Mensahe sa Visiting Teaching
Pagkilos sa Oras ng Pangangailangan
Mapanalanging pag-aralan ang materyal na ito at, kung angkop, talakayin ito sa kababaihang dinadalaw ninyo. Gamitin ang mga tanong upang tulungan kayong patatagin ang inyong ang mga kapatid at gawing aktibong bahagi ng inyong buhay ang Relief Society.
Bilang mga visiting teacher, isa sa ating mga layunin ang tulungang mapatatag ang mga pamilya at tahanan. Dapat masabi ng kababaihang binibisita natin na, “Kung may mga problema ako, alam kong tutulong ang mga visiting teacher ko kahit hindi ko na sila sabihan.” Para makapaglingkod, responsibilidad nating malaman ang mga pangangailangan ng kababaihang binibisita natin. Kapag naghangad tayo ng inspirasyon, malalaman natin kung paano tutugon sa espirituwal at temporal na mga pangangailangan ng bawat babaeng pinabibisita sa atin. Sa gayon, gamit ang ating oras, mga kagalingan, talento, panalanging may pananampalataya, at espirituwal at emosyonal na suporta, makapagbibigay tayo ng mahabaging paglilingkod sa oras ng karamdaman, kamatayan, at iba pang mga espesyal na sitwasyon.1
Sa tulong ng mga report mula sa mga visiting teacher, tinutukoy ng Relief Society presidency yaong may espesyal na mga pangangailangan dahil sa pisikal o emosyonal na karamdaman, emergency, panganganak, kamatayan, kapansanan, kalumbayan, o iba pang mga pagsubok. Pagkatapos ay irereport ng Relief Society president ang kanyang mga natuklasan sa bishop. Sa ilalim ng direksyon ng bishop, siya ang nag-oorganisa ng pag-alalay.2
Bilang mga visiting teacher “kaylaki ng dahilan upang tayo ay magalak” dahil sa “pagpapalang ipinagkaloob sa atin, na tayo ay gawing mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos upang maisagawa ang dakilang gawaing ito” (Alma 26:1, 3).
Mula sa mga Banal na Kasulatan
Mateo 22:37–40; Lucas 10:29–37; Alma 26:1–4; Doktrina at mga Tipan 82:18–19
Mula sa Ating Kasaysayan
Noong nagsisimula pa lamang ang Simbahan, kakaunti at nasa iisang lugar ang mga miyembro. Madaling makatugon ang mga miyembro kapag may isang taong nangangailangan. Ngayon ay mahigit 14 milyon na ang ating mga miyembro at matatagpuan sa iba’t ibang panig ng mundo. Ang visiting teaching ay bahagi ng plano ng Panginoon para matulungan ang lahat ng Kanyang anak.
“Ang tanging sistemang makapaglalaan ng tulong at kapanatagan sa isang buong simbahang napakalaki sa isang mundong napakagulo ay sa pamamagitan ng mga lingkod na malapit sa mga taong nangangailangan,” sabi ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan.
“… Bawat bishop at branch president ay may isang Relief Society president na maaasahan,” pagpapatuloy niya. “Mayroon itong mga visiting teacher, na nakakaalam ng mga pagsubok at pangangailangan ng bawat miyembrong babae. Malalaman niya, sa pamamagitan nila, ang mga nasa puso ng mga tao at pamilya. Makakatugon siya sa mga pangangailangan at makakatulong sa bishop sa tungkulin nitong kalingain ang mga tao at pamilya.”3