Pagkinita sa Aking Sarili sa Templo
Niyaya akong magdeyt ng isang guwapong kasamahan ko sa trabaho, pero hindi siya miyembro ng Simbahan, at mithiin kong makasal sa templo.
Noong bata pa ako, pinangarap kong maging bahagi ng isang walang-hanggang pamilya. Ako ay 12 taong gulang nang ibuklod ang pamilya ko sa São Paulo Brazil Temple. Tandang-tanda ko pa na lumuhod kami ng pamilya ko sa altar ng templo at ibinuklod kaming magkakapatid sa aming mga magulang sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan. Noon ko nalaman na ito ang uri ng pamilyang gusto ko. Inilagay ko ang larawan ng São Paulo Temple sa tabi ng kama ko, at minasdan ito gabi-gabi, na pinaninibago ang aking tapat na pangako na wala akong ibang aasamin kundi ang magkaroon ng walang-hanggang pamilya.
Pagkaraan ng ilang taon nagtrabaho ako sa commercial department ng isang malaking kompanya. Isang araw ipinakilala ako ng manedyer namin sa isang bagong empleyado. Matangkad siyang binata na may kaakit-akit na asul na mata, palangiti, at mapormang manamit.
Hindi ako makapaniwala nang kalaunan ay magpakita siya ng interes sa akin. Tuwang-tuwa ako! Sa una naming deyt, natuwa akong malaman na drummer siya sa isang banda na papasikat na. Natuklasan ko rin na naninigarilyo siya at umiinom, pero ikinatwiran ko na, dahil hindi naman siya miyembro ng Simbahan, hindi iyon mali para sa kanya.
Pagkauwi ko nang gabing iyon, puro tungkol sa guwapong lalaking iyon ang nasa isip ko. Ngunit nang lumuhod ako para magdasal, nakita ko ang larawan ng templo, at may nadama akong kakaiba. Binalewala ko iyon at natulog na ako.
Kinabukasan, nang magdeyt kami, ang katotohanan na umiinom siya at naninigarilyo ay nagpasama sa pakiramdam ko. Nahiya akong maupo sa mesang may mga alak, kahit hindi ko nahawakan ang alinman sa mga ito. Noong una ay natuwa ako at pagkatapos ay nainis ako nang magtangka siyang halikan ako. Nang maamoy ko ang sigarilyo at alak sa kanyang hininga, hanggang tangka lang ang halik na iyon!
Lumuhod ako sa tabi ng aking kama nang gabing iyon para manalangin, na nakatingin sa larawan ng templo. Napag-isip-isip ko na hindi ang lalaking ito ang klase ng taong magdadala sa akin sa templo para sa kasal na walang-hanggan.
Nahiga ako at natulog, na masayang iniisip ang mithiin kong makasal sa isang karapat-dapat na lalaking makakasama ko sa pagbubuo ng isang walang-hanggang pamilya.
Kahit kaakit-akit pa rin ang drummer, hindi ko na hinangaan ang kaguwapuhan niya. Alam ko kung anong uri ng kasal ang gusto ko.
Pagkaraan ng isang taon ikinasal ako sa São Paulo Temple sa isang karapat-dapat na mayhawak ng priesthood na mahal ko. Sulit ang paghihintay sa isang tapat na binata na kasama kong tatanggap ng magandang pagpapala mula sa Panginoon.