2013
Pananampalataya ng mga Taga-isla
Hunyo 2013


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Pananampalataya ng mga Taga-isla

Sa isang biyahe kamakailan mula Estados Unidos hanggang Marshall Islands at Tonga, humanga ako sa dalisay na pananampalataya ng mga taong nakilala ko. Karaniwan, sa tingin ko, ang kanilang pananampalataya ay hindi apektado ng pabagu-bagong pakahulugan ng lipunan sa Kanluran tungkol sa moralidad at katotohanan. Ang pananampalataya ng mga taga-isla ay malalim, ayon sa inilarawan ng dating mission president sa Tonga na si Elder John H. Groberg (ng Pitumpu, 1976–2005). Ito ay nakabatay sa Pagbabayad-sala at plano ng kaligtasan. Ang gayong pananampalataya ay hindi na nag-aalinlangan sa natutuhan sa pamamagitan ng Espiritu.

Sa ilang paraan, ang buhay sa Pacific Islands ay mas mabagal kaysa nakasanayan ko. Bagama’t ang mga taga-isla ay may mga kotse at TV, sine at Internet, isports at ilan pang mga aktibidad, tila hindi gaanong malaki ang impluwensya ng mga ito hindi tulad sa maraming kultura, pati na sa Estados Unidos.

Mangyari pa, may sariling kinakaharap na mga hamon ang mga taga-isla. Tulad ko, kailangan nilang maghanap ng paraan para may makain at masilungan at mapangalagaan at maprotektahan din ang kanilang patotoo. Gayon pa man paulit-ulit kong nasaksihan ang pananampalataya ng mga taong hindi nanghina sa kabila ng mga hamon o nalihis dahil sa kaabalahan o mga panggagambala. Sa halip, batid nila ang impluwensya ng Panginoon sa kanilang buhay. Tulad ng ipinaliwanag ni Elder David S. Baxter ng Pitumpu (at dating Pacific Area President), “Naniniwala sila sa mga himala, umaasa silang maranasan ito, at nararanasan nila ito.”

Habang papauwi ako mula sa aking paglalakbay sa South Pacific, pinagnilayan ko ang ilang tanong: Bakit nananatiling matibay ang pananampalataya ng ilang tao, samantalang tinutulutan ng iba na magambala ang kanilang isipan ng mga pag-aalinlangan o pagdududa? Bakit tinutulutan ng ilan, matapos magkaroon ng patotoo, na manghina o madaling matinag ito? Kapag nasasaksihan ng ilan ang impluwensya ng Panginoon sa kanilang buhay, bakit sila nagugulat?

Marahil nakasalalay ang mga sagot sa katatagan ng puso ng isang tao sa harap ng altar ng Panginoon. Para sa mga taga-islang nakilala ko, hindi nila madalas gawin o ulitin ang desisyong ito. Dahil isinalig nila ang kanilang pananampalataya sa Bato ng kanilang Manunubos, ang matibay na saligan, marami ang hindi na nag-aalinlangan; ayaw nilang manghina ang kanilang patotoo. Tinatanggap nila ang alam nilang totoo at hinahayaang maglaho ang mga pagdududa.

Iyan ang katangiang nais kong gawing perpekto. Kapag may mga hamon sa aking mga paniniwala, gusto kong magawa ang ipinagawa ng Panginoon kay Oliver Cowdery: “Ipako mo ang isipan sa gabing ikaw ay nagsumamo sa akin sa iyong puso, upang iyong malaman ang hinggil sa katotohanan ng mga bagay na ito. Hindi nga ba’t ako ay nangusap ng kapayapaan sa iyong isipan hinggil sa bagay na ito? Ano pang mas higit na katibayan ang iyong matatamo kundi ang mula sa Diyos?” (D at T 6:22–23). Ang gayong pag-alaala ay humahantong sa hindi natitinag na pananampalataya.

Ang ganitong uri ng pananampalataya ay dalisay at hindi nagagambala. Ito ay matapat at kasiya-siya. Ito ay nagsasabing: “Alam ko na ito. Hindi ko na kailangang pag-alinlanganan pa itong muli.”

Ang ganitong uri ng pananampalataya sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang plano ay nagtutulot sa Kanyang kapangyarihan na maging aktibo sa ating buhay. Hindi ito sumusuko sa mga paninira sa ating mga paniniwala, sa kapaguran, o sa kawalang-katiyakan. Tinutulutan tayo nitong sabihin na, “Siya ay buhay!” At iyan, para sa akin, ay sapat na.

Mga larawang kuha ni Joshua J. Perkey