2013
Sambahin ang Tunay at Buhay na Diyos
Hunyo 2013


Mga Klasikong Ebanghelyo

Sambahin ang Tunay at Buhay na Diyos

Hango sa “The False Gods We Worship,” Tambuli, Ago. 1977, 1–4.

Pangulong Spencer W. Kimball

Ano ang dapat nating ikatakot gayong kasama natin ang Panginoon?

Nalaman natin mula sa mga banal na kasulatan na dahil tila mas mahirap umasa sa pananampalataya kaysa sa mga bagay na abot-kamay na natin, ibinabaling ng materyosong tao ang kanyang pagtitiwala sa mga materyal na bagay sa halip na sa Diyos. Samakatwid, sa lahat ng panahon na nahulog sa kapangyarihan ni Satanas ang mga tao at nawalan ng pananampalataya, pinalitan nila ito ng pag-asa sa “bisig ng laman” at sa “mga dios na pilak, at ginto, tanso, bakal, kahoy, at bato, na hindi nangakakakita, o, nangakakarinig man, o nakakaalam man” (Daniel 5:23)—na walang iba kundi mga diyus-diyusan. Naniniwala ako na ito ang pangunahing tema sa Lumang Tipan. Anumang bagay na pinagbubuhusan ng tao ng kanyang damdamin at tiwala ay kanyang diyos, at kung ang kanyang dios ay hindi ang tunay at buhay na Diyos ng Israel, ang taong iyan ay sumasamba sa diyus-diyusan.

Ito ang aking matibay na paniniwala na kapag binasa natin ang mga banal na kasulatan at sinisikap nating “ihalintulad yaon sa [ating] sarili” (1 Nephi 19:24), tulad ng iminungkahi ni Nephi, makikita natin ang maraming pagkakatulad ng mga sinaunang pagsamba ng larawang inanyuan at ng nakagawiang pag-uugali sa sarili nating karanasan.

Pinagpapala tayo ng Panginoon. … Ang mga tulong na ibinibigay sa atin ay mabuti at mahalaga sa ating gawain sa mundo. Ngunit nangangamba ako na marami sa atin … ay sinasamba na ang mga ito bilang huwad na diyus-diyusan, at naiimpluwensyahan na tayo. Napakarami ba ng mabubuting bagay na ito sa ating buhay kaya’t hindi ito makayanan ng ating pananampalataya? Maraming taong nag-uukol ng maraming oras sa pagpapaganda ng reputasyon gamit ang sapat na pera, stocks, bonds, investment, ari-arian, credit card, muwebles, kotse, at iba pang katulad nito para matiyak ang temporal na seguridad. …

Ang Ating Tungkulin

Nalimutan natin ang katotohanang tungkulin nating gamitin ang maraming biyayang ito sa ating mga pamilya at korum upang itayo ang kaharian ng Diyos—upang isulong ang gawaing misyonero at gawain sa genealogy at sa templo; upang magpalaki ng mga anak na kapaki-pakinabang sa Panginoon; upang mapagpala ang iba sa anupamang bagay, upang sila man ay maging kapaki-pakinabang din. Sa halip, ginagamit natin ang mga biyayang ito ayon sa sarili nating hangarin, at tulad ng sabi ni Moroni, “Pinalalamutian ang inyong sarili ng yaong walang buhay, gayon man ay pinahihintulutan ang nagugutom at ang nangangailangan, at ang hubad, at ang maykaramdaman at ang naghihirap na dumaraan sa harapan ninyo nang hindi sila pinapansin?” (Mormon 8:39).

Tulad ng sabi mismo ng Panginoon sa ating panahon, “Hindi nila hinanap ang Panginoon upang itatag ang kanyang kabutihan, kundi ang bawat tao ay lumalakad sa sarili niyang paraan, at alinsunod sa larawan ng sarili niyang diyos, na kung kaninong larawan ay kahalintulad ng daigdig, at kung kaninong kaanyuan ay yaong sa diyus-diyusan, na naluluma at masasawi sa Babilonia, maging ang Babilonia na makapangyarihan ay babagsak” (D at T 1:16; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Hindi Mabuting Kapalit

May kakilala ako na tinawag na maglingkod sa isang tungkulin sa Simbahan, ngunit inisip niya na hindi niya ito puwedeng tanggapin dahil kailangan niyang pag-ukulan ng mas maraming oras ang kanyang negosyo … kaysa ang gawain ng Panginoon. Hindi na siya naglingkod sa Panginoon para Magpakayaman, at milyonaryo na siya ngayon.

Ngunit nalaman ko kamakailan ang isang nakapupukaw na katotohanan: Kung nagmamay-ari ang isang tao ng isang milyong dolyar na halaga ng ginto … , pag-aari niya ang isang 27-billionth na bahagi ng lahat ng ginto na matatagpuan sa manipis na layer pa lang ng mundo. Napakaliit ng halagang ito kung kaya’t hindi ito kayang paniwalaan o isipin ng tao. Ngunit may higit pa rito: Ang Panginoon na lumikha at may kapangyarihan sa buong mundo ay lumalang ng marami pang mundo, maging ng “mga daigdig na di mabilang” (Moises 1:33); at nang tumanggap ang lalaking ito ng sumpa at tipan ng priesthood (tingnan sa D at T 84:33–44), tumanggap siya ng pangako mula sa Panginoon na makakamtan ang “lahat ng mayroon ang aking Ama” (D at T 84:38). Ang isantabi ang lahat ng dakilang pangakong ito, kapalit ng isang baul na puno ng ginto at temporal na seguridad ay napakalaking pagkakamali. Ang isiping nakuntento na siya sa napakaliit at kakatiting na biyaya ay talagang nakalulungkot; mas malaki ang kahalagahan ng mga kaluluwa ng tao kaysa rito.

Isang binatang tinawag na magmisyon ang sumagot na wala siyang gaanong alam sa ganitong klaseng bagay. Pero magaling siya sa pagpapanatiling nasa mabuting kundisyon ang kanyang bagong kotse. … Buong buhay niya, kuntento na ang kanyang ama sa pagsasabing, “Gustung-gusto ng anak ko na gumawa ng kung anu-anong bagay. Sapat na iyan sa kanya.”

Sapat na ba iyan para sa isang anak ng Diyos? Hindi natatanto ng binatang ito na ang lakas ng makina ng kanyang sasakyan ay napakaliit kung ikukumpara sa lakas ng dagat at ng araw; at napakaraming mga araw na nilikha, lahat ay lubusang sakop ng batas at ng priesthood,—ang kapangyarihan ng priesthood na sana ay unti-unting lumalakas kung nasa paglilingkod siya ng Panginoon. Nakuntento na siya sa isang walang katuturang diyos, na gawa sa bakal at goma at makintab na kromo.

Isang matandang mag-asawa ang nagretiro na sa trabaho, at masasabi na ring pati sa Simbahan. Bumili sila ng pickup truck at camper at … nilibot ang mundo. … Wala silang panahon sa templo at masyadong abala para magsaliksik ng genealogy at tumulong sa gawaing-misyonero. Hindi na siya nakipag-ugnayan sa kanyang high priests quorum at halos laging wala sa bahay para magsulat sa kanyang journal at itala ang kanyang sariling kasaysayan. Kailangang-kailangan ang kanilang kaalaman at kakayahang mamuno sa kanilang branch, ngunit … hindi sila maapuhap. …

Kung patuloy tayong mag-uukol ng lahat ng ating panahon para maipagtayo ang ating sarili ng kaharian sa mundo, iyan mismo ang makakamit natin.

Talikuran ang mga Bagay ng Mundo

Sa kabila ng ikinatutuwa nating sabihing makabago tayo at maalam sa mga bagay na hindi kailanman tinaglay ng mga tao noon—sa kabila ng mga bagay na ito, tayo, sa kabuuan, ay mga taong sumasamba sa diyus-diyusan—na kasuklam-suklam sa Panginoon.

Madaling … mawala ang pokus natin sa dapat gawing paghahanda para sa pagparito ng Panginoon. … Nalilimutan natin na kung tayo ay matwid, hindi tutulutan ng Panginoon na kalabanin tayo ng ating mga kaaway … o Siya ang makikipaglaban sa ating mga digmaan (tingnan sa Exodo 14:14; D at T 98:37, dalawa lang ito sa napakaraming sanggunian). …

Ano ang dapat nating ikatakot gayong kasama natin ang Panginoon? Hindi ba natin pagtitiwalaan ang salita ng Panginoon at gagamit ng kahit bahagyang pananampalataya sa Kanya? Malinaw ang ating tungkulin: talikuran ang mga bagay ng mundo bilang dahilan kung bakit tayo narito; huwag sumamba sa diyus-diyusan at sumulong nang may pananampalataya; ihatid ang ebanghelyo sa ating mga kaaway, upang hindi na natin sila maging kaaway.

Higit na Manampalataya

Dapat nating talikuran ang pagsamba sa makabagong mga diyus-diyusan at pag-asa sa “bisig ng laman,” sapagka’t sinabi ng Panginoon sa lahat ng tao sa ating panahon, “Hindi ko paliligtasin ang sinumang mamamalagi sa Babilonia” (D at T 64:24). … Naniniwala tayo na ang paraan na makapaghahanda ang bawat tao at bawat pamilya ayon sa itinagubilin ng Panginoon ay dagdagan pa ang kanilang pananampalataya, magsisi, at makibahagi sa gawain ng Kanyang kaharian sa mundo, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Maaaring medyo mahirap ito sa una, ngunit kapag naunawaan na ng isang tao ang totoong gawain, kapag nagkakaroon na siya ng mas magandang pananaw sa kawalang-hanggan, mahihigitan ng mga pagpapala ang sakripisyong ginawa niya sa pagtalikod sa “sanlibutan.”

Dito matatagpuan ang tanging tunay na kaligayahan, at samakatwid inaanyayahan at malugod nating tinatanggap ang lahat na makiisa sa gawaing ito. Sa mga taong determinadong paglingkuran ang Panginoon anupaman ang maging kapalit, ito ang daan sa buhay na walang hanggan. Ang lahat ng iba pa ay karagdagan na lang na magagamit para makamit ang layuning iyon.

Mga paglalarawan ni J. Beth Jepson