2013
Hinding-Hindi na po Ako Pupunta sa Iba pang Sayawan
Hunyo 2013


Hinding-Hindi na po Ako Pupunta sa Iba pang Sayawan

Wendy Van Noy, Illinois, USA

Sa karatig na lugar ng Chicago, Illinois, USA, wala pang 20 kabataang Banal sa mga Huling Araw ang nag-aaral sa high school na binubuo ng mga 4,400 estudyante sa dalawang magkahiwalay na paaralan. Nasisiyahan na kami sa edukasyong natatanggap ng aming anak na lalaki, at maraming mabubuting pamilya na may matataas na pamantayan ang nakatira sa aming lugar.

Noong tagsibol ng junior year ng aming anak, inanyayahan siya sa isang sayawan sa paaralan. Ang kanyang kadeyt ay nakasuot ng maganda at disenteng damit, at sabik kaming marinig ang masayang nangyari sa kanila sa sayawan. Pagdating niya sa bahay, sinabi niya, “Hinding-hindi na po ako pupunta sa iba pang sayawan ng paaralan!” Sinabi niyang naging malaswa na ang pagsasayaw ng mga estudyante at walang ginawa ang pamunuan ng paaralan para pigilan ito. Nangilabot ako.

Ako ay part-time na empleyado ng school district na ito, at dalawang araw matapos ang sayawan hinanap ko ang pangalawang punong-guro. Siya ay taong may integridad, at nadama ko na makikinig siya sa aking mga alalahanin. Iminungkahi niya na sumulat ako sa mga punong-guro ng hayskul.

Mapanalanging pinag-isipan ko ang sasabihin ko at nagpasiyang sabihin sa kanila na hindi ko ikinatuwa ang malaswang pagsasayaw at na walang ginawang anuman para pigilan ito. Ang mga pamantayan sa pag-aaral ay itinaas, kaya’t bakit hindi ito gawin sa lahat ng aktibidad?

Ilang buwan ang lumipas, at inisip kong binale-wala nila ang aking liham. Ngunit isang araw, sa pagrerehistro para sa pagbubukas ng klase, tinanong ako ng pangalawang punong-guro, “Kayo ba ang ina na sumulat ng liham tungkol sa sayawan sa paaralan?”

“Opo,” ang sagot ko.

“Gusto kong ipaalam sa inyo na nagkaroon ng pagtatalu-talo dahil sa inyong liham!” sabi niya.

Nalaman ko na hindi nakumbinsi ang isa sa mga punong-guro na kailangang may pagbabagong gawin hanggang sa tanungin niya ang opinyon ng ilang estudyante. Ang lahat ay may iisang sagot: “Hinding-hindi na po kami pupunta sa iba pang sayawan ng paaralan! Nakakainis sila!”

At gumawa nga ang pamunuan ng paaralan ng mga patakaran sa pagsasayaw, na ipatutupad sa nalalapit na homecoming dance. Ipinaalam ng punong-guro sa mga estudyante na sila ay paaalisin kapag nilabag nila ang mga patakaran.

Sabik kong hinintay ang pag-uwi ng aming anak mula sa homecoming dance. Pagdating niya, sinabi niya na pinaalis ang mga estudyanteng nagtangkang gawin pa rin ang dati. Sinabi niya na iyon ang pinakamagandang sayawan na dinaluhan niya.

Lumiham ako sa pamunuan ng paaralan, na pinasasalamatan sila dahil nagawa nilang pinakamaganda ito sa lahat ng naganap na sayawan sa paaralan. Sumagot ang kilala kong pangalawang punong-guro: “Salamat at dahil sa inyo napag-usapan iyan noong nakaraang tagsibol. Kung hindi kayo nagmungkahi, baka hindi nagawa ang pagbabagong ito.”

Mula noon nalaman ko na karamihan sa mga paaralan sa aming bayan ay ipinatutupad ang mga bagong patakarang ito sa pagsasayaw, kaya nga libu-libong estudyante ngayon ang nasisiyahan sa mga sayawan sa paaralan.

Dalangin ko na pagpalain tayong lahat ng Panginoon na magkaroon ng lakas ng loob na magsalita at manindigan sa ating pinaniniwalaan. Nalaman kong maaaring makagawa ng kaibhan ang isang tao.