2013
Pinayuhan ni Elder Christofferson ang mga Miyembro sa Central America
Hunyo 2013


Pinayuhan ni Elder Christofferson ang mga Miyembro sa Central America

Ang gawain ng Simbahan ngayon ay maghanda ng mga tao na magiging handang tanggapin at paglingkuran ang Panginoon sa pagparito Niya, sabi ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol sa mga miyembro ng Panama Arraiján Stake noong Enero 20, 2013.

Ito ang tema na ilang beses na binanggit ni Elder Christofferson sa paglalakbay sa Central America mula Enero 11 hanggang 20 habang nagsasalita sa pagtitipon ng mga kabataan, mga young single adult, mga missionary, mga lokal na lider, at mga miyembro sa mga miting ng stake conference.

Si Elder Christofferson ay sinamahan ng kanyang asawang si Kathy Christofferson, at ni Elder Richard J. Maynes ng Panguluhan ng Pitumpu at ng kanyang asawang si Nancy Maynes. Nang una niyang puntahan ang Costa Rica, pagkatapos ang Guatemala, at sa huli ang Panama, si Elder Christofferson ay sinamahan sa iba’t ibang lugar ng mga miyembro ng Area Presidency: Elder James B. Martino, Pangulo; Elder Carlos H. Amado, Unang Tagapayo; at Elder Kevin R. Duncan, Pangalawang Tagapayo.

Si Elder Maynes ay nagpunta rin sa Honduras at Belize para bisitahin ang mga lider at mga miyembro doon.

Si Elder Christofferson ay nagsalita sa daan-daang kabataan na nagtipon sa mga kumperensya para sa Lakas ng mga Kabataan sa Costa Rica at Panama; sa mga grupo ng mga missionary sa San José, Costa Rica; Guatemala City, at Panama City; sa malalaking grupo ng mga young single adult sa tatlong bansa; at sa pagtitipon ng mga lider ng priesthood at auxiliary.

Binisita rin niya ang mga pangulo ng Costa Rica at Guatemala para patatagin ang mahahalagang kaugnayan sa mga pamahalaang iyon.

Sa Costa Rica hinikayat ni Elder Christofferson ang mga kabataan at young adult na sundin ang mga utos, alalahanin na kilala at mahal sila ng Ama sa Langit, at basahin ang mga banal na kasulatan araw-araw at hangaring tanggapin ang lahat ng maibibigay sa kanila ng Espiritu habang nagbabasa sila.

Nagbigay siya ng isang malakas na patotoo tungkol kay Propetang Joseph Smith at kay Jesucristo. “Binabasbasan ko kayo na matanggap ninyo ang patotoo ring ito na ipinapahayag ko,” sabi niya, at idinagdag na, “[Si Jesucristo] ay totoo at buhay. Sumasamo ako sa gabing ito na mapasainyo ang Kanyang mga pagpapala.”

Sa Guatemala, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pamilya.

“Sa pagbuo ng pamilya, nagagampanan natin ang ating pinakadakilang layunin sa mundo,” sabi niya.

Siya ay nangusap sa mga kabataan sa Panama at nagpatotoo, “Ang lider ng Simbahang ito ay ang ating Panginoong Jesucristo. Siya ay mapagmalasakit na lider at aktibo sa paggabay sa Kanyang Simbahan.”

Binigyang-diin sa priesthood leadership conference na huwag magtuon sa mga gawain at pagiging abala kundi sa mga ibinunga ng paglilingkod ng priesthood, lalo na ang conversion o pagbabalik-loob ng bawat tao.

Si Elder Maynes ay namuno din sa iba’t ibang miting, pati sa mga miting ng young adult at mga missionary sa Belize at Honduras, at nagpayo at nagbigay ng espirituwal na patnubay sa daan-daang tao na nasa mga lupain ng Central America.

Binabati ni Elder D. Todd Christofferson ang isang dalagita pagkatapos ng isang miting sa Panama, noong Enero.

Larawang kuha ni James Dalrymple © IRI