Isang Regalo para kay Lola
ay nakatira sa California, USA.
Napakahalaga ng isang simpleng liham ng pasasalamat para sa lola ko.
Noong bata pa ako, madalas magdaos ng pagtitipon ang aking lola para magkasama-sama kaming magpipinsan. Mga 14 kami, at lagi kaming nasasabik kapag inanyayahan kami ni Lola sa kainan, pagtulog sa kanila, paglalaro sa gabi, at tuwing pista-opisyal. Ang bahay ni Lola ang lugar na pinakamasayang puntahan!
Masaya ang lahat ng aktibidad sa bahay ni Lola. Pero hindi ko naisip noon ang lahat ng oras at pagod na ginugol sa bawat aktibidad. Ang akala ko ay ganoon lang talaga ang ginagawa ng mga lola, at gustung-gusto ko ito!
Matapos ang maraming taon ng masasayang alaala kasama ang mga pinsan sa bahay ni Lola, lumipat ang aming pamilya. Kalaunan ay pumunta ang lola ko sa aming bagong tahanan para makasama kami sa espesyal na okasyon. Pinag-isipang mabuti ng aking pamilya ang perpektong regalo para sa kanya. Mas marami siyang kagamitan kaysa sinumang kilala ko. Ano ang maibibigay namin sa lola na nasa kanya na ang lahat ng bagay?
Hiningi ko ang mga ideya ni Itay, at pareho pa rin ang sinasabi niya sa akin taun-taon: “Bakit hindi mo siya sulatan ng napakagandang liham?” Wala na akong maisip pa, kaya maagang-maaga pa lang, bago gumising ang lahat, naupo ako sa tabi ng mesa sa kusina at nakatapak ang aking mga paa sa malamig na baldosa at sumulat sa lola ko ng isang espesyal na liham.
Noong una inisip ko kung ano ang maaari kong isulat bukod sa, “Napakabait po ninyo. Salamat po sa lahat.” Nang tumingin ako sa labas ng bintana sa kusina sa mga puno ng palma at sa kalangitan, naisip ko ang maraming bagay na ginawa ni Lola para sa amin sa nakalipas na mga taon. Naalala ko na hindi ko kailanman nasabi kay Lola kung gaano kahalaga sa akin ang mga panahong iyon na magkakasama kami bilang isang pamilya.
Sa liham ko, sinabi ko kay Lola na mahal ko siya, at pinasalamatan ko siya sa lahat ng magagandang alaala. Ipinaalam ko sa kanya na napakahalaga pa rin sa akin niyon, kahit lumipas na ang maraming taon. Pagkatapos inilagay ko ang liham sa sobre, tinalian ito ng pulang ribon, at bumalik sa aking mainit, at may karpet na silid.
Nang oras na para ibigay ang mga regalo kay Lola, dahan-dahan kong kinuha ang liham ko. Hindi ko alam kung ano ang ibubunga ng regalo ko sa kanya.
Nagulat siya nang iabot ko sa kanya ang sobre. Minasdan ko ang maingat niyang pagpunit sa dulo ng sobre at kinuha roon ang liham na nasa makitid at kulay rosas na papel. Nang basahin niya ito, nagsimula siyang ngumiti at napuno ng luha ang kanyang mga mata. Noon ko lang nakitang umiyak si Lola. Unti-unti siyang tumingala at lumapit sa akin nang buong giliw na nababanaag sa kanyang brown na mga mata. Bumulong siya, “Salamat, salamat. Akala ko walang nakakaalala.”
Hindi inakala ni Lola, na maraming ginawa para mapatatag ang ugnayan ng pamilya, na naaalala ko o nagpapasalamat ako sa mga panahong iyon na magkakasama kami. Pinahiran niya ang kanyang mga mata at sinabi, “Kimberly, salamat. Ito ang pinakamagandang regalong maibibigay ninuman sa akin.”
Niyakap ko si Lola nang mahigpit, nadama ang kanyang malambot na balat sa aking pisngi at naamoy ang kanyang pabango na pinaghalong baby powder at musk. Nagpapasalamat ako sa ideya ng tatay ko na sulatan siya ng isang liham. Hindi ko alam na higit na mahalaga sa lola ko ang pasasalamat at pagmamahal kaysa lahat ng palamuti, pabango, at mga fruitcake na mabibili ng pera.Ang awtor