Para sa Maliliit na Bata
Ang Pastol at ang Nawawalang Tupa
Mula sa Mateo 18:12–14 at Lucas 15:3–7.
Tinuruan ni Jesus ang mga tao sa pamamagitan ng pagkukuwento sa kanila. Isang araw ikinuwento Niya ang tungkol sa isang pastol na may 100 tupa. Ang pastol ay napakabuti at napakabait. Pinangalagaan niya ang kanyang mga tupa mula sa mababangis na hayop. Binantayan niya ang mga ito sa gabi.
Isang araw isa sa mga tupa ang nawala. Iniwan ng pastol ang kanyang 99 na tupa sa ligtas na lugar at hinanap ang nawawalang tupa. Naghanap siya sa matataas na kabundukan hanggang sa ilang.
Nang sa wakas ay matagpuan niya ang kanyang tupa, nagalak ang pastol. Pinasan niya sa kanyang mga balikat ang tupa at iniuwi ito.
Tinipon ng pastol ang kanyang mga kaibigan at sinabi sa kanila kung paano niya natagpuan ang kanyang tupa. Magkakasama silang nagdiwang.
Si Jesucristo ay tulad ng pastol sa kuwento, at tayo ay tulad ng tupa. Binabantayan tayo ni Jesus at pinoprotektahan tayo mula sa panganib. Hindi Niya tayo tinatalikuran kapag nagkakamali tayo. At natutuwa Siya kapag nagsisisi tayo at bumabalik sa Kanyang ebanghelyo. Iyan ang dahilan kaya Siya tinatawag na Mabuting Pastol sa mga banal na kasulatan.