2013
Mga Tanong at mga Sagot
Hunyo 2013


Mga Tanong at mga Sagot

“May problema ang kapatid ko sa pornograpiya. Nakausap na niya ang bishop namin tungkol dito, kaya gusto ko siyang suportahan, pero naapektuhan nito ang tiwala ko sa kanya. Paano ko haharapin ito?”

Nakakatuwa na gusto mong suportahan ang kapatid mo. Kakailanganin niya ang panghihikayat mo. Dahil ipinaalam sa iyo ng kapatid mo ang problemang ito sa kanyang buhay at alam mong masigasig niya itong nilulutas, nakagawa na siya ng isang malaking bagay para magtiwala kang muli sa kanya. Ang madaig ang paglilihim at panlilinlang na napakadalas iniuugnay sa problemang ito ay katibayan ng malaking pag-unlad. Makatutulong ito sa iyo na mas magtiwala sa kanya. Sapat na panahon ang kailangan para maging lubos ang pagtitiwala. Ngunit hindi iyan nangangahulugan na hindi mo na siya mamahalin. Maaari mo siyang ipagdasal, maging mabuting halimbawa sa kanya, at gawin ang iba pang mga bagay para tulungan siya.

Sikaping huwag siyang husgahan. Kung nadarama niyang hinuhusgahan siya, malamang na lalo siyang mahirapan sa pagsisikap niya, at mas mahihirapan siyang magbago. Lahat ay may mga kahinaan; iyan ang isang dahilan kung bakit Nagbayad-sala ang Tagapagligtas. Magtiwala sa Panginoon at sa katotohanan na, sa pamamagitan ng pagsisisi, maaaring magbago at mapatawad ang iyong kapatid.

Dahil alam mong nagpapatulong ang iyong kapatid sa inyong bishop tungkol sa problemang ito, maaari mong kausapin ang inyong bishop tungkol sa sitwasyong ito. Makatutulong siya at ang iyong mga magulang para malaman mo ang dapat gawin. Bilang isang pamilya maaari kayong magtulung-tulong para matulungan ang iyong kapatid. Maaari kayong mag-ayuno bilang isang pamilya para tulungan siya (tingnan sa Mateo 17:21), na siyang maglalaan ng pananggalang laban sa tukso.

Suportahan Siya

Ipakitang mahal mo siya anuman ang pinili niya noon. Suportahan siya hanggang sa huli at ipaalam sa kanya na natutuwa ka na pinaglalabanan niya ito. Hindi agad babalik ang pagtitiwala, pero sinisikap niya itong maibalik muli. Tama ang ginagawa niya, at kapag natuto siya magiging mas mabuti siya, matututuhan mong pagkatiwalaan siyang muli.

Kirstin M., edad 17, North Carolina, USA

Magpakita ng Lungkot Hindi Pagtalikod

Ang pornograpiya ay hindi isang maliit na bagay, at napakasakit na malaman na may ganitong problema ang taong mahal mo. Sikaping patawarin siya, kahit gaano ito katagal. Alalahanin din na ang pagpapatawad at tiwala ay dalawang magkaibang bagay. Sa kanyang ginagawa mapagkakatiwalaan mong muli ang iyong kapatid. Magpakita ng lungkot hindi pagtalikod. Kailangan niyang madama na hindi siya nag-iisa, at kailangang managot siya sa kanyang mga ginawa. Kapag mahal mo pa rin siya sa kabila ng adiksyon, makakakita siya ng pag-asa at magkakaroon ng lakas na daigin ang problema.

Bethany A., edad 18, Arizona, USA

Hikayatin Siya

Alam ko na mahirap kapag labis mong pinagkatiwalaan ang isang tao at pagkatapos ay inabuso niya ito. Ang unang gagawin ko ay magdasal at hilingin sa Ama sa Langit na bigyan ka ng lakas na kausapin ang iyong kapatid. Maaari mo siyang kausapin linggu-linggo at kumustahin siya at maghanap ng mga banal na kasulatan sa iyong personal na pag-aaral na hihikayat sa kanya para humingi siya ng tulong. Mahalagang suportahan siya kahit nawala ang tiwala mo sa kanya. Ipaalam mo sa kanya na mahal siya ng Panginoon at patatawarin siya. Ipaalala sa kanya ang himno 110, “Dahil Tayo’y Mahal ng Diyos.” Ipaalam sa kanya na nagbayad-sala si Jesucristo para sa ating mga kasalanan, at kung tayo ay magsisisi, unti-unti tayong magiging mas mabuti sa bawat araw.

Naomi B., edad 16, Minnesota, USA

Maging Mapagpatawad

Ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala, kung ipamumuhay mo ito, ay tutulong sa kapatid mo na magkaroon ng lakas na magsisi. Pinagagaling ng Pagbabayad-sala ang mga taong nasaktan, pati na rin ang mga taong nakagawa ng maling pasiya. Laging magpatawad at magmahal sa halip na magalit.

Seth B., edad 18, Missouri, USA

Manalangin na Mapatnubayan

Lumuhod at humingi ng patnubay mula sa ating Ama sa Langit at kausapin ang iyong kapatid at manalangin kasama niya. Kapag nagpakumbaba tayo sa harapan ng ating Ama sa Langit, “hindi niya itutulot na kayo’y tuksuhin ng higit sa inyong makakaya; kundi kalakip din ng tukso ay gagawin naman ang paraan ng pagilag, upang ito’y inyong matiis” (I Mga Taga Corinto 10:13). Tutulungan Niya ang iyong kapatid na maging matibay laban sa tukso at palaging piliin ang tama.

Alejandra B., edad 22, California, USA

Huwag Mawalan ng Pag-asa

Huwag mawalan ng pag-asa sa iyong kapatid, dahil ito ang panahon na kailangang-kailangan niya ang kanyang pamilya. Ang pagdaig sa problema sa pornograpiya ay mahirap na sa kanya at wala pa rito ang pag-aalalang nawawalan ng tiwala sa kanya ang kanyang pamilya. Ganyan din ang problema ko, at nagsisisi ako upang maging karapat-dapat na makapasok sa templo upang mabuklod sa aking pamilya. Palagi akong takot noon sa sasabihin ng aking mga magulang o kung paano nila ako pakikitunguhan. Nagulat ako nang malaman ko kung gaano nila ako sinusuportahan at kung gaano sila kasigasig na magbigay ng solusyon para tulungan akong maging mas mabuti. Kung kinausap na ng iyong kapatid ang inyong bishop at tunay na nagsisikap, maganda na ang ginagawa niya.

Binatilyo mula sa Alaska, USA

Magtiwala sa Panginoon

Ang pagbabayad-sala ay hindi lamang para sa ating mga kasalanan kundi para din sa ating mga paghihirap at pagdurusa. Alam ni Jesucristo ang nadarama mo—nadama na Niya ito noon pa man. Humingi ng tulong sa Kanya, at makikita mong naghihintay ang Kanyang kamay upang palakasin ka. Manalangin na tulungan ka Niya at pagpalain ng nakapagpapagaling na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala. Sabihin sa Ama sa Langit ang lahat ng iyong alalahanin, problema, at inaasahan sa sitwasyong iyon. Ang pinakamahalaga, huwag lang maghintay na may himalang mangyari—kumilos ka. Pag-aralan ang mga banal na kasulatan, saliksikin ang karunungan na tutulong sa iyo, at patuloy na manalig na lahat ng bagay ay magiging maayos.

Megan A., edad 19, Arizona, USA