Mensahe sa Visiting Teaching
Kagalakan sa Family History
Mapanalanging pag-aralan ang materyal na ito at, kung angkop, talakayin ito sa kababaihang dinadalaw ninyo. Gamitin ang mga tanong upang tulungan kayong patatagin ang inyong mga kapatid at gawing aktibong bahagi ng inyong buhay ang Relief Society. Para sa iba pang impormasyon, pumunta sa reliefsociety.lds.org.
Itinuro ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang Diwa ni Elijah ay “isang pagpapamalas ng Espiritu Santo na nagpapatotoo sa kabanalan ng pamilya.”1
Bilang mga miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan ni Cristo, kasama sa ating tipan ang responsibilidad na saliksikin ang ating mga ninuno at isagawa para sa kanila ang nakapagliligtas na ordenansa ng ebanghelyo. Sila kung wala tayo ay hindi “[magiging] sakdal” (Sa mga Hebreo 11: 40), at “ni tayo kung wala ang ating mga patay ay hindi magagawang ganap” (D at T 128: 15).
Inihahanda tayo ng family history para sa mga pagpapala ng buhay na walang hanggan at tinutulungan tayong dagdagan ang ating pananampalataya at sariling kabutihan. Ang family history ay mahalagang bahagi ng misyon ng Simbahan at nagbibigay-daan para magawa ang kaligtasan at kadakilaan para sa lahat.
Sinabi ni Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Kapag sinasaliksik natin ang sarili nating angkan nagiging interesado [tayo] hindi lamang sa mga pangalan. … Ibinabaling ng ating interes ang ating puso sa ating mga ama—hinahangad nating matagpuan sila at makilala at mapaglingkuran.”2
Mula sa mga Banal na Kasulatan
Malakias 4: 5–6; I Mga Taga Corinto 15:29; D at T 124:28–36; 128:15
Mula sa Ating Kasaysayan
Itinuro ni Propetang Joseph Smith, “Ang pinakamalaking responsibilidad sa mundong ito na iniatang sa atin ng Diyos ay ang saliksikin at kilalanin ang ating mga patay.”3 Maaari tayong maging proxy sa templo para sa ating yumaong mga ninuno at magsagawa ng kinakailangang mga ordenansa para sa kanila.
Si Sally Randall ng Nauvoo, Illinois, na namatayan ng 14-na-taong-gulang na anak, ay napanatag nang lubos sa pangakong maaaring maging walang hanggan ang pamilya. Matapos mabinyagan ang kanyang asawa para sa kanilang anak, isinulat niya sa kanyang mga kamag-anak na: “Napakasaya talaga na [tayo ay] … maaari nang mabinyagan para sa lahat ng ating namatay [na mga ninuno] at maligtas sila hanggang sa makakaya nating masaliksik tungkol sa kanila.” Pagkatapos ay hiniling niya sa kanyang mga kamag-anak na padalhan siya ng impormasyon tungkol sa kanilang mga ninuno, at sinabing, “Nais kong gawin ang magagawa ko para mailigtas ang [ating pamilya].”4