2013
Pinawi Mo ang Aking Kalungkutan
Hunyo 2013


Pinawi Mo ang Aking Kalungkutan

Kissy Riquelme Rojas, Chile

Mahabang panahon ding naging aktibo ako sa paggawa ng family history at gawain sa templo. Nang dumami na ang nasaliksik ko, alam ko na mahihirapan akong maghanap ng impormasyon tungkol sa isang tao—ang lolo ko sa panig ng nanay ko.

Ang aking ina ay hindi lumaki sa piling ng kanyang ama at wala na siyang balita tungkol sa kanya, sa kanyang mga kapatid, at lahat ng kamag-anak ng kanyang ama. Wala siyang anumang datos na patunay ng kanyang araw ng kapanganakan o lugar ng kanyang kapanganakan, at hindi niya tiyak kung saan o kailan namatay ang tatay niya. Inisip ko kung makakakita pa ba ako ng mahahalagang impormasyon.

Isang araw habang tinitingnan ko ang diary ng aking ina, napansin ko ang retrato ng lolo ko. Nang tingnan ko ang likod nito, nakita ko na nilagyan niya ng pangalan at petsa ang retrato at inilagay roon kung ilang taon na siya nang panahong iyon. Ngayon matatantiya ko na ang petsa ng kanyang pagsilang! Natutuwang sinaliksik ko ang kanyang pangalan at mga petsa sa FamilySearch. Laking gulat ko, nakita ko na naisagawa na ang mga ordenansa para sa kanya. Sino kaya ang nagsagawa ng mga ordenansa sa templo para sa lolo ko?

Hindi nagtagal natuklasan ko na isinagawa ito ng isa sa aking mga tiyo sa panig ng aking ina na matagal na naming hindi nakikita. Hinanap ko ang kanyang contact information at kalaunan ay natagpuan ang numero ng kanyang telepono.

Kabado akong tawagan siya dahil 30 taon na ang nakalipas nang makita niya ako—noong isang taong gulang pa lang ako. Hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon niya.

Gayunpaman, nagpasiya akong tumawag. Nang sumagot siya, ipinaliwanag ko kung paano ko natagpuan ang impormasyon tungkol sa lolo ko—na kanyang ama—at sinabi sa kanya na ako ay kanyang pamangkin.

Lagi kong maaalala ang sagot niya: “Talagang napakalungkot ko nang hindi na kami magkita ng iyong ina. Ngayon ay pinawi mo ang kalungkutan ko!”

Nalaman namin na ang kanyang pamilya at pamilya ko, bagama’t nagkawalay, ay nabinyagan at nakumpirmang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw nang halos sabay, at ang dalawang pamilya ay kapwa matatag sa ebanghelyo. Ito ay masaya at emosyonal na sandali para sa amin.

Naunawaan ko noon pa man na maiuugnay tayo ng family history at gawain sa templo sa ating yumaong mga ninuno, pero hindi ko naisip kailanman na maiuugnay rin tayo nito sa ating buhay na mga kamag-anak. Nagpapasalamat ako na nakatulong ako na mapag-ugnay ang aming pamilya sa pamamagitan ng family history—hindi lang sa daigdig ng mga espiritu kundi maging sa ating buhay sa lupa.