2012
Mga Ideya para sa Family Home Evening
Agosto 2012


Mga Ideya para sa Family Home Evening

Ang isyung ito ay naglalaman ng mga artikulo at aktibidad na magagamit sa family home evening. Ang mga sumusunod ay ilang halimbawa.

“Mga Likas na Kalamidad—Hindi Tayo Dapat Matakot,” pahina 30: Basahin muna ang artikulo at mapanalanging pag-isipan kung ano ang magagawa ng inyong pamilya para higit na mapaghandaan ang mga likas na kalamidad sa inyong lugar. Pagkatapos, tulad nang iminungkahi ni Elder Ellis, gamitin ang family home evening para maisagawa ang plano ninyo. Maaari ninyong pagsama-samahin ang mga emergency pack, punuin ang imbakan ninyo ng pagkain, o pag-usapan kung paano makapaghahanda sa espirituwal. Bigyang-diin ang nakapagpapanatag na mensahe ni Elder Ellis na kung tayo ay handa, kaya nating harapin ang lahat ng unos.”

“Pananatiling Tapat sa Daigdig na Puno ng Kaguluhan,” pahina 42: Isiping ibahagi ang karanasan ni Bishop Caussé sa klase na makikita sa simula ng artikulo. Pagkatapos ay tanungin ang mga kapamilya kung ano ang gagawin nila sa sitwasyong iyon. Maaari ninyong rebyuhin ang mga alituntuning sinunod ni Bishop Caussé para manatiling tapat sa kanyang patotoo.

“Paano Ko Malalaman Kung Napatawad na Ako?” pahina 46: Simulan sa pagtatanong sa mga kapamilya ng, “Matapos kayong magsisi, paano ninyo malalaman na napatawad na kayo?” Pagkatapos ay basahin na ninyo ang sagot ni Elder Callister sa pangalawang talata ng artikulo. Ibahagi ang mga karagdagang bahagi ng artikulo na angkop sa inyong pamilya.

“Matutuhang Paglingkuran ang Kapwa,” pahina 66: Basahin ang kuwento tungkol sa pagkabata ni Pangulong Monson sa inyong pamilya. Pagkatapos maaaring ipagawa ninyo ang mga katumbas na aktibidad sa sinumang musmos sa inyong pamilya. Magtapos sa pagpapatotoo na si Thomas S. Monson ay ang buhay na propeta.

Isang Perpektong Family Home Evening

Pangarap ko na noon pa man na magkaroon ng perpektong family home evening na katulad ng nakita ko sa mga larawan sa Simbahan. Pero nang mag-ampon kaming mag-asawa ng isang magandang batang babae, ayaw nitong sumali. Kaya inisip naming dapat na may baguhin kami sa aming family home evening para makaakma sa kanya.

Tuwang-tuwa ako sa mga ideyang iminungkahi para sa family home evening na inilathala sa Liahona. Ngayon ang aming anak na ang unang gustong mag-family home evening at ninanais na sana ay gawin namin ito araw-araw.

Isa sa mga paborito naming lesson ay ang tungkol sa kung paano kami magagabayan ng Espiritu Santo. Pinapunta namin sa kanyang kuwarto ang aming anak. Bibilang kami nang hanggang tatlo at pagkatapos niyon ay puwede na siyang bumalik sa sala at maghanap ng larawan ng Tagapagligtas. Kapag malapit na siya, sinasabi namin na siya ay mainit, at kapag malayo siya, sinasabi namin na siya ay malamig. Tuwang-tuwang siya nang makita ang larawan. Napakasayang makita na nauunawaan niya na mahalagang maging masunurin at sumunod sa Espiritu para maging malapit sa ating Tagapagligtas.

Nagtapos kami sa pagbasa ng Doktrina at mga Tipan 11:12. Sa paglalagay namin ng aming “[tiwala] sa Espiritung yaon na nag-aakay sa paggawa ng mabuti,” naramdaman naming isang biyaya ang family home evening.

Moema Lima Salles Broedel, Brazil