Matiyagang Panalangin
Lumaki ako sa Mexico kasama ang aking mga kapatid, ina, at lola. Araw-araw matapos gumawa ng homework at mga gawaing-bahay, naglalaro ako ng football. Gustung-gusto ko ang football! Magkukunwari ako na ang kanan kong binti ang isang team at ang kaliwang binti ko naman ang kabilang team.
Isang araw habang naglalaro ako ng football, biglang nanikip ang paghinga ko. Nagpahinga ako nang ilang minuto, ngunit hirap pa rin akong huminga. Nagkasakit ako nang malubha kaya kinailangan kong magpunta sa ospital.
Marami pang ibang mga bata sa silid ng ospital, ngunit nangungulila ako sa pamilya ko at labis akong nalungkot. Kahit hindi pa ako miyembro ng Simbahan noon, naniniwala na ako sa Diyos. Araw-araw ipinagdasal ko na gumaling ako, ngunit sa halip ay lumala pa ako nang lumala. Akala ng mga doktor ay hindi na ako mabubuhay.
Sa wakas ay pinauwi na ako ng mga doktor mula sa ospital, pero naratay ako sa kama nang isang taon. Marami akong ininom na gamot at dalawang beses akong iniksyunan araw-araw. At may panalangin pa rin sa aking puso’t isipan. Sinabi ko sa Ama sa Langit na kung gagaling ako, paglilingkuran ko Siya habang ako ay nabubuhay.
Pagkatapos isang araw habang nagbabasa ako sa higaan, hindi sinasadyang nailaglag ko ang aklat ko sa sahig. Nang dumukwang ako para pulutin ito, natanto ko na normal na ang paghinga ko. Muli kong inilaglag ang aklat. Muli ko itong pinulot nang walang anumang problema!
Bumangon ako mula sa kama. Noong una ay nahilo ako dahil matagal na akong hindi nakalakad nang mag-isa. Tumingin ako sa salamin at nakita kong nakangiti ako. Nalaman ko na sinagot na ako ng Ama sa Langit.
Araw-araw mula noon, sinikap kong gumawa ng isang bagay bilang pasasalamat sa Ama sa Langit. Nang lumaki ako, naging doktor ako para makatulong sa pagsagot sa mga dalangin ng ibang mga bata. At ngayon ay sinisikap kong maglingkod sa Ama sa Langit sa aking tungkulin sa Simbahan.
Ang sagot sa mga dalangin ay hindi laging dumarating nang madali, at hindi laging dumarating kaagad. Ngunit alam kong sinasagot ng Ama sa Langit ang ating mga panalangin. Alam niya ang ating mga pangangailangan, at alam Niya ang pinakamainam.