Nagsalita Sila sa Atin
Gawing Mas Taimtim ang Inyong Personal na Panalangin
Mula sa isang mensahe sa debosyonal na ibinigay sa Brigham Young University–Hawaii noong Mayo 17, 2011. Para sa buong teksto sa Ingles, bisitahin ang devotional.byuh.edu.
Sa pakikinig sa inyong mga personal na panalangin, ano ang inihahayag nito tungkol sa inyo at sa inyong pakikipag-ugnayan sa Ama sa Langit?
Ang banal na paanyaya na manalangin sa Ama sa pangalan ni Jesucristo ay nag-iisang kautusan na binanggit nang napakaraming beses sa lahat ng nakatalang banal na kasulatan at ang pinakapangunahing uri ng pagsamba. Subalit marami sa atin ang nahihirapan sa pagsisikap nating gawing makabuluhan at naghahayag ang ating personal na panalangin.
Naniniwala ako na ang personal na pagdarasal ay isa sa pinakamahahalagang hamon na kinakaharap ng mga miyembro ng Simbahan, lalo na ng mga kabataan at young adult. At dahil nahihirapan silang gawing mas taimtim ang kanilang panalangin, nahihirapan sila sa espirituwal.
Ang ating mga personal na panalangin ay barometro ng ating espirituwal na lakas at sukatan ng katatagan ng ating espirituwalidad. Natutuhan ko bilang ama, lider ng priesthood, at mission president na ang pakikinig na mabuti sa mga panalangin ng ibang tao ay maaaring maghayag pa ng tungkol sa pakikipag-ugnayan niya sa Diyos.
Sa pakikinig sa inyong mga personal na panalangin, ano ang inihahayag nito tungkol sa inyo at sa inyong pakikipag-ugnayan sa Ama sa Langit?
Ang Alituntunin ng Personal na Panalangin
Ang pagdarasal ay pakikipag-usap sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan ng ating mga espiritu. Lubos Niyang minamahal ang bawat isa sa atin at puspos ng awa at pag-unawa. Alam Niya ang lahat tungkol sa atin. Alam Niya ang mga pangangailangan natin, kahit na ang nakikita lamang natin ay ang gusto natin. Walang-hanggan ang Kanyang kapangyarihan at kakayahang tulungan at gabayan tayo. Siya ay palaging handang magpatawad at tulungan tayo sa lahat ng bagay.
Maaari nating kausapin nang malakas ang Ama sa Langit o tahimik na manalangin sa ating isipan at puso. Ang mga personal na panalangin ay dapat taimtim at sagradong pagpapahayag ng papuri at pasasalamat; taos-pusong pagsamo para sa partikular na pangangailangan at hangarin; mapagkumbaba, nagsisisi at nagtatapat at humihingi ng kapatawaran upang malinis; sumasamo ng kaaliwan, patnubay, at paghahayag. Madalas dahil sa mga panalanging ito nasasabi natin nang lubos ang saloobin natin sa ating mapagmahal na Ama sa Langit.
Ang panalangin ay kadalasang maikling pakikipag-usap, ngunit maaari din itong maging bukas at patuloy na pag-uusap sa buong araw at gabi (tingnan sa Alma 34: 27).
Mahalaga ang Personal na Panalangin
Sa banal na plano ng ating Ama sa Langit, kinailangang mawalay tayo sa Kanyang piling sa pisikal at espirituwal. Ang panalangin ay mahalaga at espirituwal na nag-uugnay sa Diyos at tao. Kung walang panalangin, hindi tayo makababalik sa Ama. Kung walang panalangin, hindi magkakaroon ng sapat na pananampalataya upang maunawaan at masunod ang mga kautusan. Kung walang panalangin, hindi makakamtan ang kailangang espirituwal na kapangyarihan upang maiwasan ang tukso at madaig ang mga pagsubok at paghihirap. Kung walang panalangin, hindi matatamo ang pagsisisi, kapatawaran at ang nakalilinis na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala. Sa kapangyarihan ng personal na panalangin, lahat ng bagay ay posible.
Dahil sa panalangin nakakamtan ang personal na paghahayag at mga espirituwal na kaloob sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Ito ay espirituwal na pakikipag-ugnayan na ibinigay sa lahat ng anak ng Diyos, na nagtutulot sa atin na palaging makausap ang ating Amang Walang Hanggan, ang Kanyang Pinakamamahal na Anak, at ang Espiritu Santo. Ang panalangin ay makapangyarihan at nakahihikayat na katibayan na totoo at buhay ang Diyos Amang Walang Hanggan. Mahalaga ang personal na panalangin sa pag-unawa sa Diyos at sa ating banal na pagkatao.
Gawing Mas Taimtim ang Inyong mga Panalangin
Maghandang Manalangin
Madalas una nating ginagawa ang ating personal na panalangin sa umaga kapag hindi pa tayo gising na gising at alerto o sa gabi kapag tayo ay masyadong pagod na para manalangin nang taimtim. Ang pagod na katawan, isipan, at damdamin ay maaaring makahadlang sa atin na manalangin nang makabuluhan.
Ang panalangin ay espirituwal na gawain na ginagawa matapos ang paghahanda sa isipan at sa espirituwal. Kung hindi tayo magpapakumbaba at iisiping mabuti na tayo ay mananalangin sa Diyos Amang Walang Hanggan sa pangalan ni Jesucristo, hindi mapapasaatin ang pinakadiwa ng banal na huwarang itinatag upang pagpalain tayo.
Magtakda ng sapat na oras upang taimtim at mapagpakumbabang maiparating ang pinakamatinding hangarin ng inyong puso sa Ama sa Langit. Anyayahan ang Espiritu Santo na tulungan kayong malaman ang dapat ipagdasal. Ang pagdarasal nang malakas ay tumutulong sa akin na magtuon sa aking mga panalangin at makinig sa aking sarili nang walang iba pang iniisip.
Iminumungkahi kong magtakda ng oras at lugar kung saan mapag-iisipan ninyong mabuti ang inyong buhay at mga pangangailangan. Isipin ang inyong banal na pagkatao at kaugnayan sa Diyos. Sikaping ilarawan sa isipan ang Ama sa Langit habang naghahanda kayong makipag-usap sa Kanya. Isipin ang Tagapagligtas na kung kaninong pangalan kayo mananalangin. Ang paggawa nito ay tutulong sa inyo na makatuon at makapaghandang manalangin nang may mapagpakumbaba at mapagpasalamat na puso.
Mamuhay nang Karapat-dapat
Wala tayong kumpiyansang humarap sa ating Ama sa Langit kung hindi tayo malinis. Nakasisira sa ating kumpiyansang manalangin ang pornograpiya, seksuwal na kasalanan, at anumang uri ng libangan na lumalapastangan sa kabanalan o nag-uudyok ng imoralidad at humahadlang sa atin na matanggap ang mga espirituwal na pahiwatig. Gayunpaman, tandaan, si Satanas lamang ang nagsasabi sa inyo na hindi kayo makapagdarasal o hindi kayo dapat magdasal. Palagi tayong hinihikayat ng Espiritu Santo na manalangin, kahit nahihirapan tayong sumunod at maging karapat-dapat.
Manalangin nang may Layunin
Ang panalangin ay mahalaga sa paghahayag. Ang makabuluhang mga tanong ay nagdudulot ng mas matinding pagtutuon, layunin, at kahulugan sa ating mga panalangin. Kung gusto ninyong makatanggap ng mas personal na paghahayag sa pamamagitan ng inyong mga panalangin, maaari ninyong pag-isipan ang mga itatanong ninyo. Karaniwang dumarating ang paghahayag bilang sagot sa tanong. Upang makatanggap ng paghahayag, iniuutos sa atin na saliksikin ang mga banal na kasulatan, pagnilayan ang mga ito at isabuhay ang mga ito. Kapag ginawa natin ito, tutulungan tayo ng Espiritu Santo na makapagtanong nang makabuluhan.
Iayon ang Inyong Kalooban sa Kalooban ng Ama
Paulit-ulit na iniutos ng Tagapagligtas na “dapat tayong laging manalangin sa Ama sa pangalan [ng Panginoon]” (3 Nephi 18:19). Kapag nagdarasal tayo sa pangalan ni Jesucristo, ibig sabihin “ang ating isipan ay ang isipan ni Cristo, at ang ating mga naisin ay mga naisin ni Cristo. … Pagkatapos humihingi tayo ng mga bagay na maaaring ipagkaloob ng Diyos. Maraming panalangin ang nananatiling hindi sinasagot dahil ang mga ito ay hindi sa pangalan ni Jesucristo; hindi kinakatawan ng mga ito ang kanyang isipan, kundi nagmumula sa kasakiman ng puso ng tao” (Bible Dictionary, “Prayer”). Ang ganitong mga panalangin ay nagpapakita ng walang kabuluhang pag-asa, hindi ng pananampalataya.
Ang panalangin ay hindi isang negosasyon. Ito ay pag-ayon. Hindi natin pinaaayon ang Diyos sa ating pananaw. Ang panalangin ay hindi gaanong tungkol sa pagbabagong nagagawa nito sa ating kalagayan kundi mas tungkol ito sa pagbabagong nagagawa sa atin. Ito ay tungkol sa pagsunod sa Kanyang kalooban at pagpapatulong sa Kanya na magawa ang kailangan nating gawin. Kapag iniayon natin ang ating kalooban sa kalooban ng Ama sa Langit, lalong saganang dadaloy ang mga sagot at espirituwal na lakas. Ang pagsunod sa huwarang ito ay nagtutulot sa atin na manalangin nang may pananampalataya.
Naririnig ba ng Ama sa Langit ang mga Dasal Ko?
Halos 20 taon na ang nakararaan, isinilang ang aming ikalimang anak na si Benjamin. Napansin ng aking asawa na parang may depekto ang mga mata ni Benjamin. Kumunsulta kami sa isang matalik na kaibigan sa ward namin na isang retinal specialist, kinumpirma niyang tama ang inaalala namin at nasuring may retinal blastoma si Benjamin, isang di-pangkaraniwang uri ng kanser sa mata. Nakapanlulumo ang balitang iyon.
Ilang linggo kalaunan, sumailalim si Benjamin sa una sa marami niyang operasyon. Bago ang operasyon nakausap namin ang surgeon at sinabi sa kanya na nananalig kami na matutuklasan niyang mapapagaling ang mata ni Benjamin at hindi kailangang tanggalin ito. Nag-ayuno at nagdasal ang aming buong pamilya at maraming miyembro ng ward para sa aming anak, at malaki ang pananalig namin na gagaling si Benjamin.
Makalipas ang isang oras, bumalik ang surgeon at sinabing napinsala na ng tumor cells ang mata ni Benjamin at ang isa pa niyang mata ay delikado na rin at kailangang gamutin kaagad. Hindi ako nakapagsalita. Dahil sa nadamang matinding kalungkutan at hindi makapaniwala, lumabas ako sa ospital sa mapanglaw na umaga sa San Francisco at naglakad, tumatangis at namimighati.
Nagawa ko na ang lahat ng naituro sa akin na dapat gawin. Nagdasal kami at nakatanggap ng malakas na impresyon na piliin ang doktor na ito. Nag-ayuno at nanalangin kami at nakatiyak na ang aming sanggol na anak ay gagaling sa pamamagitan ng pananampalataya at kapangyarihan ng priesthood. Subalit, hindi namagitan ang Panginoon. Ang aming pananampalataya ay tila walang kabuluhang pag-asa. Nagsimula akong magduda sa lahat ng bagay na pinaniniwalaan ko noon. Habang naglalakad ako, nadama kong parang pinagtaksilan ako at galit ako. Nanlumo ako sa labis na pagdadalamhati.
Hindi ko ikinatutuwa ang naging pakikipag-usap ko sa Ama sa Langit habang naglalakad ako at nananangis nang umagang iyon. Pagkaraan ng ilang oras, nakayanan ko nang kontrolin ang aking damdamin. Naaalala ko noon na naisip ko ang mga salita sa awit ng mga bata sa Primary. “Ama sa Langit, kayo ba’y nar’yan? Dalangin ba ng musmos, pinakikinggan?” Dahil malinaw na hindi po ninyo pinakinggan ang dalangin ko o siguro talagang bale-wala kami ng anak ko sa inyo. (“Panalangin ng Isang Bata,” Aklat ng mga Awit Pambata, 6–7.)
Sa sandaling iyon, nadama ko ang magiliw na awa. Sa aking puso at isipan, nadama ko ang mga salitang ito: “Kevin, siya ay anak ko rin.” Malinaw na malinaw ang pahiwatig na iyon. Natanto ko sa sandaling iyon na hindi ko naunawaan ang layunin ng panalangin. Inakala ko na, dahil mabuti ang layunin ko, puwede ko nang gamitin ang priesthood at pag-aayuno at panalangin para baguhin ang kalooban ng Diyos.
Sa unang pagkakataon sa buhay ko, lubos kong natanto na hindi ako ang magpapasya. Alam ko na kailangan kong sumang-ayon sa kalooban ng Ama sa Langit. Hindi ko basta makukuha ang gusto ko kung kailan at paano ko naisin ito dahil lamang sa sumusunod ako sa mga kautusan. Ang layunin ng panalangin ay hindi para sabihin sa Ama sa Langit kung ano ang gagawin, kundi ang alamin kung ano ang gusto Niyang gawin ko at matutuhan. Kailangan kong iayon ang aking kalooban sa Kanyang kalooban.
Haharapin namin ang anim pang taon ng mabibigat na pagsubok sa pakikibaka namin sa kalagayan ng aming musmos na anak upang iligtas ang isa pa niyang mata at ang kanyang buhay. Ngunit alam ko na ngayon na batid ito ng Ama sa Langit at Siya na ang bahala rito. At anuman ang mangyari sa huli, dininig at sinagot Niya ang aking panalangin. Ngayon ang aming anak, na ang buhay ay isang himala, ay nagmimisyon na sa Spain.
Lubos kong napatunayan sa sarili kong buhay na ang Diyos ay ating mapagmahal na Ama sa Langit at tunay na dinirinig at sinasagot ang ating mga panalangin. Kapag patuloy ninyong inalam at inunawa ang banal na alituntunin ng personal na panalangin tulad ng itinuro ng Tagapagligtas, ang panalangin ay pagmumulan ng matinding espirituwal na lakas at paghahayag sa inyong buhay.