupunta. Dahil sa walang-hanggang pananaw na ito, maaaring mabawasan ang sakit. Ang kaalaman tungkol sa plano ng kaligtasan ay nag-aalis ng tibo ng kamatayan (tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:55).

Noong araw, hindi alam nina Sadrach, Mesach at Abed-nego kung ano ang mangyayari kapag itinapon sila sa nagniningas na hurno dahil sa pagtangging sumamba sa isang diyus-diyusan. Sinabi nila sa hari, “Ang aming Dios … ay makapagliligtas sa amin. … Nguni’t kung hindi, … hindi [pa rin] kami mangaglilingkod sa iyong mga dios” (Daniel 3:17–18).

Gayundin, maraming pioneer ng ipinanumbalik na Simbahan ang kusang sumubok na tawirin ang North American plains noong kalagitnaan ng 1800s, kahit maaari silang mamatay habang nasa daan. Inilarawan sa Aklat ni Mormon ang mabubuting taong pinatay at itinuro na sila “ay pinagpala, sapagkat sila ay lumisan upang manahanang kasama ang kanilang Diyos” (Alma 24:22).

Sa bawat pagkakataon, hinarap ng mga tao ang kamatayan nang may pananampalataya. Para sa kanila, dahil sa kapayapaang hatid ng ebanghelyo, napalis ang tibo ng kamatayan. Bagaman masakit mawalan ng mahal sa buhay at ayaw mamatay ng karamihan sa atin dahil napakarami nating magagandang dahilan para mabuhay, ang totoo ay mamamatay ang lahat balang araw. Kapag alam mo ang plano ng ebanghelyo, alam mo na hindi sa kamatayan nagwawakas ang mundo. Magpapatuloy ang pag-iral mo, at ang mga ugnayan ng pamilya ay magpapatuloy kahit nakalibing na ang ating katawang mortal. Sa kabuuan ng plano, may hangganan ang dalamhating dulot ng kamatayan. Tulad ng itinuro ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Nabubuhay tayo para mamatay, at mamamatay tayo para mabuhay na muli. Sa walang-hanggang pananaw, ang tanging kamatayang tunay na wala sa panahon ay ang pagkamatay ng isang hindi pa handang humarap sa Diyos.”1 Ang isang walang-hanggang pananaw ay bahagi ng kapayapaang maihahatid sa atin ng ebanghelyo.

Kilala tayo ng Panginoon. Mahal tayo ng Panginoon. At nais tayong tulungan ng Panginoon. Darating ang mga kalamidad, ngunit hindi natin kailangang katakutan ang mga ito. Kung handa tayong pagabay at hihingin natin ang Kanyang patnubay, ang Panginoon sa pamamagitan ng Espiritu Santo ay tutulungan tayong maghanda, magtiis, at makabangong muli sa anumang kapinsalaang dulot ng kalikasan.

Tala

  1. Russell M. Nelson, “Harapin ang Kinabukasan nang may Pananampalataya,” Liahona, Mayo 2011, 34.

Naunang pahina: Ginagalugad ng mga trabahador ang mga labi ng isang apartment na gumuho sa lindol noong Enero 2010 sa Haiti.

Larawang kuha ni Jeffrey D. Allred © Deseret News

Lumilikas ang mga tao mula sa Houston, Texas, USA, bago humampas ang Bagyong Rita.

Sinusuring mabuti ng isang Mormon Helping Hands volunteer ang mga labi ng isang gusali sa Joplin, Missouri, USA, pagkaraan ng bagyo noong Mayo 2011.

Larawang kuha ni Carmen Borup