2012
Ang Bahaging para sa Atin
Agosto 2012


Ang Bahaging para sa Atin

Bakit May mga Pagsubok?

Maraming pagkakataon na nagtataka tayo kung bakit tayo may mga problema gayong sinusunod naman natin ang mga kautusan at ipinamumuhay ang ebanghelyo. Huwag nating kalimutan na narito tayo sa lupa upang subukin. Kapag nakayanan natin ang mga pagsubok at ipinakita sa Ama sa Langit sa ating mga pagpapasiya na mahal natin Siya, pagpapalain Niya tayo upang mapasaating pamilya ang Espiritu ng Panginoon.

Kahellyn V. (ibaba), Venezuela

Tungkulin sa Diyos

Tinatapos ko ang aking Tungkulin sa Diyos, noong nakatira ako sa Venezuela at nang lumipat kami ng pamilya ko sa China.

Talagang binigyang-inspirasyon ang programang Tungkulin sa Diyos. Matututo ng kagila-gilalas na mga bagay ang isang kabataang lalaki na magagamit niya habang siya ay nabubuhay kapag tinapos niya ang mga mithiin sa programa. Matututo siya ng mga bagay na espirituwal, temporal, pisikal, at marami pang iba.

Sulit ang pagsisikap mong ituon ang iyong sarili sa pagkumpleto ng mga mithiing ito. Natutuhan kong maging mas mabuting tao, lumakas ang patotoo ko sa ebanghelyo ni Jesucristo, at mas naihanda ko ang aking sarili para tumanggap ng Melchizedek Priesthood at magmisyon. Nakatutuwang malaman na magiging mabuting halimbawa ako sa aking mga magiging anak balang araw.

Jonathan A., China

Ang Paborito Kong Banal na Kasulatan

1 Nephi 3:7

Pinalalakas ng talatang ito sa banal na kasulatan ang aking pananampalataya dahil ipinapakita ni Nephi sa mga panahon ng pagsubok na sinusunod at ginagawa pa rin niya ang nais ipagawa sa kanya ng Panginoon. At pinagpapala siya ng Ama sa Langit dahil diyan.

Kaila T. (itaas), Pilipinas

Pansariling Pag-unlad

Noong Pebrero 27, 2011, tinanggap ko ang aking Pagkilala sa Pagdadalaga. Masaya ako na natapos ko ang programang Pansariling Pag-unlad, na napanatili kong dalisay at malinis ang aking sarili, at na maisusuot ko nang may pagmamalaki ang aking medalyon. Alam ko na tinutulungan tayo ng organisasyon ng Young Women na umunlad at ihanda ang ating sarili na makasal sa banal sa templo. Pinasasalamatan ko ang aking Ama sa Langit para sa organisasyong ito. Sa pagkakamit ng medalyon, nakamtan ko ang isa sa aking mga mithiin, at alam ko na maaari akong magpatuloy sa paggawa ng maraming kabutihan sa gawain ng Panginoon.

Katherine M., Venezuela

Pagkakaroon ng Sariling Patotoo

Ako ay isinilang at lumaki sa Simbahan, at wala akong gaanong patotoo hanggang sa simulan kong basahin ang mga banal na kasulatan nang may dalisay na hangarin. Sa halip na basahin lamang ang mga salitang nasa papel, sinaliksik ko nang husto ang kahulugan ng mga ito. Binasa ko ang 3 Nephi 11:3, at lumagay ako sa sitwasyon ng mga tao roon. Ang banal na kasulatang iyan at ang mga sumunod dito ay umantig sa akin. Magmula noon lagi na akong nagbabasa ng mga banal na kasulatan at taos-pusong nagdarasal, at lumakas ang aking patotoo.

Ryan R., Washington, USA