2012
Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Angkla sa Panahong Ito
Agosto 2012


Para sa Lakas ng mga Kabataan Isang Angkla sa Panahong Ito

David L. Beck
Elaine S. Dalton

Isinulat ng Unang Panguluhan na ang mga pamantayan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan “ay makatutulong sa inyo sa mahahalagang pagpapasiyang ginagawa ninyo ngayon at gagawin pa sa hinaharap.”1 Sa paglabas ng bagong edisyon ng polyeto, nagkaroon ng pagkakataon ang mga magasin ng Simbahan na makausap sandali ang Young Women general president na si Elaine S. Dalton at ang Young Men general president na si David L. Beck tungkol sa binagong polyeto.

Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Angkla sa Panahong Ito

Bakit may bagong edisyon ng Para sa Lakas ng mga Kabataan ngayon?

Brother Beck: Hindi nagbabago ang mga pamantayan ng Panginoon, ngunit ang pag-atake ng kaaway sa mga pamantayang iyon ay lalo pang lumalaganap at tumitindi. Ang Para sa Lakas ng mga Kabataan ay ini-update upang matulungan ang mga kabataan na mapaglabanan ang mga pag-atakeng ito.

Sister Dalton: Ang mga propeta ay patuloy na nangungusap nang malinaw sa mga kabataan, at gusto naming patuloy nilang mabasa ang kanilang mga huling salita. Kailangang nakatuon ang mga kabataan sa pagsunod sa propeta, kaya nga isinama ang mga huling turo sa polyetong ito.

Brother Beck: Tulad ng ipinaalala ni Pangulong Thomas S. Monson sa atin, ang mga kabataan ngayon ay nagsisilakihan sa panahong lumalawak ang agwat ng mga pamantayan ng Panginoon sa mga pamantayan ng mundo.2 Mas tumitindi ang mga tukso, at mas tanggap na ng lipunan ang masamang pag-uugali. Ang mabuting payo sa bagong polyetong ito ay patunay ng pagmamahal ng Ama sa Langit sa mga kabataan. Gusto Niyang matamasa ng bawat kabataan ang mga pagpapalang dulot ng pamumuhay ayon sa ebanghelyo at binigyan Niya sila ng mga pamantayan para matulungan sila. May mahalagang gawain Siyang ipagagawa sa kanila ngayon. Ang mga pamantayan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan ay tumutulong sa kanila na maging marapat na magsagawa ng Kanyang gawain.

Ano ang idinagdag sa edisyong ito?

Idinagdag ang Sister Dalton: “Pagtatrabaho at Pag-asa sa Sariling Kakayahan.” Maraming kabataang gumugugol ng maraming oras sa mga bagong teknolohiya—social networking, Internet browsing, video gaming—kaya hindi na sila talaga natutong magtrabaho. Problema iyan dahil kapag nagmisyon ang isang kabataan, kung minsan ay hindi siya handa para sa tindi ng hirap ng pisikal at espirituwal na gawain. Ganito rin sa isa pang bagong bahagi: “Kalusugang Pisikal at Emosyonal.” Kailangan ninyong maging malusog at pangalagaan ang inyong katawan, ngunit kailangan din ninyong pangalagaan ang inyong kalusugang emosyonal.

Brother Beck: Higit pang binigyang-diin ang pagsunod sa Espiritu at pamumuhay nang karapat-dapat para makapasok sa templo.

Paano magagawa ng mga kabataan na maging bahagi ng kanilang buhay ang Para sa Lakas ng mga Kabataan?

Sister Dalton: Gusto kong hanapin nila ang mga pagpapalang binanggit sa polyeto at pag-isipan kung paano sila aakayin ng mga pagpapalang ito sa kanilang mga mithiin. Talagang naniniwala ako na inihahanda ng henerasyong ito ang mundo para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Hinihikayat kong alalahanin ng mga kabataan na nais nilang tiwalang humarap sa Kanyang presensya sa muli Niyang pagparito.

Brother Beck: Ang mga buklet na Pagtupad ng Aking Tungkulin sa Diyos at Pansariling Pag-unlad ng Young Women ay nagbibigay rin ng ilang magagandang ideya. Halimbawa, sa mga bahaging “Mamuhay nang Karapat-dapat” ng Tungkulin sa Diyos, ang mga kabataang lalaki ay inaanyayahang pag-aralan ang mga pamantayan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan, planuhing ipamuhay ang mga ito, at pagkatapos ay ibahagi ang kanilang mga karanasan sa iba. Sa paggawa nito, hindi lamang nila pinalalakas ang sarili nilang patotoo, pinalalakas din nila ang iba.

Sister Dalton: Ang isa pang nakatutuwang gawin ay basahin ng mga kabataan ang Para sa Lakas ng mga Kabataan at bilugan ang lahat ng tungkol sa Espiritu. Lagi silang papatnubayan ng Espiritu Santo kapag ipinamuhay nila ang mga pamantayang ito. At sa panahon na gumagawa ng mahahalagang pasiya sa buhay ang mga kabataan, kailangan nila ang patnubay na iyon.

Brother Beck: Nakikita ko rin na magandang sanggunian ang polyeto para sa pagbabahagi ng ebanghelyo; magagamit natin ito para maipaunawa natin sa ating mga kaibigan kung bakit ganito ang ating pamumuhay. Magagamit din ito ng mga kabataan sa paghahanda ng mga aralin para sa family home evening, mensahe sa sacrament meeting, o aralin para sa mga klase sa Simbahan—o kahit sa paghahanap lang ng sagot sa mga tanong tungkol sa mga pamantayan ng Panginoon. Kapag ginawa ng mga kabataan ang mga bagay na ito, maisasapuso nila ang mga doktrina at alituntunin sa Para sa Lakas ng mga Kabataan at magiging bahagi ito ng kanilang pagkatao.

Ano ang sasabihin ninyo sa mga taong nag-iisip na mahirap ipamuhay ang mga pamantayang ito sa mundo ngayon?

Sister Dalton: Sasabihin kong, “Tama ka; mahirap nga.” Pero ipaaalala ko sa kanila na mas mahirap kapag hindi ninyo ipinamuhay ang mga pamantayan. Panggulo sa buhay ang kasalanan at inaakay kayo nitong gawin ang mga bagay na ayaw ninyo. Sasabihin ko na ang pagsunod sa mga pamantayan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan ay susi sa kaligayahan, at lahat ay gustong lumigaya.

Brother Beck: Walang bagay sa mundong ito na makahahambing sa ibinibigay na kapanatagan ng Espiritu Santo, sa kasiyahang malaman na nalulugod ang Ama sa Langit sa inyo, o sa kapangyarihan ng mga tipan sa templo. Ito ang mga pagpapalang ipinangako sa mga taong sumusunod sa mga pamantayan ng Panginoon.

Sister Dalton: Napakaraming kabataang babaeng nagsasabi na, “Nakagawa ako ng masama, kaya hindi na ako maaaring magsimba.” Pagkatapos ay lalo pa silang nagiging masama. Pero sasabihin kong, “Maaari kayong magsisi. Maaari kayong magbago, at ngayon na ang panahon. Ito ang araw. Ito ang pagkakataon ninyo.”

Ano ang ipapayo ninyo sa mga kabataang walang gaanong sumusuporta sa bahay sa pamumuhay ayon sa mga pamantayang ito?

Brother Beck: Naniniwala ako na inilagay ng Panginoon ang bawat isa sa atin kung saan natin lubos na magagamit ang mga espirituwal na kaloob na ibinigay Niya sa atin. Kung hindi ninyo kaisa ang inyong pamilya sa katapatan ninyong ipamuhay ang mga pamantayan ng Panginoon, huwag sumuko. Patuloy na mamuhay sa paraang alam ninyong nararapat, dahil hindi ninyo alam kung sino sa mga kapamilya ninyo ang nakamasid sa inyo at lihim na humuhugot ng lakas sa inyong halimbawa.

Sister Dalton: Lagi ring alalahanin kung sino kayo. Kayo ay inilaan na maparito sa mundo ngayon dahil malakas ang inyong patotoo tungkol sa Tagapagligtas. Pinatunayan ninyo iyan sa daigdig bago tayo isinilang. Tulad ng binanggit ni Brother Beck, ang pamumuhay ninyo ayon sa mga pamantayan ay maaaring magpala sa inyong pamilya sa huli. Huwag makipagsapalaran. Huwag sumuko. Kapag ipinamuhay natin ang mga pamantayang ito, maaari tayong maging isang liwanag. Mababanaag sa atin ang liwanag ng Tagapagligtas.

Anong mga pagpapala ang darating sa mga kabataan kapag ipinamuhay nila ang mga pamantayan?

Brother Beck: Nangako ang Panginoon ng maraming magagandang pagpapala sa mga yaong tapat sa mga pamantayang Kanyang itinakda. Ang ilan dito ay agad makakamtan: ang patnubay ng Espiritu Santo, katahimikan ng budhi, at mas malaking pananampalataya at tiwala. Tuwing susundin natin ang isang kautusan, lumalaki ang kakayahan nating sumunod.

Sister Dalton: Sinasabi ng mundo, “Subukan mo ang lahat ng bagay. Dahil bata ka pa, maaari mong subukan ang lahat.” Ang mangyayari kapag sinunod mo ang mensaheng iyan ay parang imbudong sa simula ay maluwag ang pasukan pero pakitid nang pakitid sa ilalim. Ang kalayaan mo ay nalilimitahan ng mga desisyong iyon. Ang pagsubok sa mga bagay-bagay ay maaaring humantong sa pagkalulong. Ang kapusukan ay maaaring humantong sa pagdadalantao nang hindi pa kasal o sa pagbabago ng plano ninyo sa buhay. Ngunit kung tatahak kayo sa tuwid na landas—ibabaligtad ang imbudo—at susundin ninyo ang mga pamantayan ng Panginoon, maraming pagkakataong mabubuksan sa inyo at lalawak pa ito kapag sinunod ninyo ang mga kautusan. Sa halip na magapos sa inyong mga pagkakamali, malaya kayong ipamuhay ang uri ng buhay na magpapasaya sa inyo.

Brother Beck: Kailangan sa mundo ang mga kabataang nauunawaan ang kahalagahan ng mga pagpapalang ito at kung paano magiging marapat para dito. Marami sa inyong mga kaibigan at kabarkada na naghahanap ng alternatibo sa mga paraan ng mundo, na nais gawing pundasyon sa buhay ang mga tunay na alituntunin. Ang kailangan lang nila ay ang inyong halimbawa at patotoo.

May gusto pa ba kayong ibahagi sa mga kabataan?

Sister Dalton: Ang mensaheng ibibigay ko sa mga kabataan ay na hindi masamang magsisi; ito ay isang pagpapala. Naglaan ng paraan ang Tagapagligtas para makapagsisi tayo. Huwag nang maghintay. Maaari tayong magbago, at tutulungan tayo niyan na maipamuhay ang mga pamantayan. Kayang baguhin ng isang mabuting kabataang lalaki o babaeng ginagabayan ng Espiritu ang mundo. Maaaring ikaw iyan.

Brother Beck: Mahal namin kayo, at nagagalak kami sa inyong kabutihan. Nakatutuwa at nakasisiglang makita namin ang inyong katapatan. Kung pakiramdam ninyo ay nag-iisa kayo, alalahanin na libu-libong kabataang katulad ninyo sa iba’t ibang dako ng mundo ang nangangakong sundin ang mga pamantayan ng Panginoon. Alalahanin din na maaari ninyong makasama palagi ang Espiritu Santo. Mamuhay nang marapat sa Kanyang harapan, sundin ang Kanyang mga pahiwatig, at tulutan Siyang panatagin kayo kapag kailangan ninyo ito. Mahal kayo ng Ama sa Langit at tiwala Siya sa inyo. Naglaan Siya ng magagandang bagay para sa inyo.

Mga Tala

  1. Para sa Lakas ng mga Kabataan (2011), ii.

  2. Tingnan sa Thomas S. Monson, “Tapang na Manindigang Mag-isa,” Liahona, Nob. 2011, 60.

Kaliwa, itaas: paglalarawan ni Robert Casey; kanan: Larawan ni Cristo, ni Heinrich Hofmann, sa kagandahang-loob ng C. Harrison Conroy Co.

Larawan ng mga landas © Plainpicture/Hasengold