2013
Nasaksihan ng Simbahan ang Makasaysayang mga Pagbabago sa Panahon ng Paglilingkod ni Pangulong Monson
Hunyo 2013


Nasaksihan ng Simbahan ang Makasaysayang mga Pagbabago sa Panahon ng Paglilingkod ni Pangulong Monson

Sa nakalipas na limang taon ng pamumuno ni Pangulong Thomas S. Monson, nasaksihan ng Simbahan ang makasaysayang mga pagbabago na nakaapekto sa mga miyembro sa iba’t ibang dako ng mundo. Ang napakalaking impluwensya ng ika-16 na Pangulo ng Simbahan ay makikita sa napakaraming iba’t ibang mahahalagang pabatid at pagpapatupad ng mga bagong patakaran, mula sa gawaing misyonero at pagsasanay sa pamumuno ng priesthood hanggang sa pagtatayo ng maraming templo.

Marami sa mga patakaran at mga pabatid na inihayag sa panahon ng administrasyon ni Pangulong Monson ay may epekto sa buong daigdig—gayunman, ang mga ito ay nilayon upang pagsilbihan at pangalagaan ang mga tao. Ang kanyang habambuhay na interes sa kapakanan ng bawat tao ay kitang-kita sa bawat makasaysayang sandali ng kanyang ministeryo bilang Pangulo ng Simbahan.

Narito ang ilang tampok na kaganapan mula sa unang kalahating dekada ng pamumuno ni Thomas S. Monson:

  • Sa pagbabagong ginawa para maragdagan ang oportunidad ng mga kabataang miyembro ng Simbahan na makapagmisyon, ibinalita ni Pangulong Monson noong Oktubre 6, 2012, na maaari nang magsimulang maglingkod ang mga lalaki sa edad na 18 at ang kababaihan sa edad na 19. Ibinalita niya ito sa pagbubukas ng sesyon ng Ika-182 Ikalawang Taunang Pangkalahatang Kumperensya ng Simbahan at lumikha ng malaking pananabik sa gawaing misyonero. Mula nang ibalita ito, ang Missionary Department ng Simbahan ay tumatanggap ng napakaraming bilang ng mga application mula sa mga kabataang lalaki at babae na sabik maglingkod.

  • Sa isang liham na nilagdaan din ng kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan—Pangulong Henry B. Eyring at Pangulong Dieter F. Uchtdorf—ibinalita ni Pangulong Monson ang implementasyon ng isang bagong kurikulum para sa mga kabataan sa 2013 na nilayon “upang patatagin at palakasin ang pananampalataya, pagbabalik-loob, at patotoo” sa mga kabataan ng Simbahan. Tinutulutan ng bagong kurikulum ang interactive teaching o pagtuturo kung saan lalo pang makikibahagi sa talakayan ang mga mag-aaral sa Aaronic Priesthood, Young Women, at sa mga klase ng kabataan sa Sunday School na isinunod sa huwaran ng pagtuturo ng Tagapagligtas noong Kanyang ministeryo dito sa lupa. Gumagamit ang mga lingguhang klase ng maraming online resources ng Simbahan sa makabagong panahong ito, na nagtutulot sa mga kabataan na lalo pang makibahagi sa talakayan.

  • Sa ilalim ng pamamahala ni Pangulong Monson at ng Unang Panguluhan, ang Simbahan ay patuloy na nagsasagawa ng mga pandaigdigang pulong sa pagsasanay sa pamumuno para tulungan ang mga lokal na priesthood at lider ng auxiliary at mga pamilya sa kanilang pagsisikap na paglingkuran ang mga miyembro at mapalalim ang pagbabalik-loob. Ang pagsasanay ay nagtutulot sa mga lokal na lider at miyembro na tumanggap ng patnubay mula sa mga miyembro ng Unang Panguluhan, Korum ng Labindalawang Apostol, at iba pang mga General Authority at pangkalahatang mga lider ng auxiliary. Kabilang sa pandaigdigang pagsasanay ang mga tagubilin sa paggamit ng bagong administrative handbook (na ipinakilala noong 2010), training tungkol sa epektibong pangangasiwa sa mga ward council, at pagpapatatag ng pamilya at ng Simbahan sa pamamagitan ng priesthood.

  • Noong 2010 nagsimula ang Unang Panguluhan sa pag-atas sa mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol na magdaos ng dalawang bagong uri ng pandaigdigang pulong—mga priesthood leadership conference at mga area review. Sa bawat priesthood leadership conference, ang mga stake presidency, bishop, at branch president na sakop ng isang itinakdang lugar ng Simbahan ay pinagsasama-sama para sa training. Sa bawat area review nakikita ring mabuti ng mga lider kung ano ang nangyayari sa Simbahan sa isang partikular na lugar at pinag-aaralan ang mga bagay na tulad ng humanitarian service, mga pangangailangan sa welfare, gawaing misyonero, at family history at gawain sa templo.

  • Sa administrasyon ni Pangulong Monson, 31 bagong templo ang ibinalitang itatayo sa iba’t ibang dako ng mundo. Labing-anim na ang inilaan at limang iba pa ang muling inilaan matapos ang malawakang renobasyon. Si Pangulong Monson mismo ang nangulo sa paglalaan ng templo sa Calgary, Alberta, Canada; Cebu City, Philippines; Curitiba, Brazil; Kyiv, Ukraine; Panama City, Panama; Vancouver, British Columbia, Canada; at Draper, Utah; Kansas City, Missouri; Rexburg, Idaho; South Jordan, Utah; The Gila Valley, Arizona; at Twin Falls, Idaho, USA; at ang muling paglalaan ng mga templo sa Mexico City, Mexico; at Atlanta, Georgia; Boise, Idaho; at Laie, Hawaii, USA.

  • Si Pangulong Monson din ang namuno sa panahon na higit na naa-access ng mga tao ang mga online resources ng Simbahan, naghahatid ng mga salita ng mga propeta at mga programa ng Simbahan sa mga 14 na milyong miyembro sa iba’t ibang panig ng mundo. Kabilang sa mga tampok online ang iba’t ibang video na gawa ng Simbahan, kabilang na ang serye ng mga pelikula na nagpapakita sa mahahalagang sandali mula sa Bagong Tipan.

  • Sa ilalim ng pamamahala ng Unang Panguluhan, ginawa ng Simbahan ang bagong aklat na pinamagatang Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian: Ang Kasaysayan at Gawain ng Relief Society. Ang aklat ay para sa personal at pampamilyang sanggunian upang mapalakas ang kababaihan sa kanilang mga responsibilidad.

  • Sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Monson, ang Simbahan ay tumugon sa mga kalamidad sa iba’t ibang panig ng mundo, pinupuntahan at tinutulungan ang mga nangangailangan. Kabilang sa ilang mga pangunahing tulong-pantao sa nakalipas na limang taon ay ang pagsisikap na tumulong pagkaraan ng lindol sa Haiti, lindol at tsunami sa Japan, at pagbaha sa Thailand. Tumugon din ang Simbahan sa matinding krisis sa pagkain sa eastern Africa, tumulong sa pagbabakuna ng mga bata sa maraming bansa, at naglaan ng malinis na tubig sa maraming liblib na nayon. Bukod pa rito, inilaan ng Simbahan ang bagong 570,391-talampakang-kuwadrado (53,000 metro kuwadrado) na welfare facility sa Salt Lake City, Utah, USA.

Nagsalita si Pangulong Thomas S. Monson sa media sa pagbabalita ng bagong Unang Panguluhan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw noong Lunes, Pebrero 4, 2008.

Larawang kuha ni August Miller, Deseret News