2013
Pagpapatatag ng Pamilya at ng Simbahan sa pamamagitan ng Priesthood
Hunyo 2013


Pagpapatatag ng Pamilya at ng Simbahan sa pamamagitan ng Priesthood

Ang mga magulang, pamilya, at indibiduwal ay pinagpapala kapag pinag-aralan at tinalakay nila ang mga inspiradong mensaheng ito.

Naaalala ba ninyo ang mga pangakong ito? Maaaring narinig na ninyo ito sa mga halaw sa video na ipinalabas sa isang council meeting, isang ikalimang Linggong miting, o sa isang aralin sa Relief Society o priesthood quorum. O maaaring natalakay na ninyo ang mga ito sa isang family home evening. Ang mga pangako ay:

  • Ang mga mag -asawa ay magkakaisa.

  • Ang mga ama at ina ay maglalaan ng mas magandang espirituwal na pamumuno sa kanilang pamilya.

  • Ang mga kabataan ay magiging handang gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan at maglingkod sa Panginoon bilang mga full-time missionary at sa buong buhay nila.

  • Ang mga miyembrong walang asawa ay susuportahan, tatanggap ng mga pagpapala ng priesthood sa kanilang tahanan, at magiging lubos na abala sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos.

  • Ang mga korum at council ay magtutulungan sa paglilingkod sa mga anak ng Ama sa Langit.

  • Tatatag ang Simbahan.

Ang mga pangakong iyon ay ginawa noong Marso nang ipalabas ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ang mga mensahe sa isang DVD na pinamagatang Pagpapatatag ng Pamilya at ng Simbahan sa pamamagitan ng Priesthood. Noong mga oras na iyon, ang mga ward at stake council ay inanyayahang pag-aralan ang mga mensahe at pagkatapos ay pag-usapan kung paano gamitin ang mga ito. Kasabay nito, ang mga pamilya ay inanyayahang panoorin ang mga video segment online sa http://wwlt.lds.org gayundin ang mas maiikling halaw kapag nagkaroon na ng mga ito. Ang mga lider at guro ay hinikayat na bigyan ng pagkakataon ang mga miyembro na mapanood ang mga segment sa mga miting at klase at ibahagi ang kanilang sariling mga impresyon, karanasan, at patotoo ayon sa paramdam ng Espiritu. Ang mga magulang ay inanyayahang gawin din iyon sa bahay kasama ang kanilang pamilya.

“Tuturuan ng Espiritu Santo ang mga miyembro kung paano sila mapapalakas ng kapangyarihan ng priesthood sa kanilang sariling mga tungkulin at responsibilidad,” sabi sa segment na “Paano Gamitin ang Pagsasanay na Ito.”

Aktibong mga Talakayan

Bagama’t tatlong buwan nang inilabas ang mga mensahe, ang pag-aaral at mga talakayan—at ang kaakibat na mga pagpapala—ay patuloy ngayon, at ang pamamaraang ito ay isang bagong paraan ng paglalaan ng pagsasanay sa Simbahan. Di-tulad ng dating pagsasanay, na una sa lahat ay isang minsanang brodkast para sa mga lider ng ward at stake, ang pagsasanay na ito ay nilayong maging tuluy-tuloy. Kaya nga naka-post ang mga video segment online sa wwlt.lds.org. Isang kaugnay na site, ang leadershiplibrary.lds.org, ang naglalaan ng link sa mga video at ng karagdagang mga resource para tulungan ang mga pamilya, indibiduwal, korum, klase, at council na mapalalim ang kanilang pang-unawa at maipamuhay ang natutuhan nila.

Bawat video segment ay nakatuon sa iba’t ibang aspeto ng priesthood. Ang mga miyembro ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol, kasama ang iba pang mga General Authority at pangkalahatang opisyal, ay nagbibigay ng inspiradong tagubilin tungkol sa:

  • Kung paano maaaring makatagpo ng katatagan at kapayapaan ang mga pamilya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng priesthood.

  • Kung paano matutulungan ang bawat pamilya na makatanggap ng mga pagpapala ng priesthood.

  • Kung paano patatatagin ng mga may hawak ng mga susi ng priesthood ang mga tahanan at pamilya.

  • Kung paano maglilingkod sa paraang katulad ng kay Cristo.

  • Kung paano palalakihin ang mga anak sa liwanag at katotohanan.

Marami sa mga alituntunin ng ebanghelyo na tampok sa Pagpapatatag ng Pamilya at ng Simbahan sa pamamagitan ng Priesthood ang itinuturo din sa Handbook 2: Administering the Church, kaya ang pagrerepaso ng impormasyon mula sa hanbuk ay maaaring makatulong sa pag-aaral at talakayan. Ang pagrerepaso ng “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” ay maaari ding makatulong.

Ipinaliwanag ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, na ang mga mensahe sa Pagpapatatag ng Pamilya at ng Simbahan sa pamamagitan ng Priesthood ay “layon[g] … tulungan tayong matuto, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, kung paano nais ng Ama sa Langit na maglingkod tayo, lalo na sa pamilya.” Iyan ang pinakamabisang bahagi ng pagsasanay—ang sinasabi sa isang video segment ay hindi kasinghalaga ng itinuturo sa atin ng Espiritu Santo kapag pinagnilayan at pinag-usapan natin ang mga alituntuning itinuro.

Saan Magbabahagi

Lahat ng lider, miyembro, at pamilya ay dapat bigyan ng pagkakataong marinig at talakayin ang mga mensahe sa Pagpapatatag ng Pamilya at ng Simbahan sa pamamagitan ng Priesthood, sa DVD man o online.

Ang mga mensahe ay nagpapala sa mga pamilya kapag ginagamit nila ito sa mga home evening at iba pang mga sitwasyon sa pamilya. Tutal, ang mga mag-asawa naman ay pantay na magkatuwang sa pamumuno sa kanilang mga anak. “Maaaring may mga pagkakataon na kailangan ng isang ama o ina na magturo ng alituntunin, at maaari nilang magamit ang resource na ito habang sinisikap nilang tulungan ang kanilang anak,” paliwanag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol sa segment na pinamagatang “Ito ang Kanyang Gawain.” At idiniin ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol na “mahalaga man ang turo ng isang priesthood adviser o Young Women adviser sa Simbahan—at nawa’y napakaepektibo nito—hindi maaari na maging mas epektibo pa iyan sa halimbawa ng isang ina o ama.”

Sa mga sitwasyon sa Simbahan, ang mga mensahe ay magagamit sa mga stake presidency at bishopric meeting; mga stake at ward council meeting; mga priesthood executive committee meeting; mga stake auxiliary training meeting; mga presidency meeting, kabilang na ang mga Aaronic Priesthood quorum presidency at Young Women class presidency; pinagsamang mga priesthood at Relief Society meeting sa ikalimang Linggo; mga quorum meeting at auxiliary class tuwing Linggo; mga stake o district conference meeting (hindi sa pangkalahatang sesyon sa araw ng Linggo); at mga ward o branch conference meeting (hindi sa sacrament meeting).

Maaaring isama sa mga talakayan ang pagpapatatag sa mga kabataan at young single adult. Maaaring gumawa ng mga assignment ang mga lider batay sa mga talakayang ito at regular na mag-follow up sa mga assignment sa mga council meeting.

Ang layunin ng pag-aaral at pagtalakay ng mga mensaheng ito ay para tulungan ang mga indibiduwal at pamilya na palakasin ang kanilang pananampalataya, patibayin ang kanilang patotoo, at palalimin ang kanilang pagbabalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo.

“Para sa ating kaligtasan at tagumpay, kailangan lamang nating iakma ang ating layunin at saloobin sa nais ng Diyos at gayundin sa Kanyang kapangyarihan,” sabi ni Pangulong Eyring. Ang mga mensaheng ito ay “gagabay at hihikayat sa atin na gawin ang pag-aakmang iyan at hikayatin ang iba na gayon din ang gawin.”

Ang segment na “Ministering” ay nagbibigay ng mabibisang halimbawa ng mga lider ng priesthood sa pagbisita sa mga indibiduwal at pamilya, na ipinapakita kung paano makatutulong ang gayong mga pagbisita sa pagsagip sa di-gaanong aktibong mga miyembro.

“Habang iniisip natin ang tungkuling tulungan ang mahihina, itaas ang mga kamay na nakababa, at palakasin ang tuhod na mahihina, hindi natin talaga magagawa iyan sa mas mabuting paraan kung hindi natin bibisitahin mismo sa bahay ang isang tao, at ibibigay ang paglilingkod na ito at ang huwarang ginamit ni Jesucristo,” sabi ni Presiding Bishop Gary E. Stevenson sa segment na “Ito ang Kanyang Gawain.” “Palagay ko makikinabang lang tayo nang husto kapag tinalakay at natutuhan natin ito, at pagkatapos ay humayo [tayo] at ginawa ito,” wika niya.

Lakas at Kapayapaan

Sa pagpapatuloy ng pagsasanay na ito sa buong Simbahan, mabibiyayaan ang mga miyembro kapag ipinamuhay nila ang itinuturong mga alituntunin ng ebanghelyo. “Lahat ng anak na lalaki at babae ng Diyos ay mabibiyayaan kung susundin nila ang mga turo at halimbawa sa mga presentasyong ito,” sabi ni Elder Ballard.

Sa pamamagitan ng priesthood, ang mga mag-asawa, ama at ina, kabataan, miyembrong walang asawa, korum, at council ay naglilingkod sa iba at nagkakaroon ng inspirasyon kapag sinunod nila ang halimbawa ni Jesucristo. Habang patuloy nilang ginagawa ito, ang mga pangako sa Pagpapatatag ng Pamilya at ng Simbahan sa pamamagitan ng Priesthood ay matutupad. Makikita ng mga miyembro ang katuparan ng pangako ni Pangulong Eyring sa huling video segment: na maging sa mga panahon ng pagsubok, “ang ating mga pamilya ay magiging matatag at payapa.”

PAGLALARAWAN NINA Cody Bell AT Craig Dimond

paglalarawan ni Welden C. Andersen

Ang mga mensaheng itinuturo sa Pagpapatatag ng Pamilya at ng Simbahan sa pamamagitan ng Priesthood ay maaaring ibahagi sa iba’t ibang sitwasyon, tulad ng mga stake at ward council.