Ang Simbahan sa Iba’t Ibang Dako
Nagpulong ang mga Lider ng Simbahan sa Texas
Si Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nakipagkita kamakailan kay Rev. Harvey Clemons Jr., pastor ng Pleasant Hill Baptist Church, at iba pang mga lider ng simbahan at komunidad sa Texas, USA, para talakayin ang pagpapatatag ng mga pamilya at komunidad sa gitna ng kahirapan sa ekonomiya at kalagayan ng lipunan.
Naganap ang miting matapos suportahan ng mga missionary sa Houston Texas North Mission ang napakalaking service project na ibinunga ng pagsasaayos ni Rev. Clemons sa lugar. Kabilang sa proyekto ang pagtatayo ng isang parke at renobasyon ng napakaraming lumang gusali.
Pinag-usapan nina Elder Ballard at Rev. Clemons ang pareho nilang hangarin na magkaroon ng kaugnayan ang Simbahan at ang Pleasant Hill upang mapabuti ang mga komunidad sa pamamagitan ng pagpapatatag sa mga pamilya. Napag-alaman ng dalawang lider na maraming magkatulad sa kanila—lalo ang hangarin nilang sundin ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagmamahal at paglilingkod sa nangangailangan.
Paaralan ng Simbahan sa Mexico Magiging Bagong MTC
Noong Enero 29, ibinalita na ang paaralan na pag-aari ng Simbahan, ang Benemérito de las Américas sa Mexico City, Mexico, ay gagawing missionary training center.
Sina Elder Russell M. Nelson at Elder Jeffrey R. Holland, kapwa ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang namuno at nagsalita sa mga miting noong Enero 29 sa Benemérito campus kung saan ibinalita ang plano para sa gagawing MTC. Ang paaralan na gagawing MTC ay inaasahang mangyayari pagkatapos ng school year sa Benemérito sa Hunyo 2013. Sa mahigit apat na dekada, ang pasilidad ng Benemérito de las Américas ay ginamit bilang isang boarding school—kaya ang mga dormitoryo at iba pang kailangang imprastraktura para sa MTC ay naroon na.
Ang bagong MTC ay magbibigay ng training sa mga elder, sister, at mga mag-asawa na maglilingkod hindi lamang sa Mexico, kundi sa iba pang mga bansa sa North, Central at South America. Maging ang mga missionary mula sa Estados Unidos na tinawag na maglingkod sa lugar na wikang Espanyol ang gamit sa kanilang sariling bansa ay maaaring bigyan ng training sa Mexico City. Ang MTC sa Provo, Utah, ay patuloy pa ring magbibigay ng training sa wikang Espanyol para sa maraming missionary.
Umani ng Tagumpay ang Tabernacle Choir sa Kanilang Recording at sa Internet
Ang pinakahuling isyu ng year-in-review ng Billboard na magasin, ang publikasyon ng recording industry, ay nagtatampok sa year-end charts para sa 2012. Sa isa sa mga tsart na iyon, ang koro, kasama ang Orchestra at Temple Square, ay kinilala bilang Numero 1 sa Traditional Classical Albums Artist.
Sa kabuuan, ang koro at orkestra ay nakasama sa lima sa mga year-end list at dalawang beses sa albums list. Nakamit nito ang ika-3 at ika-9 na puwesto sa Traditional Classical Albums (para sa mga album na Glory! Music of Rejoicing at This Is the Christ); ika-4 sa Traditional Classical Albums Imprint; ika-5 sa Traditional Classical Albums Label; at ika-12 sa Classical Crossover Albums (para sa album na Glad Christmas Tidings na itinatampok si David Archuleta).
Bukod pa sa tagumpay nito sa recording industry, noong Enero 17 umabot sa mahigit sa isang milyon ang mga nanonood sa pagtatanghal ng koro sa YouTube channel na inilunsad wala pang tatlong buwan ang nakararaan, noong Oktubre 30, 2012. Ang channel ay tinatayang pinanood nang 3.23 milyong minuto ng mga manonood sa katapusan ng 2012. Para ma-access ang channel, magpunta sa www.YouTube.com/user/MormonTabChoir.