Pinagpapasyahan ni Amy Adams ng Washington, USA, kung aling mga aktibidad ang pinakamainam para sa kanyang tatlong maliliit na anak nang magbago ang kanyang isip dahil sa pag-uusap nila ng kanyang ina. “Ano kaya kung bigyan mo ang iyong mga anak ng isang bagay na mas mainam kaysa training sa sports o sayaw?” sabi ng ina ni Amy. “Ano kaya kung sa pananatili nila sa bahay, ay matutuhan nilang lalo pang madama ang Espiritu?” Pagkatapos ipinaalala sa kanya ng kanyang ina ang itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, tungkol sa bisa ng pagtutuon sa pinakamahalagang pakikipag-ugnayan sa buhay (halimbawa, tingnan sa “Sa mga Bagay na Pinakamahalaga,” Liahona, Nob. 2010, 19–22).
Ipinagdasal at pinag-isipan ng mag-asawang Amy at Brett ang payong ito at nadamang magandang ideya para sa kanilang pamilya ang magsama-sama nang mas maraming oras sa kanilang tahanan. Sa loob ng isang taon, pinili nilang huwag sumali sa sayaw at sports; sa halip nagluto at naghanda sila ng mga pagkain, pinag-aralan ang mga awitin sa Primary, bumisita sa mga museo, at naglaro sa labas. “Nadama ng aming mga anak ang Espiritu … dahil nag-ukol kami ng oras na huminto at makinig,” sabi ni Amy. Maaaring hindi manguna ang kanilang mga anak sa sports at sayaw, “ngunit nagkaroon sila ng patotoo tungkol sa Tagapagligtas,” ang sabi niya.
Nagdasal sina Amy at Brett upang malaman kung paano nila susundin ang payo ng mga propeta sa ating panahon, at sa paggawa nito nakatanggap sila ng inspirasyon para sa kanilang pamilya. Sinabi ni Amy na ang inspirasyong ito ay humantong sa kanyang “pinakamasasayang sandali bilang isang ina.”
Sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” ibinalangkas ng mga propeta sa ating panahon ang siyam na pangunahing alituntunin para magkaroon ng matatatag na pamilya na nakasentro sa ebanghelyo: “Ang mga matagumpay na buhay mag-asawa at mag-anak ay itinatatag at pinananatili sa mga alituntunin ng pananampalataya, panalangin, pagsisisi, pagpapatawad, paggalang, pagmamahalan, awa, gawa, at mga kapaki-pakinabang na gawaing panlibangan” (Liahona, Nob. 2010, 129). Ang sumusunod na mga turo mula sa mga lider ng Simbahan, ang mga halimbawa mula sa buhay ni Jesucristo, at mga larawan ay mas magpapaunawa sa atin tungkol sa siyam na alituntunin at paraang ito na maaari nating ipamuhay.
“Ang pananampalataya ay matibay na paniniwala at pananalig kay Jesucristo na umaakay sa isang tao upang sumunod sa kanya.”
Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pananampalataya,” scriptures.lds.org.
“Bilang mga magulang, iniutos sa ating turuan ang ating mga anak ‘na maunawaan ang doktrina ng … pananampalataya kay Cristo, ang Anak ng buhay na Diyos’ (D at T 68:25 ). …
“Wala nang iba pang bagay na lubos tayong nakatitiyak. Wala nang iba pang saligan sa buhay na makapagdudulot ng gayunding kapayapaan, kagalakan, at pag-asa. Sa walang katiyakan at mahihirap na panahon, ang pananampalataya ay tunay na isang espirituwal na kaloob na karapat-dapat nating pagsikapang mabuti. Mabibigyan natin ang ating mga anak ng edukasyon, mga aral, pagkakataong makasali sa sports, sa sining, at materyal na mga bagay, ngunit kung hindi natin sila mabibigyan ng pananampalataya kay Jesucristo, kaunti lang ang naibigay natin.”
Elder Kevin W. Pearson ng Pitumpu, “Pananampalataya sa Panginoong Jesucristo,” Liahona, Mayo 2009, 38–39.
“Ang panalangin ang hakbang kung saan ang kalooban ng Ama at ang kalooban ng anak ay nagkakaroon ng ugnayan sa isa’t isa. Ang pakay ng panalangin ay hindi upang baguhin ang kalooban ng Diyos, kundi upang maisiguro sa ating sarili at sa iba ang mga pagpapala na nais ng Diyos na ipagkaloob, ngunit kinakailangan nating hilingin upang matanggap.”
Bible Dictionary, “Prayer.”
Nang tapusin ng Tagapagligtas ang unang araw ng Kanyang ministeryo sa mga Nephita, minasdan Niya ang mga mukha ng mga tao at nakita na “sila ay luhaan, at nakatitig sa kanya na waring kanilang hinihiling sa kanya na magtagal pa nang kaunti sa kanila.” Siya ay napuspos ng pagkahabag at sinabing, “Mayroon bang may karamdaman sa inyo? … Dalhin sila rito at akin silang pagagalingin.”
Nagsilapit nga ang maraming tao kasama ang kanilang maysakit, at isa-isa silang pinagaling ni Jesus. At silang lahat—2,500 kalalakihan, kababaihan, at mga bata—ay lumuhod sa paanan ni Jesus at sinamba Siya.
At pagkatapos iniutos ng Tagapagligtas na dalhin sa Kanya ang maliliit na bata at inutusan ang mga tao na lumuhod. Lumuhod Siya sa gitna ng mga bata at nagsimulang manalangin. Ang mga tao ay napuspos ng kagalakan matapos marinig ang Kanyang panalangin, at ganito ang kanilang patotoo: “Kailanman ay hindi pa nakita ng mata, ni narinig ng tainga, ang gayong kadakila at kagila-gilalas na bagay na aming nakita at narinig na winika ni Jesus sa Ama.” (Tingnan sa 3 Nephi 17:1–17 .)
“Ang pagsisisi ay nangangahulugan na ang isang tao ay tumatalikod sa kasalanan at itinutuon ang kanyang puso at kalooban sa Diyos.”
Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Magsisi, Pagsisisi,” scriptures.lds.org.
“Ang ngayon ay palaging mas magandang araw para magsisi kaysa anumang bukas. …
Kahit na mapatawad tayo pagkaraan ng ilang taon, hindi maaaring maibalik ng Panginoon ang sana’y mabubuting epekto ng pagsisisi ngayon sa ating mahal sa buhay at pagsisilbihan. Lalong matindi iyan sa mga magulang ng mga kabataan. May mga pagkakataong maaaring hubugin at iangat ang espiritu ng ating mga anak sa murang edad na iyan na maaaring hindi na kailanman dumating. Subalit maging ang mga lolo na maaaring nawalan ng pagkakataon sa kanyang mga anak, sa pagpili na magsisi ngayon, ay magagawa sa kanyang mga apo ang mga bagay na ginawa niya sana sa kanilang mga magulang.”
Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Huwag Ipagpaliban,” Liahona, Ene. 2000, 40.
“Ang magpatawad ay nangangahulgan ng isa sa dalawang bagay: (1) Kapag pinatatawad ng Diyos ang mga tao, kinakansela niya o isinasaisantabi ang kaukulang parusa para sa kasalanan. … (2) Habang pinatatawad ng mga tao ang isa’t isa, pinakikitunguhan nila ang isa’t isa nang may pag-ibig na katulad ng kay Cristo.”
Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Magpatawad,” scriptures.lds.org.
Isang Fariseo na nagngangalang Simon ang nag-imbita sa Tagapagligtas na maghapunan. Samantalang sila’y nagsisikain, isang babae na kilala sa lungsod bilang makasalanan ang lumapit kay Jesus at tumayo sa malapit na nananangis. Lumuhod siya sa paanan ng Tagapagligtas at hinugasan ang mga ito ng kanyang mga luha, pinunasan gamit ang kanyang buhok at pinahiran ng unguento. Minasdan ni Simon ang babae at inisip na, “Ang taong ito, kung siya’y isang propeta ay nakikilala niya kung sino at kung ano ang babaing ito na sa kaniya’y humihipo.”
Bumaling ang Tagapagligtas kay Simon at nagturo sa kanya ng isang talinghaga:
“Isang may pautang ay may dalawang may utang sa kaniya: at ang isa’y may utang na limang daang denario, at ang isa’y limangpu.
“Nang sila’y walang maibayad, ay kapuwa pinatawad sila.”
Pagkatapos ay tinanong ni Jesus si Simon, “Alin sa [may mga utang] ang lalong iibig sa [nagpautang]?” Sumagot si Simon na marahil ay yaong pinatawad na may malaking utang. At lumingon si Jesus sa babae at sinabi kay Simon, “Nakikita mo baga ang babaing ito? … Ipinatatawad ang kaniyang maraming kasalanan; sapagka’t siya ay umibig ng malaki: datapuwa’t sa pinatatawad ng kaunti, ay kakaunti ang pagibig.” Pagkatapos nangako Siya sa babae, “Ipinatatawad ang iyong mga kasalanan. … Iniligtas ka ng iyong pananampalataya; yumaon kang payapa.” (Tingnan sa Lucas 7:36–50 .)
“Alalahanin, karaniwan ang pangyayaring ito sa mga naroon sa langit: Sila ay pinatawad. At sila ay nagpapatawad.”
Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Ang Mahabagin ay Kahahabagan,” Liahona, Mayo 2012, 77.
“Isinasaalang-alang na karapat-dapat sa mataas na pagpapahalaga.”
Merriam-Webster’s Collegiate Dictionary, 11th ed. (2003), “respect.”
“Ngunit kung marami na tayong naging karanasan at nakita natin na maraming bagay sa mundo ang panandalian at mababaw lamang, ang ating pasasalamat ay nadaragdagan sa pagkakataon na maging bahagi ng isang bagay na maaasahan natin—tahanan at mag-anak at ang katapatan ng mga mahal sa buhay. Nauunawaan natin ang kahulugan ng [mabuklod] sa pamamagitan ng tungkulin, paggalang, at [pagiging kabilang]. Natututuhan natin na walang lubos na makakapalit sa pinagpapalang relasyon ng isang mag-anak. …
“Mga kalalakihan, tratuhin natin ang ating asawa nang may dangal at paggalang. Sila ang ating makakasama sa walang-hanggan. Mga kababaihan, igalang ang inyong asawa. Kailangan nilang makarinig ng papuri. Kailangan nila ng magandang ngiti. Kailangan nilang madama ang init ng tunay na pagmamahal.”
Pangulong Thomas S. Monson, “Pagmamahalan sa Tahanan—Payo mula sa Ating Propeta,” Liahona, Ago. 2011, 4.
“Malalim na pagmamalasakit at pagmamahal. … Ang pinakadakilang halimbawa ng pag-ibig ng Diyos sa kanyang mga anak ay matatagpuan sa walang katapusang pagbabayad-sala ni Jesucristo.”
Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagmamahal,” scriptures.lds.org.
Sa gabi bago Siya ipako sa Krus at sa mga oras bago magdusa sa Getsemani, nakibahagi si Jesucristo sa huling Paskua kasama ang Kanyang mga Apostol. Nang matapos ang hapunan, alam ni Jesus “na dumating na ang kaniyang oras ng paglipat niya mula sa sanglibutang ito hanggang sa Ama, sa pagkaibig sa mga kaniya na nangasa sanglibutan.” Tumayo ang Tagapagligtas mula sa pagkain ng hapunan at ibinigkis ang tuwalya. Pinuno Niya ng tubig ang palanggana at hinugasan ang mga paa ng Kanyang mga disipulo. Nang matapos na Siya, binigyan Niya sila ng bagong kautusan:
“Kayo’y mangagibigan sa isa’t isa: na kung paanong iniibig ko kayo. …
“Sa ganito’y mangakikilala ng lahat na kayo ay aking mga alagad.” (Tingnan sa Juan 13:1–5, 34–35 .)
“Mga magulang, kailan kayo huling nagpahayag ng taos na pagmamahal sa inyong mga anak? Mga bata, kailan ninyo huling sinabi sa mga magulang ninyo na mahal ninyo sila?
“Alam na nating lahat na dapat nating sabihin sa mga taong mahal natin na mahal natin sila. Ngunit ang alam natin ay hindi laging nakikita sa ating ginagawa. Maaaring hindi tayo nakatitiyak, asiwa tayo, o siguro medyo nahihiya tayo.
“Bilang mga disipulo ng Tagapagligtas, hindi lamang natin sinisikap dagdagan ang alam natin; bagkus, kailangan ay palagian nating mas gawin ang alam nating tama at magpakabuti pa.
“Dapat nating tandaan na ang pagsasabi ng ‘Mahal kita’ ay simula lamang. Kailangan nating sabihin ito, gawing taos ito, at higit sa lahat ay laging ipakita ito.”
Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Mas Masigasig at Mapagmalasakit sa Tahanan,” Liahona, Nob. 2009, 17–18.
“Literal na nangangahulugang ‘pakikiramay.’ Nangangahulugan din ito ng pagpapakita ng pakikidalamhati, pakikipighati, at awa sa ibang tao.”
Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagkahabag,” scriptures.lds.org.
Ang mga banal na kasulatan ay naglalaman ng maraming kuwento na nagpakita ng pagkahabag ng Tagapagligtas sa mga tao. Dahil sa pagkahabag, binigyan Niya ng paningin ang dalawang bulag na lalaki (tingnan sa Mateo 20:30–34 ), pinagaling Niya ang taong may ketong (tingnan Marcos 1:40–41 ), at pinagaling Niya ang lahat ng maysakit sa mga Nephita (tingnan 3 Nephi 17:6–9 ).
Sa isang nakaaantig na kuwento, nagpunta si Jesus sa lungsod ng Nain, kung saan nakita Niya ang libing ng isang binata—“ang bugtong na anak ng kaniyang ina, at siya’y bao.” Nang makita ng Tagapagligtas kung gaano karaming tao mula sa lungsod ang kasama ng babae at kung gaano siya nanangis, “siya’y kinahabagan” Niya. Hinipo Niya ang kabaong kung saan nakahimlay ang binata at sinabing, “Binata, sinasabi ko sa iyo, Magbangon ka.” Kaagad naupo ang binata at nagsimulang magsalita, at ibinigay siya ng Tagapagligtas sa kanyang nagdadalamhating ina. (Tingnan sa Lucas 7:11–15 .)
“Pagsusumigasig ng katawan o isipan para sa isang layunin.”
Merriam-Webster’s Collegiate Dictionary, 11th ed. (2003), “work.”
“Ang pagtuturo sa mga bata ng tungkol sa kagalakan ng matapat na pagtatrabaho ay isa sa mga pinakamagandang regalo na maibibigay ninyo sa kanila. Naniniwala ako na isa sa mga dahilan ngayon ng paghihiwalay ng maraming mag-asawa ay ang kabiguan ng mga magulang na turuan at sanayin ang mga anak na lalaki sa kanilang mga responsibilidad na maglaan at pangalagaan ang kanilang pamilya at makaya ang hamon na dulot ng responsibilidad na ito. Marami rin sa atin ang hindi naituro sa ating mga anak na babae ang pagpapaganda at pag-aayos ng kanilang tahanan sa pamamagitan ng homemaking. …
“Itinuro sa akin ng [aking ama] ang kagalakan at kahalagahan ng matapat na pagtatrabaho at inihanda ako sa panahong iyon sa buhay ko kung saan ako ang magtataguyod sa aking pamilya. Ang mga alituntuning itinuro sa akin ng aking matalinong ama tungkol sa matapat na pagtatrabaho, hindi pagsasayang, pagkakaroon ng disiplina, at paggawa hanggang sa matapos ang isang gawain ay mahalaga sa aking tagumpay.”
Elder L. Tom Perry ng Korum ng Labindalawang Apostol, “The Joy of Honest Labor,” Ensign, Nob. 1986, 62, 64.
Magaganda, mabubuting aktibidad na nagpapanibago ng lakas at espiritu ng lahat ng nakikibahagi.
“Tulad ng pagbibigay ng kapahingahan sa paggawa, ang mabuting libangan ay kaibigan at kasama tuwina ng paggawa. Ang musika, literatura, sining, sayaw, drama, sports—ay pawang nagbibigay ng kaaliwan upang pagyamanin ang buhay at higit pang mailaan ito. Gayundin, hindi na kailangang sabihin pa na marami sa mga libangan ngayon ay malaswa, nakakababa ng pagkatao, marahas, nagpapahina ng isipan, at pag-aaksaya ng oras. Ang nakakatawa, minsan napakahirap humanap ng mabuting libangan. Kapag ang libangan ay ginawang bisyo, ito ang sisira sa buhay na inilaan.”
Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Larawan ng isang Buhay na Inilaan,” Liahona, Nob. 2010, 17.