Ipinagdasal Kita
Ami Hranac Johnson, Idaho, USA
Kamakailan medyo nahuli ako sa pagsisimba at nagmamadaling pumasok sa chapel habang kinakanta pa lang ang pambungad na himno. Nang pumasok ako sa kapilya, nakita ko na halos mapuno ito kaysa rati. Nang ilibot ko ang aking paningin sa napakaraming bisita, may natanto akong dalawang bagay: magtatanghal sa sacrament ang Primary ng aming ward, at may nakaupo na sa palagi kong inuupuan.
Dali-dali akong umupo sa unang hanay ng mga upuan sa overflow seating at tamang-tamang nakita kong dumarating ang isang bata pang ina na hawak-hawak ang kanyang dalawang-taong-gulang na anak na lalaki at karga ang kanyang anim-na-buwang-gulang na anak na babae. Napansin ko na hindi niya kasunod ang kanyang asawa. Nang sumulyap ako sa paligid ng kapilya, nakita kong naroon siya sa pulpito, nakaupo sa may piyano—siya ang tutugtog para sa Primary.
Dahil wala akong asawa, karaniwan ay nakaupo ako katabi ng isang kaibigan. Ngunit noong araw na iyon ay nasa malayo ang kaibigan ko. Naisip ko na mabuting umupo ako sa tabi ng bata pang ina at kanyang mga anak, kaya tinanong ko kung puwede akong tumabi sa kanila. Pumayag ang nanay. Sa buong pulong nasiyahan ako sa pagtulong sa pag-aalaga sa batang lalaki at pakikinig sa mga batang Primary.
Sa pagtatapos ng sacrament meeting, sinabi niya sa akin na nanalangin siya para sa akin nang umagang iyon. Hinintay kong ipaliwanag pa niya ang ibig sabihin nito. Sinabi niya na nagdasal siya na sana ay magsimba ako at na tatabihan ko siya sa upuan at tutulungan siya. Naisip niya na baka hindi niya matapos ang sacrament meeting dahil sa pag-aasikaso nang mag-isa sa kanyang mga anak. Tuwang-tuwa ako na nasagot ko ang kanyang simpleng panalangin, na sinambit lang nang umagang iyon.
Alam ko na mahal na mahal tayo ng Panginoon nang higit sa kaya nating maunawaan. Ang masaksihan ang sagot sa isang simpleng kahilingan ay nagturo sa akin ng isang nakaaantig na aral, at natitiyak kong may itinuro rin ang karanasang ito sa inang iyon. Nang tanungin ko kung puwede ba akong maupo sa tabi ng miyembrong ito, hindi ko inisip na sagot ako sa isang panalangin—ginawa ko lamang ang gusto kong gawin ng iba para sa akin kung ako ang nasa kalagayan niya.
Talagang nakikinig ang Ama sa Langit at sinasagot ang ating mga dalangin, maging ang tila maliliit na bagay.