Nangungusap Tayo Tungkol kay Cristo
“Hindi Kita Malilimutan”
sa Utah, USA.
Habang papunta ako sa doktor para sa regular na pagkonsulta, puno ako ng kasabikan at pag-asa. Sa pamamagitan ng ultrasound nakita ko na ang pintig ng puso ng aking munting sanggol, ngunit ngayon, pagkaraan ng ilang linggo, mas malaki na ang munting sanggol sa aking sinapupunan. Kahit tatlong beses ko nang naranasang magbuntis, hindi pa rin nawawala sa akin ang pagkamangha.
Makalipas ang sampung minuto umiiyak na akong mag-isa sa aking sasakyan—ang larawan ng isang walang buhay na sanggol na hindi pumipintig ang puso ang mananatili habang-buhay sa isip ko.
Nang sumunod na mga araw, parang wala akong maisip at maramdaman. Nakadama ako ng kahungkagan at lumbay. Kinailangan nang pumasok uli sa trabaho ang asawa ko, at ang tatlo kong anak naman ay nagtatakbuhan na sa buong bahay habang may katamlayan ko silang pinakakain at sinisikap ko ring panatilihing malinis ang bahay. Pero parang wala ako sa sarili ko. Kapag umuuwi ako mula sa pag-aasikaso ng ilang bagay, tinitingnan ko agad kung may tumawag sa akin. Wala. Tinitingnan ko kung may nag-email sa akin bawat oras. Wala. Inisip ko na tuloy kung nagmamalasakit pa ba sa akin ang mga kaibigan at kapitbahay ko. Mga kaibigan ko ba talaga sila? Hindi ko napansin na naiimpluwensyahan ako ni Satanas.
Isang gabi, sinabi ko sa asawa ko ang nararamdaman ko, at nakita niya agad ang nangyayari sa akin. Ibinahagi niya sa akin ang 1 Nephi 21:15–16:
“Hindi kita malilimutan, O sambahayan ni Israel.
“Masdan, aking inanyuan ka sa mga palad ng aking mga kamay; ang iyong mga muog ay laging nasa harapan ko.”
Nalaman ko at pinag-aralan ang tungkol sa Pagbabayad-sala noon. Akala ko alam ko na ang ibig sabihin nito. Pero hindi ko ito naiangkop nang tama sa buhay ko. Naranasan na ni Jesus ang lahat ng aking kalungkutan. Alam na alam Niya ang naramdaman ko.
“Sa pinakauliran Niyang ginawa, ang Pagbabayad-Sala, kinailangan ni Jesus na ‘magpakababa-baba sa lahat ng bagay’ (D at T 88:6) at danasin ang ‘lahat ng sakit ng tao’ (2 Nephi 9:21). Sa gayon ay naunawaan natin na mas malawak ang layunin ng Pagbabayad-sala kaysa maglaan lang ng paraan para madaig ang kasalanan. Ang pinakadakilang ito sa lahat ng tagumpay sa mundo ang nagbibigay ng kapangyarihan sa Tagapagligtas na tupdin ang kanyang pangako: “Kung kayo ay babaling sa Panginoon nang may buong layunin ng puso, … siya … ay palalayain kayo’ (Mosias 7:33).”1
Sino pa bang kaibigan ang tiyak na higit na makatutulong sa akin sa malungkot na sandaling ito? Natanto ko na kailangan ko ang aking Tagapagligtas para tulungan akong makayanan ang aking kalungkutan. Nang bumaling ako sa Panginoon, kaagad kong nadama ang pagmamahal Niya sa akin. Napanatag at napayapa ako, at nadama ko na naunawaan ako ni Jesus nang hindi ko sukat akalain. Siya ang mismong uri ng kaibigan na inasam kong makasama matapos akong makunan—ang uri ng kaibigan na kailangang-kailangan ko.
Alam ko na lagi akong makalalapit sa aking Tagapagligtas, hindi lamang kapag kailangan kong pagsisihan ang aking mga kasalanan kundi kapag kailangan ko ng isang aalo sa akin. Nariyan Siya palagi. Kapag naghahanap tayo ng isang taong mauunawaan ang ating mga pasakit at kalungkutan, huwag nating kalimutan ang ating tunay na kaibigan, si Jesucristo.Ang awtor ay nakatira