2012
Ang Tawag ng Tagapagligtas na Maglingkod
Agosto 2012


Mensahe ng Unang Panguluhan

Ang Tawag ng Tagapagligtas na Maglingkod

Pangulong Thomas S. Monson

Alam ng lahat ng nakapag-aral ng mathematics kung ano ang ibig sabihin ng common denominator. Para sa mga Banal sa mga Huling Araw, may common denominator na nagbibigkis sa atin. Ang common denominator na iyan ay ang tawag na natatanggap ng bawat isa sa atin na gumanap ng mga tungkulin sa kaharian ng Diyos dito sa lupa.

Nagrereklamo ba kayo kapag binibigyan kayo ng tungkulin? O tinatanggap ba ninyo nang may pasasalamat ang bawat pagkakataong maglingkod sa inyong mga kapatid, batid na pagpapalain ng ating Ama sa Langit ang mga tinatawag Niya?

Sana’y hindi mawala sa atin ang tunay na adhikain ng ating natatanging mga pagkakataong maglingkod. Ang adhikaing iyan, ang walang-hanggang mithiing iyan, ang binanggit ng Panginoon at matatagpuan sa Mahalagang Perlas: “Sapagkat masdan, ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.”1

Nawa’y lagi nating maalala na ang balabal ng pagkamiyembro sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi isang balabal ng kaginhawahan kundi isang balabal ng responsibilidad. Ang ating tungkulin, bukod pa sa iligtas ang ating sarili, ay gabayan ang iba patungo sa kahariang selestiyal ng Diyos.

Sa kusang paglakad sa landas ng paglilingkod sa Diyos, hinding-hindi tayo mapupunta sa kalagayan ni Cardinal Wolsey sa kuwento ni Shakespeare. Inalisan ng kapangyarihan matapos ang habambuhay na paglilingkod sa kanyang hari, malungkot siyang nanangis:

Kung sa Diyos naglingkod nang may kasigasigan

Tulad noong ang hari’y aking paglingkuran

Sa ‘king kaaway di N’ya ‘ko pababayaan.2

Anong klaseng paglilingkod ang ipinagagawa ng langit? “Hinihingi ng Panginoon ang puso at may pagkukusang isipan; at ang may pagkukusa at ang masunurin ay kakainin ang taba ng lupain ng Sion sa mga huling araw na ito.”3

Nagbubulay-bulay ako kapag naiisip ko ang mga salita ni Pangulong John Taylor (1808–87): “Kung hindi ninyo gagampanan ang inyong mga tungkulin, papanagutin kayo ng Diyos sa mga maaari sana ninyong nailigtas kung ginawa ninyo ang inyong tungkulin.”4

Parang nagbabagang lente ng kabutihan ang buhay ni Jesus nang maglingkod Siya sa mga tao. “Ako’y nasa gitna ninyo na gaya niyaong naglilingkod,”5 pahayag ni Jesus nang bigyan niya ng lakas ang mga paa ng pilay, paningin ang mga mata ng bulag, pandinig ang mga tainga ng bingi, at buhay ang katawan ng patay.

Sa talinghaga ng mabuting Samaritano, itinuro sa atin ng Panginoon na ibigin ang ating kapwa tulad ng ating sarili.6 Sa sagot Niya sa mayamang batang pinuno, itinuro Niya sa atin na alisin ang ating kasakiman.7 Sa pagpapakain sa 5,000, itinuro Niya sa atin na ilaan ang mga pangangailangan ng iba.8 At sa Sermon sa Bundok, itinuro Niya sa atin na hanapin muna ang kaharian ng Diyos.9

Sa Lupain ng Amerika, ipinahayag ng nabuhay-na-mag-uling Panginoon, “Alam ninyo ang mga bagay na kinakailangan ninyong gawin sa aking simbahan; sapagkat ang mga gawang nakita ninyong ginawa ko ay siya rin ninyong gagawin; sapagkat yaong nakita ninyong ginawa ko ay gayon din ang nararapat ninyong gawin.”10

Pinagpapala natin ang iba kapag naglingkod tayo nang katulad ni Jesus na taga Nazaret … na naglilibot na gumagawa ng mabuti.”11 Nawa’y pagpalain tayo ng Diyos na magalak tayo sa paglilingkod sa ating Ama sa Langit habang naglilingkod tayo sa Kanyang mga anak sa daigdig.

Pagtuturo mula sa Mensaheng Ito

“Hindi tayo pahihintulutang mabigo [ng Panginoon] kung gagawin natin ang ating tungkulin. Palalakihin niya tayo maging lampas sa sarili nating mga talino at kakayahan. … Ito ay isa sa mga pinakamatamis na karanasan na darating sa isang tao” (Ezra Taft Benson, sa Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [2000], 25). Isiping magbahagi ng isang karanasan na nadama ninyo o ng isang taong kilala ninyo na nadamang pinalaki ng Panginoon ang kanyang mga talento at kakayahan. Anyayahan ang pamilya na magbahagi ng ilan sa kanilang sariling magagandang karanasan nang tumugon sila sa “tawag ng Tagapagligtas na maglingkod.”

Si Cristo at ang Mayamang Binatang Pinuno, ni Heinrich Hofmann, sa kagandahang-loob ng C. Harrison Conroy Co.; paglalarawan ni Matthew Reier © IRI

Larawan sa kagandahang-loob ni Wendy Bentley; paglalarawan ni Beth M. Whittaker