Ang mga Nawawalay Kanyang Hinahanap Din
Si Pangulong James E. Faust ay sinang-ayunan bilang Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan noong Marso 12, 1995, at naglingkod sa tungkuling iyon hanggang sa kanyang pagpanaw noong Agosto 10, 2007. Ang mensaheng ito, na ibinigay sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2003, ay isinama sa isyung ito bilang isa sa mga artikulo sa pagpapatatag ng pamilya.
Sa nagdurusang mga magulang na naging mabuti, masikap, at madasalin sa pagtuturo sa kanilang suwail na mga anak, sinasabi namin sa inyo, binabantayan sila ng Mabuting Pastol.
Minamahal kong mga kapatid at kaibigan, ang mensahe ko sa umagang ito’y para sa pag-asa at kaginhawahan ng nagdurusang mga magulang na ginawa ang lahat ng makakaya nang may pagmamahal at katapatan para mapalaki ang kanilang mga anak sa kabutihan, ngunit nawalan ng pag-asa dahil ang anak nila’y naghimagsik o naligaw at sumunod sa landas ng kasamaan at kapahamakan. Sa pag-iisip ko sa inyong matinding kalungkutan, naaalala ko ang mga salita ni Jeremias: “Isang tinig ang narinig sa Rama, … iniiyakan ni Raquel ang kanyang mga anak, siya’y tumatangging maaliw.” Dito ibinigay ng Panginoon ang katiyakang: “Iyong pigilin ang iyong tinig sa pagiyak, … sapagka’t gagantihan ang iyong mga gawa …; at sila’y magsisibalik na mula sa lupain ng kaaway.”1
Sisimulan ko sa pagpapatotoo na ang salita ng Panginoon sa mga magulang sa Simbahang ito sa ika-68 bahagi ng Doktrina at mga Tipan ay naglalaman ng pambihirang tagubilin: “At muli, yayamang ang mga magulang ay may mga anak sa Sion, o sa alinman sa kanyang mga istaka na naitatag, na hindi nagtuturo sa kanila na maunawaan ang doktrina ng pagsisisi, pananampalataya kay Cristo ang Anak ng buhay na Diyos at ng pagbibinyag at ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, pagsapit ng walong taong gulang, ang kasalanan ay nasa ulo ng mga magulang.”2 Inutusan ang mga magulang na “turuan ang kanilang mga anak na manalangin, at magsilakad nang matuwid sa harapan ng Panginoon.”3 Bilang ama, lolo at lolo-sa-tuhod, tinatanggap ko ito bilang salita ng Panginoon, at bilang tagapaglingkod ni Jesucristo, hinihikayat ko ang mga magulang na sundin ang payong ito sa abot ng kanilang makakaya.
Sino ang mabubuting magulang? Sila ay mga mapagmahal, mapanalangin at masigasig na nagsisikap turuan ang kanilang mga anak sa pamamagitan ng halimbawa at pangangaral “na manalangin, at magsilakad nang matuwid sa harapan ng Panginoon.”4 Totoo ito kahit na ang ilan sa mga anak nila’y nagiging suwail o makamundo. Isinisilang ang mga sanggol sa mundong ito na may sariling espiritu at pag-uugali. May ilang anak “na malaking hamon sa sinumang magulang sa anumang kalagayan. … Marahil mayroon ding magbibigay pagpapala sa buhay, at magiging kagalakan, sa sinumang ama o ina.”5 Ang matatagumpay na magulang ay ang mga nagsasakripisyo at sisinikap gawin ang lahat anuman ang kalagayan ng kanilang pamilya.
Ang tindi ng pagmamahal ng mga magulang sa kanilang mga anak ay hindi masusukat. Walang katulad ang relasyon ng magulang at ng anak. Ito’y higit pa sa pagpapahalaga sa sariling buhay. Ang pagmamahal ng magulang sa kanyang anak ay walang maliw at kaya nitong tiisin ang kalungkutan at sama ng loob. Lahat ng magulang ay umaasa at dumadalangin na gagawa ng tamang pasiya ang kanilang mga anak. Ang mga anak na masunurin at responsable ay magbibigay sa kanilang mga magulang ng walang humpay na karangalan at kasiyahan.
Ngunit paano kung ang mga anak na tinuruan ng matatapat at mapagmahal na magulang ay naghimagsik o nangaligaw? May pag-asa pa ba? Ang kalungkutan ng isang magulang sa rebeldeng anak ay halos hindi mapawi. Ang ikatlong anak ni Haring David, si Absalom, ay pinatay ang isa niyang kapatid at pinamunuan ang paghihimagsik laban sa kanyang ama. Si Absalom ay pinatay ni Joab. Nang mabalitaan ang pagkamatay ni Absalom, tumangis si Haring David at ipinahayag ang kanyang kalungkutan: “Oh anak ko Absalom, anak ko, anak kong Absalom! mano nawa ay ako ang namatay sa kahalili mo, Oh Absalom, anak ko, anak ko!”6
Ang pagmamahal na ito ng isang ama ay inilalarawan sa talinghaga ng alibughang anak. Nang umuwi ang rebeldeng anak matapos waldasin ang kanyang mana sa magulong pamumuhay, kinatay ng ama ang isang pinatabang guya at ipinagdiwang ang pagbabalik ng alibugha, at sinabi sa masunurin ngunit nagagalit na anak, “Datapuwa’t karapat-dapat na mangagkatuwa at mangagsaya tayo: sapagka’t patay ang kapatid mong ito, at muling nabuhay; at nawala at nasumpungan.”7
Naniniwala ako at tanggap ko ang nakaaalong pahayag ni Elder Orson F. Whitney [1855–1931]:
“Sinabi ni Propetang Joseph Smith—at ito ang doktrinang itinuro niya na higit na nagbibigay-aliw—na ang walang hanggang pagkakabuklod ng matatapat na magulang at ang banal na mga pangako dahil sa magiting nilang paglilingkod sa Gawain ng Katotohanan, ay magliligtas hindi lamang sa kanila, kundi maging sa kanilang mga inapo. Bagama’t naliligaw ang ilan sa mga tupa, ang mga mata ng Pastol ay nakatuon sa kanila, at sa malao’t madali ay madarama nila ang mga galamay ng Banal na Maykapal na tumutulong at umaakay sa kanila pabalik sa kawan. Maging sa buhay na ito, o sa kabila, sila ay babalik. Kailangan nilang bayaran ang hinihingi ng katarungan; pagdusahan ang kanilang mga kasalanan; at marahil tatahakin nila ang matinik na landas; ngunit kung sa wakas ay ihatid sila nito, gaya ng nagsising Alibugha, pabalik sa mapagmahal at mapagpatawad na puso at tahanan ng ama, ang masakit na karanasan ay hindi nasayang. Ipanalangin ang inyong walang-ingat at suwail na mga anak; pangalagaan sila sa pamamagitan ng inyong pananampalataya. Patuloy na umasa, patuloy na manalig, hanggang sa makita ninyo ang kaligtasan ng Diyos.”8
Ang alituntunin sa pahayag na ito na madalas makaligtaan ay ang dapat silang ganap na magsisi at “pagdusahan ang kanilang mga kasalanan” at “bayaran ang hinihingi ng katarungan.” Batid kong ngayon ang panahon upang “maghanda sa pagharap sa Diyos.”9 Kapag ang pagsisisi ng naligaw na mga anak ay hindi magaganap sa buhay na ito, maaari bang maging sapat ang tibay ng bigkis ng pagbubuklod upang makapagsisi pa rin sila? Sinasabi sa atin sa Doktrina at mga Tipan:
“Ang mga patay na magsisisi ay matutubos, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ordenansa ng bahay ng Diyos,
“At pagkatapos nilang mabayaran ang kaparusahan ng kanilang mga kasalanan, at mahugasang malinis, ay tatanggap ng gantimpala alinsunod sa kanilang mga gawa, sapagkat sila ay mga tagapagmana ng kaligtasan.”10
Magugunita nating winaldas ng alibughang anak ang kanyang mana at nang maubos iyon lahat ay bumalik siya sa bahay ng kanyang ama. Doon muli siyang tinanggap ng kanyang pamilya, ngunit ubos na ang mana niya.11 Hindi maaaring manaig ang habag sa katarungan, at ang kapangyarihan ng pagkakabuklod ng matatapat na magulang ay maaari lamang makasagip sa nangaliligaw na mga anak batay sa kanilang pagsisisi at sa Pagbabayad-Sala ni Cristo. Kakamtin ng nagsising nangaligaw na mga anak ang kaligtasan at lahat ng pagpapalang kaakibat nito, ngunit ang kadakilaan ay higit pa rito. Ito’y kailangang ganap na paghirapan. Ang tanong sa kung sino ang tatanggap ng kadakilaan ay dapat na ipaubaya sa Panginoon ayon sa Kanyang habag.
May ilan na ang nagawang kasamaan ay lubhang napakalaki kung kaya’t dahil “sa bigat ng kanilang kasalanan ay hindi na sila makapagsisisi.”12 Ang paghatol na ito ay dapat ding ipaubaya sa Panginoon. Sinabi Niya sa atin, “Ako, ang Panginoon, ay magpapatawad sa yaong aking patatawarin, subalit kayo ay kinakailangang magpatawad sa lahat ng tao.”13
Marahil sa buhay na ito ay hindi natin ganap na maunawaan kung gaano katibay ang mga bigkis ng pagkakabuklod ng matatapat na mga magulang sa kanilang mga anak. Marahil may iba pang mga puwersang tumutulong dito na hindi natin batid.14 Naniniwala akong may malakas na impluwensya pa rin sa atin ang minamahal nating mga ninuno na nasa kabilang panig ng tabing.
Napansin ni Pangulong Howard W. Hunter [1907–95] na “ang pagsisisi ay ang pangungulila ng kaluluwa, at ang walang patid at maingat na pangangalaga ng magulang ang pinakamainam na halimbawa ng walang maliw na pagpapatawad ng Diyos.” Hindi ba ang pamilya ang pinakamalapit na halimbawa na hinangad na maitatag ng misyon ng Tagapagligtas?15
Marami sa mga bagay ukol sa pagiging magulang ang natutuhan natin sa sarili nating mga magulang. Lalong napapamahal sa akin si Itay kapag siya’y mabait, matiisin, at maunawain. Nang masira ko ang aming kotse magiliw niya akong pinatawad. Ngunit makakaasa kaming mga anak niya sa mabagsik na pagdisiplina kapag hindi kami nagsabi ng buong katotohanan o kaya’y patuloy na lumabag sa mga patakaran, lalo kapag nakitaan kami ng kawalan ng paggalang sa aming ina. Mahigit limampung taon nang pumanaw ang aking ama, ngunit hinahanap ko pa rin ang paglapit sa kanya para makatanggap ng matalino at mapagmahal niyang pagpapayo. Inaamin kong nagdududa ako minsan sa payo niya sa akin, pero hindi ako kailanman nag-alinlangan sa kanyang pagmamahal. Ayaw na ayaw kong pasamain ang loob niya.
Ang mahalagang bagay na magagawa ng mga magulang ay ang magbigay ng magiliw ngunit mahigpit na pagdisiplina. Kapag hindi natin didisiplinahin ang ating mga anak, maaaring lipunan ang magdisiplina sa kanila sa paraang hindi natin gusto o ng ating mga anak. Bahagi ng pagdisiplina sa mga anak ang turuan silang magtrabaho. Sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley [1910–2008]: “Isa sa mga pinakapinahahalagahan natin … ay ang matapat na pagtatrabaho. Ang kaalaman na walang paggawa ay walang silbi. Ang kaalamang may kasamang paggawa ay henyo.”16
Lumalaganap ang mga bitag ni Satanas, at lalong humihirap ang pagpapalaki sa mga anak dahil dito. Kaya kailangang gawin ng mga magulang ang lahat at gamitin ang tulong na maibibigay ng mga aktibidad ng Simbahan. Kapag mali ang kilos ng mga magulang o malihis nang kahit kaunti, maaari itong gamitin ng ilan sa kanilang mga anak para bigyang katwiran ang mga ginagawa nila.
Ngayon may isa pang bagay na dapat banggitin. Nakikiusap ako sa mga anak na nalalayo sa kanilang mga magulang na lumapit sa kanila, kahit na ang inyong mga magulang ay hindi naging kasing-buti gaya ng nararapat mangyari. Ang mga anak na mapamintas sa mga magulang nila ay dapat gunitain ang matalinong payo ni Moroni nang sabihin niyang, “Huwag ninyo akong hatulan dahil sa aking kahinaan, ni ang aking ama, dahil sa kanyang kahinaan, ni sila na naunang sumulat sa kanya; kundi magbigay-pasalamat sa Diyos na kanyang ipinaalam sa inyo ang aming mga kahinaan nang inyong matutuhan na maging higit na matatalino kaysa amin noon.”17
Nang dalawin ni Moroni ang batang Propetang si Joseph Smith noong 1823, binanggit niya ang sumusunod na talata hinggil sa misyon ni Elijah: “At kanyang itatanim sa mga puso ng mga anak ang mga pangakong ginawa sa mga ama, at ang mga puso ng mga anak ay babaling sa kanilang mga ama.”18 Umaasa akong sa huli’y babaling ang puso ng mga anak sa kanilang mga ama at pati na rin sa kanilang mga ina.
Isang pambihirang mag-asawa na nakilala ko noong aking kabataan ang may suwail na anak na lalaki at lumayo sa kanyang pamilya. Ngunit sa paglipas ng panahon, nakipagkasundo ito sa kanila at naging pinakamapagmahal at matulungin sa lahat ng kanilang mga anak. Habang tumatanda tayo, mas malakas nating nadarama ang impluwensya ng ating mga magulang at lolo at lola sa kabilang tabing. Magandang karanasan kapag dinadalaw nila tayo sa ating mga panaginip.
Hindi makatuwiran at hindi mabuti ang hatulan ang masigasig at matatapat na mga magulang dahil ang ilan sa kanilang mga anak ay naghihimagsik o lumilihis mula sa mga turo at pagmamahal ng kanilang mga magulang. Mapapalad ang mga mag-asawa na may mga anak at apo na nagdudulot sa kanila ng ginhawa at kasiyahan. Dapat na maging maunawain tayo sa mga yaong karapat-dapat at matutuwid na mga magulang na naghihirap at nagdurusa dahil sa kanilang suwail na mga anak. Isa sa mga kaibigan ko ang nagsabi, “Kung hindi ka pa nagkakaroon ng problema sa iyong mga anak, maghintay-hintay ka lang.” Walang sinumang makapagsasabi kung ano ang gagawin ng kanilang mga anak sa ilang tiyak na kalagayan. Kapag nakakakita ang matalino kong biyenang babae ng mga batang suwail, sinasabi niyang, “Hindi ko sinasabing hindi gagawa ng ganyan ang mga anak ko dahil baka habang sinasabi ko ito ay ginagawa na nila ang ganoon!” Kapag nagdadalamhati ang mga magulang dahil sa mga suwail at naliligaw na mga anak, mahabag tayo at “ipagbawal ang pagpukol ng unang bato.”19
Isang miyembro ng Simbahan na hindi nagpakilala ang lumiham tungkol sa sakit ng ulong dulot ng kanyang kapatid na lalaki sa kanilang mga magulang. Nalulong ito sa droga. Nagmatigas siya at ayaw papigil at padisiplina. Siya’y mapandaya at palaban. Hindi tulad ng alibughang anak, ang naliligaw ng landas na anak na ito’y hindi kusang umuwi. Sa halip, nahuli siya ng mga pulis at napilitan siyang harapin ang naging bunga ng kanyang mga ginawa. Dalawang taon sinuportahan ng kanyang mga magulang ang pagpapagamot at rehabilitasyon ni Bill hanggang sa makabawi siya sa adiksyon sa droga. Bilang buod, sinabi ng kapatid na babae ni Bill: “Sa tingin ko’y talagang pambihira ang mga magulang ko. Hindi kailanman nagbago ang pagmamahal nila kay Bill, bagamat hindi sila sang-ayon sa mga ginawa nito at namumuhi sa ginawa nito sa sarili at sa kanyang pamilya. Ngunit nangako silang susuportahan si Bill sa anumang paraang kailangan para mahango siya sa kasamaan at bumuti ang kanyang kalagayan. Ipinamumuhay nila ang mas malalim, mas sensitibo, at malawak na ebanghelyo ni Cristo sa pamamagitan ng pagmamahal sa isang taong naligaw ng landas.”20
Huwag tayong magyabang sa halip buong kababaang magpasalamat kung ang ating mga anak ay masunurin at magalang sa ating mga turo at sa mga paraan ng Panginoon. Sa nagdurusang mga magulang na naging mabuti, masikap, at madasalin sa pagtuturo sa kanilang suwail na mga anak, sinasabi namin sa inyo, binabantayan sila ng Mabuting Pastol. Batid at nauunawaan ng Diyos ang matindi ninyong hapis. May pag-asa. Magkaroon ng ginhawa sa mga salita ni Jeremias: “Gagantihan ang iyong mga gawa” at ang inyong mga anak ay “magsisibalik na mula sa lupain ng kaaway.”21 Ito ang patotoo ko’t dalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.