2013
Paglilingkod sa mga Taong may Kapansanan
Hunyo 2013


Paglilingkod sa Simbahan

Paglilingkod sa mga Taong may Kapansanan

Nang matawag si Lynn Parsons bilang disability specialist sa Hurst Texas Stake, gusto niyang gampanan ang kanyang tungkulin sa paraang mapagpapala ang buhay ng mga miyembro ng kanyang stake, lalo na ang mga miyembrong may kapansanan at kanilang mga pamilya.

Ang isa sa mga unang ginawa ni Lynn ay repasuhin ang impormasyon tungkol sa kanyang tungkulin sa LDS.org (lds.org/callings/disability-specialist), at ginamit niya ang Handbook 2: Administering the Church para maunawaan ang opisyal na mga tuntunin ng Simbahan tungkol sa mga taong may kapansanan. Ang Disability Resources website (lds.org/disability) ay nagsilbing sanggunian din. Tinulungan siya nitong maunawaan ang iba’t ibang kapansanan at nagbigay din ng impormasyong maibabahagi niya sa mga miyembro ng kanyang stake.

Isinasaad sa Handbook 2 na, “Ang bishopric o ang stake presidency ay maaaring tumawag ng ward o stake disability specialist na tutulong sa mga indibiduwal at pamilya.”1 Nagbibigay ang LDS.org ng iba pang impormasyon tungkol sa tungkuling ito, at ipinaliliwanag na “ang tungkulin ng mga disability specialist ay tumulong na mas makabahagi at makabilang ang mga miyembro ng Simbahan na may mga kapansanan.”2

Dahil sa pagkaunawang ito, sinabi ni Lynn na gusto niyang “tulungan ang mga lider na magampanan ang kanilang mga tungkulin sa pamamagitan ng paghahanap ng mga kailangan nilang gamitin upang mapaglingkuran ang mga may kapansanan.”

Nakakita rin ng impormasyon si Lynn sa mga mapagkukunang materyal sa komunidad at mga ahensya sa lugar, sa Internet, at mga miyembro ng ward at stake na may mga alam at karanasan sa paglilingkod sa mga taong may kapansanan. Ginagamit ni Lynn ang mga mapagkukunang tulong na ito kapag humahanap siya ng solusyon sa ilan sa mga hamong kinakaharap ng mga lider at pamilya sa kanyang stake. Hindi niya palaging alam kung saan hihingi ng impormasyon o tulong, “pero kung talagang hahanapin mo ang sagot sa pamamagitan ng dasal,” sabi niya, “magagabayan ka kung saan mahahanap ang sagot.”

Ang Pag-unawa sa mga Pangangailangan

Sinisikap din ni Lynn na maunawaan ang mga pangangailangan ng mga lider ng Simbahan sa kanyang lugar tungkol sa mga may kapansanan. Para magawa ito, hiniling niya sa mga lider ng kanyang stake na padalhan ng liham ang mga bishop para ipaalam sa kanila ang kanyang tungkulin at na handa siyang tumulong. Nakipagpulong din siya sa stake Primary presidency para malaman ang mga alalahanin nila, at pinlano rin niyang makipagpulong sa iba pang mga grupo ng mga lider. “Gusto kong maipakalat ang impormasyon,” sabi niya. “Gusto kong malaman ng mga tao kung saan sila makahahanap ng tulong.”

Dahil naipaalam niya sa mga miyembro ng stake na handa siyang maglingkod, kaagad nagkaroon si Lynn ng mga oportunidad na makatulong sa mga lider. Sa loob ng unang ilang buwan sa tungkuling disability specialist, inanyayahan siyang makipagpulong sa isang ward council para ipaliwanag ang mga kakaibang katangian ng isang partikular na kapansanan. Naglingkod siya sa iba pang paraan, tulad ng pagtulong niya sa isang guro na malaman kung paano turuan ang isang batang autistic at nagmungkahi na tumawag ng assistant Primary teacher para makadalo sa klase ang isang batang may kapansanan.

Para maipagpatuloy ito, plano ni Lynn na tulungan ang mga lider sa pagganap ng kanilang mga tungkulin. Sa paggawa nito, tinutulungan niya ang mga miyembro ng kanyang stake na tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas na nagmamahal at tumutulong sa kapwa, pati na sa may mga kapansanan.

Paglalarawan ni Beth M. Whittaker