2012
Halimbawa ng Aking Ina
Agosto 2012


Halimbawa ng Aking Ina

Halimbawa ng Aking Ina

Paglalarawan ni Brian Call

Ibinagsak ko ang pinggan sa dishwasher at umiyak ako sa inis.

“Erin, pumunta ka na sa pool party na iyon,” sabi ni Itay. “Maglibang ka muna.”

“Hindi naman po iyan ang problema ko!” ang sigaw ko habang palabas ako ng silid.

Hindi ang pool party ni Adriane ang pinoproblema ko. Si Inay at ang bunsong kapatid kong si Abby na may pulmonya. Ginugol namin ni Itay ang nakaraang linggo sa pag-aalaga sa kanila at pagsisikap na magawa ang mga gawaing-bahay. Ibig sabihin nito ay pagluluto, paglilinis, pamimili, paglalaba, at paghahatid-sundo sa dalawa ko pang kapatid na babae.

Lahat ng bagay na ito ang pumayapa sa mga pag-aalala ko at pangamba. Nag-alala ako sa pamilya ko at kinabahan ako dahil malapit na akong umalis para magkolehiyo. Kaya ginawa kong abala ang sarili ko at sinikap kong balewalain ang mga pangamba ko. Nagplano pa akong huwag nang pumunta sa party ni Adriane, pero pagod na ako at ang isipin ang gabing wala kang inaalala, kasama ang mga kaibigan sa tabi ng pool, ay lalo pang nagpatindi sa nadarama ko. Hindi na ako nakapagtimpi at kay Itay ko naibunton ang sama ng loob ko.

Matagal akong umiyak sa kuwarto ko. Pagkatapos, nakokonsensya, umakyat ako para tingnan kung may kailangan si Inay o si Abby. Nakita ko si Inay na pinaiinom ng gamot ang kapatid kong may lagnat. Halos hindi makahinga si Inay at ilang araw nang nakaratay sa higaan. Hinimok namin siya ni Itay na mahiga. Sinabi namin sa kanya na kami na ang bahala kay Abby. Hindi siya nakinig.

“Ayos lang ako. Kayong dalawa ang matulog,” sabi niya. “Kailangan ako ni Abby.”

Sinikap kong huwag maiyak nang masdan ko si Inay na panatagin ang 10-taong-gulang kong kapatid. Inalam niya ang temperatura ni Abby, inihiga ito, at tinabihan at niyakap ang nanginginig nitong katawan. Tumigil sa pagdaing si Abby at napanatag sa yakap ni Inay.

Ngayon lang nagkasakit nang ganito kalubha si Inay. Sa huli ay naospital siya nang ilang araw dahil sa pulmonya. Gayunpaman sa gitna ng hirap niya, kinalimutan niya ang kanyang sarili. Sa halip na magreklamo dahil sa sakit niya, nakahanap siya ng paraan na maibsan ang sakit ng kanyang anak.

Plano ko sanang magpakamartir nang gabing iyon sa pamamagitan ng pananatili sa bahay para tumulong. Sa halip, nahiya ako sa pagmamaktol ko at napakumbaba sa ginawa ng aking ina. Habang minamasdan siya, alam ko na gagawin niya ang lahat para tulungan kaming magkakapatid.

Nadama ko ang pagmamahal niya sa gabing iyon at gusto kong tularan ang kanyang halimbawa. Ipinasiya kong ipakita sa mga mahal ko na paroroon ako kapag kailangan nila ako, anuman ang kailanganin kong isakripisyo.