Pagsasama-sama para sa Layunin ni Cristo
Ang artikulong ito ay hinango sa isang mensaheng ibinigay sa Salt Lake City noong Marso 10, 2011, sa isang grupo ng mga Kristiyanong lider sa bansa.
Tiyak na may paraan ang mga taong may mabuting kalooban na nagmamahal sa Diyos at tinaglay sa kanilang sarili ang pangalan ni Cristo na magsama-sama para sa layunin ni Cristo at laban sa mga puwersa ng kasalanan.
Mga kaibigan, alam ninyo ang alam ko—na napakaraming kasalanan at bulok ang moralidad sa makabagong mundo na umaapekto sa lahat, lalo na sa mga kabataan, at tila lumalala pa ito sa paglipas ng mga araw. Kayo at ako ay magkabahagi sa maraming alalahanin tungkol sa pagkalat ng pornograpiya at kahirapan, pang-aabuso at aborsyon, labag sa batas na pakikipagtalik (heteroseksuwal at homoseksuwal), karahasan, kagaspangan ng ugali, kalupitan, at tukso, na pawang nagdudumilat sa cell phone ng inyong anak na babae o sa iPad ng inyong anak na lalaki.
Tunay ngang may paraan ang mga taong may mabuting kalooban na nagmamahal sa Diyos at tinaglay sa kanilang sarili ang pangalan ni Cristo na magsama-sama para sa layunin ni Cristo at laban sa mga puwersa ng kasalanan. Sa layuning ito nasa atin ang lahat ng karapatang maging matapang at maniwala, sapagkat “kung ang Dios ay kakampi natin, sino ang laban sa atin?” (Mga Taga Roma 8:31).
Kayo ay naglilingkod at nangangaral, nagtuturo at nagsisikap sa pagtitiwalang iyan, at gayon din ako. At sa paggawa nito, naniniwala ako na makaaasa rin tayo sa susunod na talata mula sa Mga Taga Roma: “Siya, na hindi ipinagkait ang kaniyang sariling anak kundi ibinigay dahil sa ating lahat, bakit hindi naman ibibigay sa atin ng walang bayad ang lahat ng mga bagay?” Talagang naniniwala ako na kung sa lahat ng panig ng mundo ay magsisikap pa tayong lahat na hindi ihiwalay ang isa’t isa sa “pagibig ni Cristo,” tayo ay magiging “higit pa sa mga mapagtagumpay sa pamamagitan niyaong sa atin ay umibig” (Mga Taga Roma 8:32, 35, 37).
Talakayan tungkol sa Teolohiya
Ang mga naniniwala sa Biblia at ang mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi laging nagkakasundo nang payapa. Mula noong mga unang taon ng ika-19 na siglo nang magpakita sa binatilyong si Joseph Smith ang Diyos Ama at Diyos Anak at matapang siyang nagpahayag tungkol dito, kadalasan ay hindi na magiliw ang mga pag-uusap natin sa isa’t isa.
Subalit, ang nakapagtataka—at hindi ko maiwasang maniwala na bahagi ito ng banal na plano ng mga kaganapan sa mga panahong ito ng kaguluhan—ang akademya ng LDS at ng mga naniniwala sa Biblia ay pinaglapit simula noong mga huling taon ng 1990s sa itinuturing kong nakapanghihikayat at nakatutulong na mga talakayan tungkol sa relihiyon. Iyon ay naging isang tapat na pagsisikap na makaunawa at maunawaan, isang pagsisikap na iwaksi ang mga kathang-isip at maling paglalarawan sa magkabilang panig, isang gawaing dala ng pagmamahal kung saan lihim na naengganyo at naantig ang mga kalahok nang mas malalim at malawak kaysa karaniwang pag-uusap ng magkakaibang relihiyon.
Ang una sa mga pormal na talakayang iyon ay naganap noong tagsibol ng 2000 sa Brigham Young University. Habang nabubuo ang talakayan, maliwanag na naghahanap ang mga kalahok ng isang tanggap na pananaw, isang huwaran, isang pagbabatayan. Ang mga ito ba ay mga paghaharap, pagtatalo, debate? May mananalo ba at matatalo? Gaano ba kaprangka at katapat ang inaasahan sa kanila? Naisip ng ilan sa mga Banal sa mga Huling Araw: Ang tingin ba “nila” sa mga pag-uusap na ito ay “mga pagtatangka” natin para ituring nila tayong Kristiyano? Malaking pagsisikap bang “ayusin” ang Mormonismo, para maging mas tradisyonal na Kristiyano ito, mas katanggap-tanggap sa nagdududang mga nakamasid?
Sa kabilang banda, iniisip ng ilan sa mga ibang naniniwala sa Biblia: Ganoon ba “sila” talaga, o ibang paraan lang ito ng pangangaral nila? Maaari bang maging Kristiyano ng Bagong Tipan ang isang tao nang hindi sumusunod sa mga doktrina sa mga huling araw na sinunod ng karamihan sa tradisyonal na Kristiyanismo? Ang isang tanong na patuloy na lumalabas sa magkabilang panig ay gaano ba karaming “masamang teolohiya” ang matatapatan ng biyaya ng Diyos? Hindi naglaon, ang gayong uri ng mga usapin ay naging bahagi ng talakayan mismo, at dahil dito, unti-unting nawala ang tensyon.
Ang dating pormalidad ay naging mas magiliw na impormalidad, isang tunay na anyo ng kapatiran, may kabaitan sa di-pagkakasundo, isang paggalang sa magkakaibang pananaw, isang responsibilidad na talagang maunawaan (kung hindi man sang-ayunan) ang mga taong iba ang relihiyon—isang responsibilidad na ilarawan nang tumpak ang mga doktrina at gawi ng isang tao at unawain ang doktrina ng iba sa gayon ding paraan. Ang mga talakayan ay nagkaroon ng “paggalang sa matitibay na paniniwala ng iba.”1
Batid na iba ang hierarchy at organisasyon ng mga Banal sa mga Huling Araw kaysa sa malaking simbahan ng mga naniniwala sa Biblia, walang opisyal na kinatawan ng Simbahan na lumahok sa mga pag-uusap na ito, ni hindi nakialam ang Simbahan sa kanila. Gaya ninyo, hindi namin hangad na ilagay sa alanganin ang kaibhan ng aming mga doktrina o pawalang-bisa ang mga paniniwalang siyang dahilan kaya kami ganito. Gayunman, lubos naming hinahangad na hindi magkamali ang pag-unawa sa amin, na hindi kami paratangan na may mga paniniwala kaming hindi naman amin, na huwag mabalewala ang aming katapatan kay Cristo at sa Kanyang ebanghelyo, at huwag magsawalang-kibo sa paninirang-puring ginagawa sa amin.
Bukod pa rito, lagi kaming naghahanap ng iisang basehan at mga katuwang sa “aktuwal” na gawain ng ministeryo. Lubos naming gugustuhing makipagtulungan sa mga kaibigan naming naniniwala sa Biblia sa nagkakaisang pagsisikap ng mga Kristiyano na patatagin ang mga pamilya at pagsasama ng mag-asawa, paigtingin ang moralidad sa media, tulungan ang mga tao sa mga oras ng kapinsalaang dulot ng kalikasan, lutasin ang walang-katapusang paghihirap ng mga maralita, at tiyakin ang kalayaan sa relihiyon para lahat tayo ay makapagsalita tungkol sa mga bagay na malinis sa budhi ng Kristiyano hinggil sa mga usaping panlipunan ng ating panahon. Sa huling binanggit ko hindi dapat dumating ang araw na kayo o ako o sinumang iba pang responsableng klerigo sa bansang ito ay pagbawalang ipangaral mula sa kanyang pulpito ang doktrinang pinaniniwalaan niyang totoo. Ngunit dahil sa mga kaganapan sa pulitika at lipunan kamakailan at sa kasalukuyang mga hamon sa batas na nagmumula rito, lalo na hinggil sa kabanalan ng kasal, ang araw na iyon ay maaaring dumating maliban kung kikilos tayo nang may determinasyong hadlangan iyon.2
Kung mas marami at mas nagkakaisa ang mga Kristiyano, mas malamang na magtagumpay tayo sa mga bagay na ito. Tungkol dito dapat nating alalahanin ang babala ng Tagapagligtas hinggil sa “sangbahayan na nagkakabahabahagi laban sa [sarili]”—isang bahay na matatagpuan na hindi ito makakatindig laban sa mas nagkakaisang mga kalaban na hindi banal ang layunin (tingnan sa Lucas 11:17).
Ang Cristong Ating Pinagpipitaganan
Sa pagsandig sa ilang bahagi ng kasaysayang ito at sa hangad na huwag tayong magtalo kung hindi naman kailangang magtalo, nais kong patotohanan sa inyo, mga kaibigan, ang Cristong pinagpipitaganan at sinasamba namin sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Naniniwala kami kay Jesus ng kasaysayan na naglakad sa maalikabok na landas ng Banal na Lupain at ipinapahayag namin na Siya rin ang Diyos na banal na Jehova ng Lumang Tipan. Ipinapahayag namin na Siya ay ganap na Diyos sa Kanyang kabanalan at ganap na tao sa Kanyang mortalidad, ang Anak na isang Diyos at ang Diyos na isang Anak; na Siya, sa pananalita ng Aklat ni Mormon, “ang Diyos na Walang Hanggan” (pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon).
Pinatototohanan namin na Siya ay kaisa ng Ama at ng Espiritu Santo, ang Tatlo na Iisa: iisa sa espiritu, iisa sa lakas, iisa sa layunin, iisa sa tinig, iisa sa kaluwalhatian, iisa sa kalooban, iisa sa kabutihan, at iisa sa biyaya—iisa sa bawat maiisip na anyo at aspeto ng pagkakaisa maliban sa Kanilang magkakahiwalay na katawan (tingnan sa 3 Nephi 11:36). Pinatototohanan namin na si Cristo ay isinilang sa Kanyang banal na Ama at sa isang birheng ina, na mula sa edad na 12 pataas, ginawa na Niya ang gawain ng Kanyang tunay na Ama, kaya dahil doon, nabuhay Siya nang sakdal at walang kasalanan at sa gayon ay nagpakita ng huwaran para sa lahat ng lalapit sa Kanya para maligtas.
Pinatototohanan namin ang bawat pangaral na Kanyang ibinigay, bawat panalanging Kanyang inusal, bawat himalang Kanyang ipinagawa sa langit, at bawat nakatutubos na gawaing Kanyang isinagawa. Sa huling nabanggit pinatototohanan namin na sa pagtupad sa banal na plano para sa ating kaligtasan, pinasan Niya sa Kanyang sarili ang lahat ng kasalanan, kalungkutan, at sakit ng mundo, at nagdugo sa bawat pinakamaliit na butas ng katawan at pinagdusahan ang lahat, simula sa Getsemani at namatay sa krus ng Kalbaryo bilang alay para sa mga kasalanan at makasalanan, kabilang na ang bawat isa sa atin.
Noong mga unang panahon sa Aklat ni Mormon isang propetang Nephita ang “na[ka]kitang itinaas [si Jesus] sa krus at pinatay para sa mga kasalanan ng sanlibutan” (1 Nephi 11:33). Kalaunan ay pinagtibay ng Panginoon ding iyon: “Masdan, naibigay ko na sa inyo ang aking ebanghelyo, at ito ang ebanghelyo na aking ibinigay sa inyo—na ako ay pumarito sa daigdig upang gawin ang kalooban ng aking ama, sapagkat isinugo ako ng aking Ama. At isinugo ako ng aking Ama upang ako ay ipako sa krus” (3 Nephi 27:13–14; tingnan din sa D at T 76:40–42). Tunay ngang kaloob ng Espiritu “na malaman na si Jesucristo ang Anak ng Diyos, at na siya ay ipinako sa krus para sa mga kasalanan ng sanlibutan” (D at T 46:13).
Pinatototohanan namin na tatlong araw matapos ang Pagpapako sa Krus, Siya ay nagbangon mula sa libingan sa maluwalhating imortalidad, ang mga unang bunga ng Pagkabuhay na Mag-uli, sa gayon ay nalagot ang pisikal na mga gapos ng kamatayan at ang espirituwal na gapos ng impiyerno, na naglalaan ng imortalidad kapwa ng katawan at espiritu sa hinaharap, na maaaring magkatotoo sa ganap nitong kaluwalhatian at karingalan sa pamamagitan lamang ng pagtanggap sa Kanya at sa Kanyang pangalan bilang tanging “pangalan sa silong ng langit, na ibinigay sa mga tao, na sukat nating ikaligtas.” Ni mayroon, ni hindi magkakaroon, ng “[kaligtasan] sa kanino mang iba” (Mga Gawa 4:12).
Ipinapahayag namin na Siya ay muling paparito sa lupa, sa pagkakataong ito sa kanyang lakas, kamahalan, at kaluwalhatian, upang mamahala bilang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon. Ito ang Cristo, na aming pinapupurihan, kung kaninong biyaya ay lubos at hayagan naming pinagtitiwalaan, at siyang “Pastor at Obispo ng [ating] mga kaluluwa” (I Pedro 2:25).
Minsan ay itinanong kay Joseph Smith, “Ano ang mga pangunahing alituntunin ng inyong relihiyon?” Sabi niya, “Ang mga pangunahing alituntunin ng aming relihiyon ay ang patotoo ng mga Apostol at Propeta, tungkol kay Jesucristo, na Siya’y namatay, inilibing, at muling nagbangon sa ikatlong araw, at umakyat sa langit: at ang lahat ng iba pang mga bagay na may kaugnayan sa ating relihiyon ay mga kalakip lamang nito.”3
Karaniwan, kilalang masisipag at mahusay magtrabaho ang mga Banal sa mga Huling Araw. Para sa amin, ang mga gawain ng kabutihan, na matatawag nating “tapat na pagkadisipulo,” ay hindi-magkakamaling panukat ng katotohanan ng aming pananampalataya. Naniniwala kami kay Santiago, na kapatid ni Jesus, na ang tunay na pananampalataya ay laging naipapakita sa katapatan (tingnan sa Santiago 2). Itinuturo namin na ang mga Puritano ay mas malapit sa katotohanan kaysa akala nila nang asahan nila ang “makadiyos na paglakad” (D at T 20:69) sa mga yaong nakipagtipan.
Ang kaligtasan at buhay na walang hanggan ay libre (tingnan sa 2 Nephi 2:4); tunay ngang ang mga ito ang pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos (tingnan sa D at T 6:13; 14:7). Magkagayunman, itinuturo namin na ang isang tao ay dapat maghandang tumanggap ng mga kaloob na iyon sa pamamagitan ng pagpapahayag at pagpapamalas ng “pananampalataya sa Panginoong Jesucristo” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:4)—sa pagtitiwala at pag-asa sa “kabutihan, at awa, at biyaya ng Banal na Mesiyas” (2 Nephi 2:8; tingnan din sa 2 Nephi 31:19; Moroni 6:4). Para sa amin, kabilang sa mga bunga ng pananampalatayang iyan ang pagsisisi, pagtanggap ng mga tipan sa ebanghelyo at mga ordenansa (kabilang na ang pagpapabinyag), at isang pusong may pasasalamat na naghihikayat sa atin na ipagkait sa ating sarili ang lahat ng kasamaan, na “pasanin sa araw-araw ang [ating] krus” (Lucas 9:23), at sundin ang Kanyang mga utos —lahat ng Kanyang utos (tingnan sa Juan 14:15). Nagagalak kaming kasama ni Apostol Pablo: “Salamat sa Dios, na nagbibigay sa atin ng pagtatagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo” (I Mga Taga Corinto 15:57). Sa diwang iyan, ayon sa isinulat ng isang propeta sa Aklat ni Mormon, “Nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak tayo kay Cristo, nangangaral tayo tungkol kay Cristo, nagpopropesiya tayo tungkol kay Cristo … upang malaman ng ating mga anak kung kanino sila aasa para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan … [at] makaaasa sa buhay na yaong na kay Cristo” (2 Nephi 25:26, 27).
Sana’y maipaunawa ng patotoo kong ito sa inyo at sa mundo ang isang pagmamahal na hindi mailarawan na nadarama namin para sa Tagapagligtas ng mundo sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Isang Panawagan sa Budhi ng Kristiyano
Sa ating nagkakaisang katapatan sa Panginoong Jesucristo at sa mga hamong kinakaharap natin sa ating lipunan, tiyak na makakakita tayo ng paraan para magkaisa sa isang panawagang pambansa—o pandaigdigan—sa budhi ng Kristiyano. Ilang taon na ang nakararaan isinulat ni Tim LaHaye:
“Kung magtutulungan ang mga relihiyosong Amerikano sa ngalan ng iisa nating mga alalahanin tungkol sa moralidad, baka nga magtagumpay tayo sa muling pagtatakda ng mga pamantayan ng moralidad sa mga mamamayan na akala ng ating mga ninuno ay tiniyak sa Konstitusyon [ng Estados Unidos]. …
“… Lahat ng relihiyosong mamamayan ng ating bansa ay kailangang igalang ang ibang mga relihiyosong tao at kanilang mga paniniwala. Hindi natin kailangang tanggapin ang kanilang mga paniniwala, ngunit maaari nating igalang ang mga tao at malaman na mas marami tayong pagkakatulad sa isa’t isa kaysa sa mga walang relihiyon sa bansang ito. Panahon na para magkaisa ang lahat ng mamamayang tapat sa kanilang relihiyon laban sa iisa nating kaaway.”4
Para makatiyak, may panganib sa pagkatuto ng isang bagong bagay tungkol sa ibang tao. Ang mga bagong ideya ay laging umaapekto sa mga dating pananaw, kaya hindi maiiwasang muling pag-isipan, ayusin, at baguhin nang kaunti ang ating mga pananaw tungkol sa mundo. Kapag isinantabi natin ang kulay, lahi, sitwasyon sa buhay, simbahan, sinagoga, moske, doktrina, at paniniwala ng mga tao, at sinikap nang lubos na tingnan sila sa kung sino at ano talaga sila —mga anak ng iisang Diyos—may mangyayaring mabuti at makabuluhan sa ating kalooban, at sa gayon ay higit tayong napapalapit sa Diyos na iyon na Ama nating lahat.
May ilang bagay na mas kailangan sa balisa at naguguluhang mundong ito kaysa sa paniniwala, habag, at pag-unawa ng Kristiyano. Sinabi ni Joseph Smith noong 1843, wala pang isang taon bago siya namatay: “Kung ipapalagay kong mali ang sangkatauhan, dapat ko ba silang pahirapan? Hindi. Pasisiglahin ko sila, at sa sarili din nilang paraan, kung hindi ko sila mahihikayat na mas mainam ang aking paraan; at hindi ko hahangaring pilitin ang sinuman na paniwalaan ang pinaniniwalaan ko, kundi sa pamamagitan lamang ng katwiran, sapagkat ang katotohanan ay gagawa ng sariling paraan. Naniniwala ba kayo kay Jesucristo at sa Ebanghelyo ng kaligtasan na Kanyang inihayag? Ako rin. Dapat tumigil ang mga Kristiyano sa pagtatalo at pag-aaway, at magkaisa sila at maging magkakaibigan; at gagawin nila ito bago sumapit ang milenyo at angkinin ni Cristo ang Kanyang kaharian.”5
Nagtatapos ako nang may pagmamahal sa inyo na ipinahayag sa dalawang huling mensahe ng pamamaalam sa ating banal na kasulatan. Ang una ay mula sa may-akda ng Mga Hebreo sa Bagong Tipan:
“[Nawa] ang Dios ng kapayapaan na muling nagdala mula sa mga patay sa dakilang pastor ng mga tupa sa pamamagitan ng dugo ng walang hanggang tipan, sa makatuwid baga’y ang Panginoon nating si Jesus,
“Ay pakasakdalin nawa niya kayo sa bawa’t mabuting gawa upang gawin ang kanyang kalooban, na gawin sa atin ang nakalulugod sa paningin niya, sa pamamagitan ni Jesucristo; na mapasa kaniya nawa ang kaluwalhatian magpakailan man. Amen” (Sa mga Hebreo 13:20–21).
At ito mula sa Aklat ni Mormon, isang amang sumulat sa kanyang anak na lalaki:
“Maging matapat kay Cristo … [at] nawa ay dakilain ka [Niya], at nawa ang kanyang pagdurusa at kamatayan … at ang kanyang awa at mahabang pagtitiis, at ang pag-asa ng kanyang kaluwalhatian at ng buhay na walang hanggan, ay mamalagi sa iyong isipan magpakailanman.
“At nawa ang biyaya ng Diyos Ama, na ang trono ay mataas sa kalangitan, at ng ating Panginoong Jesucristo, na nakaluklok sa kanang kamay ng kanyang kapangyarihan, hanggang sa ang lahat ng bagay ay mapasakop sa kanya, ay manatiling kasama mo magpakailanman. Amen” (Moroni 9:25–26).