Ang Masamang Pelikula
“Ang babasahin at panonoorin ko ay mga bagay lamang na kalugud-lugod sa Ama sa Langit” (Mga Pamantayan Ko sa Ebanghelyo).
Nang makita ni Evelyn ang pamagat ng pelikula, nagsimula siyang kabahan.
“Mga bata, may sorpresa ako sa inyo,” sabi ni Gng. Taylor habang naglalakad papunta sa harapan ng silid.
Nakangiting tumingala si Evelyn matapos tingnan ang kanyang papel. May nakasulat na malaking “A+” sa itaas niyon.
“Matataas ang marka ninyong lahat sa pagsusulit kaya bukas ay manonood tayo ng isang pelikula bilang gantimpala,” sabi ni Gng. Taylor, habang isinusulat sa pisara ang mga pamagat ng tatlong pelikula. “Narito ang mga opsiyon na maaari nating pagpilian,” sabi niya habang tuwang-tuwa ang lahat.
Napatayo si Evelyn sa kanyang kinauupuan, sa pagsisikap na makita ang mga pamagat. Ang unang dalawang pelikula ay ilan sa mga paborito niya. Humilig siya sa kaibigan niyang si Katy. “Alin diyan ang pipiliin mo?”
“Siguradong ang pangatlo,” sabi ni Katy. “Hindi kami pinayagan ng mga magulang ko na panoorin ito sa bahay, kaya hindi ko pa ito napanood.”
Muling tumingin si Evelyn sa pisara at nakita niya ang pamagat ng ikatlong pelikula. Nagsimula siyang kabahan. Narinig na ni Evelyn ang tungkol sa pelikulang ito, at alam niya na hindi magiging maganda ang pakiramdam niya kapag pinanood niya ito. Paano kung ito ang pinili ng mga kaklase niya?
“Sino ang may gusto ng unang pelikula?” tanong ni Gng. Taylor.
Nagtaas ng kamay si Evelyn at tumingin sa paligid. Kinakabahang napakagat-labi siya. Dalawa lang ang pumili.
Isinulat Gng. Taylor ang bilang ng mga nagtaas ng kamay sa pisara. “Sa ikalawang pelikula?”
Nalungkot si Evelyn. Tatlo lang ang nagtaas ng kamay.
“At sa ikatlong pelikula?”
Labinlima ang mabilis na nagtaas ng kamay. Nanlupaypay si Evelyn sa pagkakaupo, at parang sumama ang kanyang pakiramdam. Paano niya maiiwasang panoorin ang pelikulang iyon kung gustong panoorin iyon ng lahat?
Pag-uwi niya, dumiretso si Evelyn sa kanyang silid at hinayaang bumagsak nang malakas sa sahig ang kanyang backpack. Masama ang pakiramdam niya buong maghapon. “Sana talagang magkasakit ako,” naisip niya. “Sa gayon ay hindi ko na kailangang pumasok sa eskuwela bukas.”
Inilabas ni Evelyn ang test paper niya mula sa kanyang backpack at tinitigan ito, habang hawak ito. “Dapat ay gantimpala ang panonood ng pelikula, hindi parusa!” naisip niya, at pagalit na nilukot ang papel at isiniksik ito sa ilalim ng kanyang kama. Napuno ng luha ang kanyang mga mata. Lumuhod siya sa tabi ng kama niya at nagsimulang umiyak. Pagkatapos ay sinimulan niyang magdasal. Nahirapan siyang sambitin ang ilang salita, na humihiling sa Ama sa Langit na alisin ang kanyang problema, ngunit maya-maya ay nagbago ang kanyang panalangin. “Tulungan po ninyong gumanda ang pakiramdam ko. Ayaw kong manood ng pelikulang magpapasama ng pakiramdam ko, at sana’y maunawaan ako ng mga kaibigan ko at guro.”
Tinapos ni Evelyn ang kanyang panalangin. Naglaho na ang panginginig at masamang pakiramdam. Hindi na rin siya takot.
Pagtindig niya, tumakbo si Evelyn palabas ng kanyang silid para hanapin si Inay. May naisip siya.
Kinabukasan, pumasok sa klase si Evelyn. Sa isang kamay ay hawak niya ang maikling sulat mula kay Inay na nagpapaliwanag kung paanong hindi magiging mabuti ang pakiramdam ni Evelyn sa panonood ng pelikulang iyon. Sa kabilang kamay dala niya ang tatlo sa kanyang paboritong pelikula. Iniabot ni Evelyn ang sulat kay Gng. Taylor at minasdan niya ito habang binabasa ang sulat.
“Salamat at ipinaalam mo sa akin ang nararamdaman mo,” sabi ni Gng. Taylor.
“Sabi po ni Inay OK lang na maupo ako sa ibang klase habang ipinalalabas ang pelikula,” sabi ni Evelyn. “Pero nagdala rin po ako ng ilang iba pang pelikula sakaling gusto ng lahat na isa na lang dito ang panoorin.”
Ngumiti si Gng. Taylor at kinuha ang dala niyang mga pelikula. “Hindi gantimpala ang panonood ng pelikula kung hindi naman masaya ang lahat dito,” sabi niya.
Isinulat ni Mrs. Taylor ang mga bagong pamagat sa pisara. “Mga bata, gusto kong pumili ulit kayo ng pelikulang panonoorin ngayon. May ilang bagong opsiyon ako para sa inyo.”
Nagpunta at naupo si Evelyn sa kanyang upuan, masaya na hindi niya kailangang palampasin ang gantimpala sa klase. Ngunit ang pinakamagandang gantimpala sa lahat ay ang mabatid na inalis ng Ama sa Langit ang kanyang takot at binigyan siya ng lakas ng loob na gawin ang tama.