Tinalakay ng mga Lider ng Simbahan ang “Pagpapadali sa Gawain”
Sa gitna ng mga pagbabago na nangangailangan ng mga tinedyer na mga Banal sa mga Huling Araw na magampanan ang mas malaking tungkulin sa paghahanda bilang missionary, sa family history at gawain sa templo, at pagtuturo tuwing Linggo, sinasabi ng mga lider na ang mga kabataan ng Simbahan ay “tinawag na kumilos” at hinilingan na “bumangon at magliwanag” (D at T 115:5).
Kitang-kita sa mga pagbabago ang isang bagay: “Ang Panginoon ay may isang bagay na gusto Niyang gawin,” sabi ni Elder Paul B. Pieper ng Pitumpu.
Si Elder Pieper, Executive Director ng Priesthood Department, ay nakibahagi kamakailan sa isang talakayan sa Church News tungkol sa mga pagbabagong makakaapekto sa mga kabataan sa maraming lugar. Nakibahagi rin sa talakayan sina Elder Allan F. Packer ng Pitumpu at Executive Director ng Family History Department, Elder William R. Walker ng Pitumpu at Executive Director ng Temple Department, Elder W. Craig Zwick ng Pitumpu at Assistant Executive Director ng Missionary Department, Elder Paul V. Johnson ng Pitumpu at Commissioner of Church Education; Elder Dennis C. Brimhall, Area Seventy at managing director ng Family History Department, at Linda K. Burton, Relief Society general president.
Sa pagtukoy sa pagbaba ng edad kung saan ang mga kabataang lalaki at kabataang babae ay maaari nang magmisyon, at sa isang liham ng Unang Panguluhan na humihiling sa kabataan na makibahagi sa pagsasaliksik ng family history at pagdadala ng mga pangalan ng pamilya sa templo, sinabi ni Elder Pieper na hindi niya nakita ang “kaugnayan ng tatlong pagbabago” bago sumapit ang kumperensya. “Naaalala kong nagpunta ako sa kumperensya … at itinatanong sa sarili ko, ‘Paano nagkaugnay-ugnay ang lahat ng ito?’ Malinaw na ito ay gawa ng Panginoon.”
Sinabi ni Elder Zwick na malinaw ang sinabi ng Panginoon: “Aking mamadaliin ang aking gawain sa panahon nito” (D at T 88:73). “Ang Panginoon mismo ang namumuno sa atin,” dagdag pa niya. “Palagay ko ay walang henerasyon noon ng mga kabataan na inihanda para sa kurikulum na katulad [ng mga kabataan] ngayon. Palagay ko walang grupo ng mga kabataan noon na nakagawa ng gayon karaming pagbibinyag o iba pang mga ordenansa para sa mga patay… [o] naging ganoon kalapit sa gawain sa templo at sa lahat ng aspetong iyan na tulad ng grupong ito. At tiyak ang lahat ng iyan … ay naghahanda sa kanila sa paglilingkod bilang missionary at nagtatatag ng matibay na pundasyon para sa karagdagang mga responsibilidad sa susunod na mga taon pagkatapos ng kanilang misyon.”
Ito ay nakaaantig na mensahe na nagsasabing pinagkakatiwalaan ng Diyos ang Kanyang mga kabataan, sabi ni Elder Brimhall.
“Kapag may ginawang anumang bagay ang Panginoon, lahat ng bagay ay nalalagay sa ayos sa tamang panahon, at iyan ang nangyayari dito,” sabi ni Elder Johnson, na nagsabing hindi alam ng mga gumagawa ng kurikulum para sa kabataan na magkakaroon ng pagbabago sa edad ng pagmimisyon.
Nagsalita si Elder Walker tungkol sa liham ng Unang Panguluhan na humihikayat sa mga kabataan na tapusin ang kanilang family history at dalhin ang mga pangalang iyon sa templo. “Ang pagkakaroon ng mga kabataan ng sarili nilang temple recommend na limitado ang paggamit … ay talagang napakagandang bagay,” sabi niya. “Ang mga kabataan [ay] sabik sa paggawa ng gawain sa templo at nauunawaan ang doktrina. … Iyan ay talagang nakatulong upang espirituwal silang makapaghanda para sa lahat ng napakagagandang bagay na ito na nakalaan para sa kanila.”
Sinabi ni Elder Packer na narinig niya kamakailan ang isang dalagita na tumayo at nagbahagi ng kanyang patotoo tungkol sa gawain sa family history. “Talaga palang napakasayang gawin ito, higit pa sa kasiyahang sinabi ng matatanda na madarama natin,” sabi niya.
“Iyan ang Diwa ni Elijah,” sabi ni Elder Walker. “Iyan ang pagbaling ng mga puso ng mga anak sa mga ama at ng mga ama sa mga anak.”
Babaguhin ng gawain sa family history, sabi pa ni Elder Packer, ang paraan ng paggawa ng desisyon ng mga kabataan at ang pakiramdam nila tungkol sa mga hamon. Sinabi niya na maaaring isipin nila na, “Kung nagawa ito ni Lolo, magagawa ko rin ito.”
Sinabi niya na isang temple president ang nagkuwento na kapag tumatayong proxy ang mga kabataan sa pagbibinyag para sa kanino mang pangalan, umaahon sila sa tubig nang nakangiti, ngunit “kapag ginagawa nila ito para sa isang ninuno, may luha sila sa kanilang mga mata. May nadarama sila na mas malalim; may nadarama pa na mas matindi.”
Ang pagtulong sa mga kabataan na magkaroon ng pananaw ang siyang mithiin ng bagong kurikulum ng kabataan—kung saan ang mga learning resources o resources sa pag-aaral ay ipapalit sa mga manwal ng lesson, sabi ni Elder Pieper. Tutulutan ng kurikulum ang mga guro ng kabataan na malaman kung ano ang kailangan nilang gawin bawat Linggo upang maihanda ang mga kabataan para sa gawain sa templo at family history at gawaing misyonero.
“Ang bagong MTC ay ang tahanan,” sabi ni Elder Packer. “Ang bagong family history center ay ang tahanan. Tutulungan ng bagong kurikulum ang mga kabataan at mga magulang sa gawaing iyan.”
Ang mensahe sa mga magulang ay “ang mga lider ng Simbahan ay nagtitiwala sa inyo bilang mga magulang at nagtitiwala sa mga kabataang lalaki at kabataang babaeng ito na pinapalaki sa inyong mga tahanan,” sabi ni Elder Zwick.
Ang lahat ng pagbabago ay nagsusulong sa “Simbahan sa nararapat nitong kalagyan, kung saan ito ipinropesiya na makararating,” sabi ni Elder Johnson. “Alam ng Panginoon kung ano ang hinaharap, at … ito ay isa lamang sa maraming bagay na ginagawa Niya para maisulong ang kaharian, upang tulungan itong lumaganap sa mundo.”
Sinabi ni Elder Pieper, habang iniisip ang lahat ng nangyari sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre, na nakikita niya “ang propeta na may mga susi, na nagbubukas ng mga pintuan at nagsasabing, ‘Hayan na.’ Inaanyayahan namin kayo na lumapit at makibahagi sa gawaing ito. Ito ay panahon ng Panginoon. Alam nating lahat iyan. Nadarama nating lahat ito. Nadarama ito ng Simbahan. Talagang maisasagawa ito.”