2013
Isang Basbas para Mabinyagan
Hunyo 2013


Isang Basbas para Mabinyagan

Ang awtor ay nakatira sa Nevada, USA.

Ang paglubog sa tubig ay laging nagpapakaba kay Trevor. Paano siya mabibinyagan?

Umupo si Trevor sa sopa at nangalumbaba. Nakikipaglaro ang mga kapatid niyang lalaki kay Lolo. Gusto rin sana niyang magsaya, ngunit hindi niya mapigil na mag-alala tungkol sa kanyang binyag.

Umupo sa tabi niya si Inay at hinaplus-haplos ang kanyang ulo. “Ano’ng problema?” tanong nito. “Ayaw mo bang maglaro?”

Umiling si Trevor, na nakakunot-noo.

Minasdan siya sandali ni Inay, at saka siya niyakap. “Takot ka pa rin bang lumubog sa tubig?”

Tumango si Trevor.

Laging natatakot si Trevor tuwing maiisip niya na ilulubog siya sa tubig. Noong tatlong taong gulang siya, nahulog siya sa swimming pool. Hinding-hindi niya malilimutan kung gaano siya katakot habang papalubog siya sa tubig, hanggang sa may humatak sa kanya. Kabado na siyang lumapit sa tubig simula noon.

“Bakit hindi po mawala ang takot ko?” tanong ni Trevor. “Nagdasal po tayo, at binisita pa natin ang bautismuhan. Wala ring nangyari!” Pagtindig niya mula sa sopa, tumakbo si Trevor papasok sa kanyang silid.

Matapos isara nang malakas ang pinto ng silid, humiga si Trevor sa kanyang kama. Hindi nagtagal nakarinig siya ng mahinang katok sa pinto.

Tumingin si Trevor nang umupo si Itay sa tabi niya. “Sabi ni Inay kinakabahan ka pa rin daw sa binyag mo,” sabi ni Itay.

Tumango si Trevor. “Dasal ako nang dasal, pero hindi po mawala ang takot ko.”

Sandaling nag-isip si Itay. “Kung minsan kapag ipinagdarasal natin ang isang bagay, hindi ito nangyayari kaagad. Maaaring takot ka ngayon, pero siguro gaganda ang pakiramdam mo bukas.”

Umiling si Trevor, pero naalala niya na kinabahan siya sa pagbubukas ng klase noong nakaraang taon. Binasbasan siya noon ni Itay. Siguro makatutulong din sa kanya ang magpabasbas para mabinyagan. Tumingin siya kay Itay. “Palagay ba ninyo mababasbasan ninyo ako ni Lolo?”

Tumango si Itay. “Palagay ko magandang ideya iyan.”

Maya-maya pa, umupo si Trevor sa isang silya sa sala. Ipinatong nina Itay at Lolo ang kanilang mga kamay sa kanyang ulo. Binasbasan siya ni Itay, na sinasabing kung siya ay mananampalataya, matutulungan siya ng Ama sa Langit na mapanatag at mapayapa.

Kinabukasan habang nakaupo siya at nakasuot ng puting damit para sa kanyang binyag, kinakabahan pa rin si Trevor. Natuwa siya na nabasbasan siya, pero paano kung takot pa rin siya? Paano siya mabibinyagan?

Matapos marinig ang mensahe tungkol sa binyag, bumaling sa kanya si Itay. “Oras na para pumunta sa bautismuhan,” sabi niya. Tumango si Trevor at sinundan si Itay sa bautismuhan. Si Itay ang unang lumusong.

Pagkatapos si Trevor naman. Nag-atubili siya, pero naalala niya ang kanyang basbas. “Ama sa Langit, tulungan po ninyo akong sumampalataya,” pagdarasal niya sa sarili.

Dahan-dahan, inilusong ni Trevor ang isa niyang paa sa tubig. Masarap iyon at mainit-init. Humakbang muli si Trevor.

Sa bawat hakbang, nadama niyang naglalaho ang kanyang pag-aalala at takot. Inalalayan siya ni Itay sa bisig at ngumiti ito. “Handa ka na?”

Nakadama ng kapanatagan at kapayapaan si Trevor. Ito ang pakiramdam na ipinangako ng Ama sa Langit na ibibigay sa kanya. Tumango siya. “Handa na po.”

Itinaas ni Itay ang kanyang kanang kamay at sinambit ang panalangin sa binyag. Nang ilubog ni Itay si Trevor sa tubig, hindi siya natakot. Ang nadama lang niya ay ang panatag at payapang damdaming iyon na lalo pang tumitindi.

Nakangiti si Trevor nang umahon sa tubig. Alam niya na nakatulong ang kanyang pananampalataya na madaig ang kanyang takot para mabinyagan siya. Alam niyang lagi siyang tutulungan ng Ama sa Langit kapag sinikap niyang piliin ang tama.

Mga paglalarawan ni Kevin Keele