2013
Pasasalamat
Hunyo 2013


Para sa Lakas ng mga Kabataan

Pasasalamat

David L. Beck

Bawat isa sa atin ay magiging mas masaya kung tayo ay puno ng pasasalamat.

Noong tag-init ng 2011, nagkaroon ako ng pribilehiyong makilala si Josh Larson sa Philmont Scout Ranch sa New Mexico, USA. Ilang buwan mula noon, tinulungan ni Josh ang kanyang ama sa paglilinis ng warehouse. Nang walang babala, ang kadenang ginagamit sa paglilipat ng isang 1,480 libra (670 kg) na beam ay biglang naputol, at bumagsak ang beam kay Josh, nadaganan siya mula sa kanyang leeg hanggang sa kanyang mga binti. Himalang naalis ng ama ni Josh ang beam sa katawan ng kanyang anak. Isinagawa niya ang CPR hanggang sa dumating ang emergency personnel para ibiyahe si Josh, na hindi pa rin humihinga, papunta sa ospital.

Kritikal ang lagay ni Josh sa loob ng maraming araw. Labis na sinikap ng mga doktor na ayusin ang kanyang basag na bungo, sinuses, at iba pang matitinding pinsala. Pagkaraan ng maraming operasyon, maayos na ang lagay ni Josh. At simula na ng kanyang mahaba at matagal na pagpapagaling mula sa natamong pinsala.

Ngayon nararanasan pa rin Josh ang maraming epektong dulot ng kanyang aksidente. Napinsala ang kanyang isang mata, medyo nabingi ang isa niyang tainga, at may metal plate sa kanyang ulo. Subalit itinuring pa rin niyang isang pagpapala ito. Alam niya na utang niya ang kanyang buhay at paggaling sa Ama sa Langit at sa suporta ng mga nakapaligid sa kanya. Puspos ng pasasalamat ang kanyang puso.

Mahaba at matagal na pagpapagaling ang pinagdaraanan ni Josh. Nararanasan pa rin niya ang maraming epektong dulot ng kanyang aksidente ngunit itinuturing niyang pagpapala ang aksidente kaysa pagsubok sa kanya.

Pasasalamat sa Panahon ng Paghihirap

Sa nakaraang kumperensya para sa kabataan, nagkuwento si Josh tungkol sa mga panalangin at pag-aayuno ng pamilya, mga kaibigan, kapitbahay, at mga lider ng ward at stake: “Nagpapasalamat po ako sa mga pagpapala sa akin. Nasagot ang mga panalangin. Palagay ko po mas naging pagpapala ito kaysa pagsubok. Mahal ko kayong lahat.”

Si Josh ay halimbawa ng turo sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: “Mamuhay nang may diwa ng pasasalamat at higit kayong liligaya at masisiyahan sa buhay. … Maging sa inyong matinding paghihirap, marami kayong dapat ipagpasalamat.”1

Ang mga pagsubok, kahit kasing tindi ng naranasan ni Josh, ay magiging mga pagpapala dahil sa pasasalamat. Kailangan nating pagsikapang magpasalamat at magkaroon ng magandang pananaw sa buhay. Gayunpaman tunay tayong pinagpapala ng Panginoon, at ang Kanyang magiliw na awa ay hindi dapat binabalewala o hindi pinahahalagahan. Ipinaalala sa atin ng propetang si Moroni sa Aklat ni Mormon ang kahalagahan ng pasasalamat at hinihikayat tayo na “maalaala kung paano naging maawain ang Panginoon sa mga anak ng tao, mula sa paglikha kay Adan, maging hanggang sa panahong inyong matanggap ang mga bagay na ito, at pagbulay-bulayin ang mga yaon sa inyong mga puso” (Moroni 10:3).

Pagtulong ng Espiritu Santo

Sa abala nating buhay, maaaring madaling balewalain at kalimutan ang patnubay ng Ama sa Langit sa ating mga gawain sa araw-araw. Tinutulungan tayo ng Espiritu Santo na maalala na marami tayong dapat ipagpasalamat. Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Ang Espiritu Santo ang tumutulong sa atin para makita natin ang nagawa ng Diyos para sa atin.” Hinikayat niya tayo na “humanap ng mga paraan para makilala at maalala ang kabaitan ng Diyos.”2

Kapag tinulutan natin ang Espiritu Santo na ipaalala sa atin ang kabaitan at pagmamahal sa atin ng Diyos, tayo ay mapupuspos ng pasasalamat. Ang damdaming ito ang maghihikayat sa atin na pasalamatan ang ating Ama sa Langit. Itinuturo sa Tapat sa Pananampalataya: “Pasalamatan ang inyong Ama sa Langit sa Kanyang kabutihan sa inyo. Mapasasalamatan ninyo ang Diyos sa pagkilala sa Kanyang kapangyarihan sa lahat ng bagay, na pinasasalamatan Siya sa lahat ng ibinibigay Niya sa inyo, pagsunod sa Kanyang mga utos, at paglilingkod sa iba. … Pagsikapang maging mapagpasalamat. Matutuklasan ninyo na maganda ang ibubunga nito.”3

Kapag natatanto natin ang mga pagpapala sa atin, lalakas ang ating patotoo. Kapag lalo pa nating nakikita ang kapangyarihan ng Panginoon sa ating buhay, mas napapalapit tayo sa Kanya. Ang isa sa pinakamaiinam na paraan para maipakita natin ang ating pasasalamat sa ating Ama sa Langit ay sa pagpapasalamat sa Kanya at sa iba pa na nakaimpluwensya sa ating buhay sa maraming paraan.4

Ang pagpapasalamat na ito ay magbibigay sa atin ng inspirasyon na sundin ang Panginoon at mamuhay nang may paglilingkod—isang buhay na nagbibigay-inspirasyon sa mga nakapaligid sa atin at hahantong sa mabuting pagbabago.

Mga Tala

  1. Para sa Lakas ng mga Kabataan (buklet, 2011), 18.

  2. Henry B. Eyring, “O Tandaan, Tandaan,” Liahona, Nob. 2007, 67–68.

  3. Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo (2006), 192.

  4. Tingnan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan, 18.

Mga larawan sa kagandahang-loob ni Vicki Larson at ng Church Publishing Services