2013
Mga Ideya para sa Family Home Evening
Hunyo 2013


Mga Ideya para sa Family Home Evening

Ang isyung ito ay naglalaman ng mga artikulo at aktibidad na magagamit sa family home evening. Narito ang ilang halimbawa.

“Isang Regalo para kay Lola,” pahina 58: Isiping basahin ang tungkol sa regalo ni Kimberly sa kanyang lola. Magagamit ninyo ang sumusunod na mga tanong upang tulungan kayo sa pagtalakay sa kuwento: Sa palagay ninyo bakit napakahalaga ng kanyang liham kay Lola? Ano ang pakiramdam ninyo kapag pinasasalamatan kayo ng isang tao dahil sa isang bagay? Sa palagay ninyo ano ang nadarama ng Ama sa Langit tungkol sa pasasalamat? Makakabasa kayo ng tungkol sa pasasalamat sa Para sa Lakas ng mga Kabataan sa pahina 18. Isiping isalaysay ang kuwento ng pagpapagaling ni Jesucristo sa 10 ketongin sa Lucas 17:11–19 at talakayin kung ano ang itinuturo ng kuwentong ito tungkol sa pasasalamat. Para sa aktibidad, maaaring magpadala ang bawat miyembro ng pamilya ng liham ng pasasalamat sa isang tao sa linggong iyon.

“Isang Basbas para Mabinyagan,” pahina 66: Maaari ninyong simulan ang inyong family home evening sa pagkanta ng “Ang Katapangan ni Nephi” (Aklat ng mga Awit Pambata, 64). Pagkatapos ay basahin ang kuwento sa pagdaig ni Trevor sa kanyang takot sa tubig at pag-isipan ang sumusunod na mga tanong: Natakot na ba kayong minsan na gawin ang isang bagay? Ano ang nakatulong sa inyo para hindi matakot? Anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na magbahagi ng mga bagay na kailangan nilang gawin na ipinag-aalala nila. Bilang isang pamilya, talakayin ang mga paraan na matutulungan ninyo ang isa’t isa na magkaroon ng lakas ng loob. Para sa aktibidad, maaari kayong gumawa ng obstacle course sa silid. Piringan ang isang miyembro ng inyong pamilya. Tulungan siya na magtiwala na ligtas siyang makadaraan sa obstacle course kung makikinig siya sa mga tagubilin. Maaari ninyong talakayin kung paano tayo gagabayan at papanatagin ng Espiritu sa mga sitwasyong kinatatakutan natin.

Sa Inyong Wika

Ang Liahona at iba pang mga materyal ng Simbahan ay makukuha sa maraming wika sa languages.lds.org.