2012
Mga Tanong at mga Sagot
Agosto 2012


Mga Tanong at mga Sagot

“Nalulong ako sa pornograpiya. Sinisira nito ang buhay ko. Ano ang magagawa ko para maputol ang aking pagkalulong?”

Laganap at mabigat na problema ang pornograpiya. Sinasaktan nito ang iyong espiritu at pinarurumi ang iyong isipan. Sinisira nito ang relasyon mo sa mga taong malapit sa iyo. Dahil sa pagtingin sa pornograpiya, nawawala sa iyo ang patnubay ng Espiritu Santo.

Hindi madaling tumigil sa pagkalulong, pero simple lang—magpasiya ngayon na tumigil sa pagtingin o pag-iisip tungkol sa pornograpiya. Kausapin kaagad ang iyong bishop o branch president. Huwag mahiyang kausapin siya. Matutulungan ka niyang magsisi upang malinis ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ang iyong isipan at espiritu. “Sa pamamagitan nito inyong malalaman kung ang isang tao ay nagsisi ng kanyang mga kasalanan—masdan, kanyang aaminin ang mga yaon at tatalikdan ang mga yaon” (D at T 58:43).

Gawin ang lahat ng makakaya mo upang maiwasan ang pornograpiya sa hinaharap. Maaari itong mangahulugan ng hindi paggamit ng iyong cell phone at Internet, maliban sa mga pampublikong lugar, na may naka-install na malalakas na Internet filter.

Ituon ang buhay mo sa pagdarasal, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, paglilingkod, at iba pang mga nakasisiglang aktibidad. Itinuro ng Panginoon, “Tumigil … mula sa lahat ng inyong mahahalay na pagnanasa” at “puspusin ng kabanalan ang iyong mga iniisip nang walang humpay” (D at T 88:121; 121:45). Sa taos-pusong pagsisisi at sa tulong ng Tagapagligtas at ng Kanyang piling mga lingkod, makakaya mong daigin ang pagkalulong na ito.

Magbasa ng mga Banal na Kasulatan

Humiling ng lakas sa panalangin. Si Enos ay buong araw na nanalangin, na sumasamo sa Panginoon na mapatawad ang kanyang mga kasalanan, at dahil sa kanyang pananampalataya, nakadama siya ng malaking kapayapaan at nawala ang bigat ng kanyang budhi. Magbasa ng mga banal na kasulatan upang mapasaiyo ang Banal na Espiritu, dahil kapag kasama mo Siya, hindi ka mag-iisip o gagawa ng masasamang bagay. Basahin ang Mga Awit 24:3–5 (tungkol sa pananatiling malinis). Maging abala: sumali sa mga isport, lumabas at magkaroon ng mabubuting libangan, at huwag hayaang maimpluwensyahan ng inaakalang mga kaibigan. Kapag dumating ang mga tukso, maging matatag at tanggihan ang mga ito. Alalahanin na alam ng Ama sa Langit ang lahat ng iyong iniisip at ginagawa.

Ana G., edad 17, Zulia, Venezuela

Huwag Kang Susuko

Sinira ng pornograpiya ang buhay ko, pero sa wakas ay naputol ko rin ang pagkalulong matapos ang labis na pagdurusa. Ang proseso ng pagsisisi ay magiging mahaba at mahirap, ngunit taos-pusong ipagdasal sa araw-araw na tulungan ka ng Panginoon sa pagsubok na ito. Huwag isipin kailanman na hindi ka karapat-dapat magsisi, dahil ang Pagbabayad-sala ay para sa lahat. Alalahanin din na tuwing natutukso ka, sinusubukan ni Satanas na ilugmok ka sa kasalanan. Ngunit laging ikaw ang magpapasiya kung patatangay ka o babalewalain mo ang tukso. Huwag mong isuko ang iyong sarili o ang Panginoon, dahil hindi ka Niya bibigyan ng pagsubok na hindi mo kakayanin (tingnan sa 1 Nephi 3:7).

Isang dalagita mula sa Victoria, Australia

Kausapin ang Iyong Bishop

Puntahan at kausapin ang iyong bishop sa lalong madaling panahon. Mahirap gawin ang unang hakbang na iyan, pero kailangan mo siyang kausapin para makapagsisi ka. Hindi ka niya pagtatawanan o kasusuklaman. Nagmamalasakit siya sa iyo at hangad lang niya ang pinakamabuti para sa iyo. Pinagdusahan ni Jesucristo ang iyong mga kasalanan para madama mong muli ang kalayaan mula sa nakapipinsalang kasalanan at kalungkutan na matagal mo nang nadarama (tingnan sa Alma 5:9). Hindi pa huli para magbago. Madarama mong muli ang tunay na kagalakan. Hilingin sa Diyos na bigyan ka ng tapang na magsisi.

Taylor P., edad 18, North Carolina, USA

Kumanta ng Isang Himno

Ang pornograpiya ay hindi sa Diyos. Ang proseso ng pagsisisi ay mahaba at masakit, pero posible ito! Kailangan mong hangaring magbago, matanto ang bigat ng iyong kasalanan, at higit sa lahat ay hingin ang tulong ng Ama sa Langit. Para makaiwas sa tukso, may larawan ako ni Jesucristo sa tabi ng computer ko. Lagi Siyang nariyan at nakamasid sa akin! Kapag may malalaswang larawan o musikang pumapasok sa isipan ko, kumakanta ako ng isang himno at agad kong nalilimutan ang masasamang bagay na ito.

Natália Q., edad 18, São Paulo, Brazil

Manalangin

Ang kapangyarihan ng panalangin ay hindi mailalarawan; binibigyan tayo nito ng lakas na makayanan ang paghihirap at magtagumpay (tingnan sa D at T 10:5). Kung magdarasal ka sa Ama sa Langit, bibigyan ka Niya ng lakas na makakawala sa tukso. Kapag nagbasa ka ng mga banal na kasulatan araw-araw, lalo ka pang lalakas. Kung may tiwala ka sa Panginoon at hindi sa sarili mong lakas, palalayain ka Niya mula sa mga tanikalang nakagapos sa iyo. Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ay gagaling ka.

Gian G., edad 18, Rivera, Uruguay

Magtapat

Noon ko pa problema ito. Binabagabag pa rin ako nito hanggang ngayon. Una sa lahat, tumigil sa pagtingin sa pornograpiya. Lumapit sa Ama sa Langit. Nadama kong pinatawad Niya ako noong inakala ko na hindi ako mapapatawad. At akala ko maayos na ako. Ayaw kong malaman ng iba ang tungkol dito; hiyang-hiya ako. Pero isang bagay ito na kailangang sabihin sa bishop mo. Sinubukan kong ilihim ito. Pero paulit-ulit kong narinig ang mga salitang, “Kung may problema ka sa pornograpiya, kausapin mo ang iyong bishop.” Isang araw, nang interbyuhin ako para sa aking temple recommend, basta na lang ito lumabas sa bibig ko. At gumanda ang pakiramdam ko pagkatapos niyon. Malaya na ako. Nawala ang isang pasanin. Pagkatapos, sinabi ko ito sa mga magulang ko. Nalungkot sila, pero tinanggap nila ito. Huwag matakot na ipagtapat ito.

Isang dalaga mula sa Tennessee, USA

Sabihin sa Isang Tao

Matagal akong nalulong sa pornograpiya. Suporta lang ng mga magulang ko at tulong ng bishop ko ang nagpalaya sa akin sa huli. Ang bawas na oras sa paggamit ng Internet o ilang linggong hindi pakikibahagi sa sakramento ay maliit na kabayaran para sa kagalakang dulot ng pagiging malinis. Maaari ding makatulong ang propesyonal na mga tagapayo at hindi ka nila huhusgahan. Sila man ay ibinigay sa atin ng Panginoon para tulungan tayo.

Isang binatilyo mula sa California, USA